Jessica Sanchez, American Idol at fasinasyon ng aspirasyonal na bansa


tala sa Filipina Mexican American na finalist sa American Idol

tala sa Filipina Mexican American na finalist sa American Idol

 

Well, well, well matapos nang mahabang pag-aantay, nakapasok din sa finalists ng American Idol ang isang Filipina, o sa partikular ang may trinasyonalidad na Filipina, Mexicana at Amerikana.  Paratihan, babae at malayo pa sa runnerup ang pagkaligwak ng mga naunang Filipina sa kanya.  Pero si Jessica Sanchez, sa simula’t sapul pa lamang—mula audition hanggang finals—ay paborito na ng judges.

Nagamit pa nga ang kaisa-isang save para iligtas siya ng tatlong judges—na nagpapahiwatig rin ng diversidad sa usapin ng etnisidad, sex at sexualidad, at higit sa lahat, lifestyle choices sa U.S.  Liberal ang isa sa pangunahing reality contests sa buong mundo, at sa katunayan mas maganda ang batting average ng pagsikat ng mga nananalo rito kaysa anupamang show sa buong mundo.

Kaya heto tayo bilang peripheral na audience nitong reality show sa U.S. higit na namamangha’t may fasinasyon sa serialidad nitong palabas.  Nabubuhay ang social network sites sa dami ng balitaktakan hinggil sa adopted daughter ng bansa—nakababatang kapatid, crush, jowa material, rising star—kada tapos ng palabas.  Pati ako ay napapanood sa Youtube ng kanyang performance para lang tunghayan ang “what’s the fuzz?!”

Ang kakatwa sa fasinasyon ng bansa rito ay nakapaloob ang interes sa diskurso ng aspirasyon:  one-in-a-million, American dream, only-in-America, rags-to-riches, land of the fair and free, the great white way…  Muli na namang namomobilisa ang ikala’y matagal nang patay at nailibing:  ang kolonial na mentalidad.

Nahigitan ni Sanchez ang viral discoveries ng talk show hosts na sina Arnel Pineda at Charice Pempengco.  Mas malaking bagay at tagumpay ang American Idol, higit pa marahil sa pagkapanalo sa Miss Universe o London Olympics, maging ng Nobel Peace Prize.  Popular, malaki ang tiyak ng pagsikat at pagyaman, marami ang titingala.

Ang problema rito ay hindi naman Filipina si Sanchez, ito lang ang isa sa kanyang etnisidad.  Siguro ay matagal bago naresolba sa kanya kung ano ang kanyang pipiliing isang etnisidad sa mga form na kailangan i-fillup:  Latino o Asyano?  Pero ito ang bansang mahilig umako ng pagka-Filipino/a ng mga sikat at sumisikat sa iba pang bansa.

Ang anumang reality television na programa ay nagmomobilisa sa background ng mga kontestant.  Ito ang bago sa kanya bukod siempre sa lingguhan o arawang pagsubaybay sa kanilang pagtatangkang maging kaisa-isang nananatiling nakatayo sa pagtatapos ng serye.  Ang pagbuyanyang ng background ang lilikha ng morality tale, magbibigay ng kanya-kanyang mukha (distinksyon) sa mga kontestant, at magiging batayan ng pagkilala’t pag-angat sa programa.

Dahil ang sinasaad ng reality show, lalo na sa pagtatapos nito, ang manonood at mamamayan ang maghuhusga sa pamamagitan ng text at online voting kung sino ang katangi-tangi sa lahat: labas sa ipinakitang talento, ang adbentahe ay ang napagtagumpayang branding o bebentang naratibo ng magtatagumpay.

Lubhang magaling ang paghimok sa manonood dahil magsasaalang-alang ng mga ito ang kanilang kita para makapagtext ng boto.  Pati nga sa Filipinas ay pwede nang bumoto sa American Idol.  At kung alam naman na ang Miss Philippines ang paratihang nananalo sa anumang kategoryang binoboto online, maging ang pagpasok ng Underground River bilang modern seven wonders of the world, nakakatiyak tayo rito na may malaking tsansa si Sanchez na manalo.

Ang problema ko sa ganitong pangunahing popular na genre sa telebisyon ay ang pagmimiko ng pagpapanalo sa programa sa mismong rescue narrative sa kolonya at neokolonya, lalo na sa mga subject nito.  Ang pinaka-morally upright ang mas malaki ang tsansa na manalo sa reality television, at ang moral dilemma ng pagligtas ay ipinapasa sa manonood.

Para rin itong politikal, ekonomya at kultural na lagay ng bansa at ng mas makapangyarihan na mga bansa:  tanggap na po naming ang aming paghihirap, dial a financial institution friend, pahingi po ng tulong, iligtas ninyo po kami sa aming abang lagay na kayo rin naman po at ang aming ofisyal ang nagsadlak sa amin.

Ito ang retorikang gabay sa pagsakop ng bansa ng U.S. at Japan, ang batayan kung bakit ofisyal na tanggap ang panlulusob ng U.S. sa mga malalayang bansa bilang suportahan-taka mode.  Paiinitin ang tensyon sa China sa Scarborough Shoal, at aasahan natin ang U.S. na tumulong, pati ang modernisasyon ng army ay nakasalalay sa abuloy ng U.S.  Ang panuntunan sa akademya—publikasyon, pagpasok sa magpopondong negosyo, at pagtaas ng matrikula, halimbawa—ay nakabatay sa U.S.  Hindi nga ba’t sa unang taon ng kanilang pagkahalal, ang pangulo ng bansa ay ofisyal na nagpipilgrimahe sa Washington?

Gusto nating manalo si Sanchez dahil nakikita natin sa kanya ang imahen ng pagiging inosente, malinis, simple, disente, aspirasyonal, at Filipino.  Nagkataon lang, ang sigla ay dahil nga inako na natin siyang kababayan.  At sa pag-akong ito, ang imahen din ng ng sariling nating pagkaligtas, salbasyon at redempsyon sa kung anuman ang kinasasadlakan natin.