Utos ng pag-aresto kay Palparan ipinagtibay ng korte

April 22, 2012

Retiradong Heneral Jovito Palparan: Nagtatago, ayaw harapin ang pag-aresto sa kanya. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Retiradong Heneral Jovito Palparan: Nagtatago, ayaw harapin ang pag-aresto sa kanya. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Ipinagtibay ng Malolos Regional Trial Court ang warrant of arrest laban sa nagtatagong si Heneral Jovito Palparan na tinuturong salarin sa pagdukot sa dalawang nawawalang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno.

Binasahan na rin ng kaso (arraigment) ang dalawa sa mga akusadong sina Lt. Col. Felipe Anotado at Sgt. Edgar Osorio noong Abril 23.

Sa kautusan ng korte na may petsang Abril 3, ibinasura ni Judge Teodora Gonzales ang petisyon ng abogado ni Palparan na naghahangad na mapatigil ang pagdinig sa isinampang kasong kidnapping laban sa kanya ng mga kaanak ng dalawang estudyanteng sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.

Kabilang sa mga ibinasurang mosyon ni Palparan ang omnibus motion for preliminary investigation, motion to quash or recall warrant of arrest, hold departure order and to suspend proceedings.

Ayon sa korte, ang kasong kidnapping with serious illegal detention ay kasama sa reklamong naisampa at dumaan sa paunang imbestigasyon ng mga tagausig ng Department of Justice (DOJ).

Further, the People stressed that a judicial determination of probable cause for the crime of kidnapping ang serious illegal detention has already been rendered by this Honorable Court when it issued warrants of arrest against the four accused, thus the prayer for the conduct of another preliminary investigation is already moot and academic,” bahagi ng kautusan ng korte.

Dagdag pa ng korte, dumaan sa tamang proseso ang paunang imbestigasyon laban sa apat na akusado.

The accused were afforded due process and were properly informed of the nature and cause of the accusations against them,” sabi pa ng korte.

Ikinatuwa naman ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang kautusan na nagsabing ipinagtibay nito ang matagal na nilang posisyon hinggil sa kaso.

“Pinapatunayan lamang nito na hinahadlangan at binibigo ni Palparan at mga kasama nito ang katarungan sa anumang paraan,” pahayag ni Edre Olalia, abogado ng mga kaanak ng mga biktima at pangkalahatang kalihim ng NUPL.

Ngunit pinag-aaralan din ng NUPL ang kasabay na kautusang manatili ang dalawang akusadong sina  Anotado at Osorio sa Philippine Army Custodial Management Unit sa Fort Bonifacio.

“Pag-aaralan namin kung hihingi kami ng mosyon hinggil sa pananatili ng dalawang akusado ,” ani Olalia.

Sinabi rin ni Olalia na sa halip na bigyan ng promosyon ng gobyerno ang ang mga diumano’y lumalabag sa karapatang pantao, kailangang mahuli agad ng gobyerno si Palparan at Hilario upang mapatunayang hindi ito inutil at sunud-sunuran sa militar.

Pinatutungkulan ni Olalia ang promosyon kamakailan ni Hen. Jorge Segovia, na hepe ng Army sa Rizal na ilegal umanong umaresto at nagpahirap sa mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43” noong Pebrero 2010.