Komentaryo

Pagsulat, pagpanig


Keynote Speech sa College Editors Guild of the Philippines Grand Alumni Homecoming

Si Kenneth Guda, nagbasa ng keynote speech sa CEGP Alumni Homecoming. (Pher Pasion)
Si Kenneth Guda, nagbasa ng keynote speech sa CEGP Alumni Homecoming. (Pher Pasion)
Si Kenneth Guda, nagbasa ng keynote speech sa CEGP Alumni Homecoming. (Pher Pasion)

Keynote Speech sa College Editors Guild of the Philippines Grand Alumni Homecoming

 

Kapwa kong Guilders:

Maligayang pagbati sa mahalaga at makabuluhang okasyong ito!

Maraming salamat, sa kasalukuyang mga opisyal ng pambansang tanggapan ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), para sa pag-anyaya. Anuman ang dahilan ninyo para imbitahan akong magsalita sa inyong harapan (ehem), gusto kong ipagpasalamat ang pagkakataong ito. Sana patawarin ninyo ako sa sasabihin kong ito, bilang pagsagot na rin sa mga tanong na nababasa ko mula sa mukha ng mga kapwa Guilder ko ngayon: Sino ba ito’ng nasa harap natin at bakit siya ang Keynote Speaker?

Pinaunlakan ko po ang CEGP, sa huling sandali, matapos umatras ang tiyak na mas kapita-pitaganan pang kapwa-Guilder—na (1) mas matanda sa akin; (2) mas maraming nagawa sa akin; (3) may mahahalagang gawaing di nila maiwan, gaano man kagusto nilang pumunta rito at magsalita sa harap natin. Kung kaya, nauwi sa akin: isang di-pa-naman-katandaang tagapagsalita na, sabihin na nating madaling maawa at makumbinsi, at handang sumaklolo sa minamahal nating CEGP.

Kaunting pagpapakilala lang, kung gayon. Ako po si Kenneth Roland Guda. Ako po ang Editor in Chief ng Pinoy Weekly, isang progresibong online at print newsmagazine sa wikang Pilipino na pumapaksa sa mga isyu ng mardyinalisadong mga mamamayan ng bansa. Board member din ako ng PinoyMedia Center, Inc., isang NGO na naglalayong mag-ambag sa demokratisasyon ng pamamahayag sa bansa.

Hindi po ako naging opisyal ng Guild. Tiyak na marami sa inyo ang may karangalang nagkaroon ng katungkulan sa inyong panahon, kabilang na, ehem, ang ating Punong Mahistrado na doon sa Padre Faura nag-oopisina at malamang na masyadong busy para mapaunlakan pa tayo.

Hindi po ako naging opisyal ng CEGP, pero naging miyembro nito, dahil naging manunulat at features editor ng pahayagang pangkampus na Philippine Collegian dito sa UP Diliman, mula taong 2000 hanggang 2002. Taong 1999 ako napasok sa Kule (o P.Kule, para sa mga kapwa Guilder sa Manila Kule at Makati Kule) bilang features writer sa ilalim ng termino ni Seymour Barros Sanchez. Pero 1994 pa ako pumasok sa UP.

Hindi pa naman katagalan iyon. Pero noong panahong iyon, maraming nangyayari sa kampus, dito sa Diliman. Marami ang nangyayari sa sektor, o iyung mas kilala natin bilang youth sector. Marami ang nangyayari sa bansa. At ang Kule na inabutan ko, nasa transisyon mula sa isang serye ng mga termino na sabihin na nati’y hindi masyado sang-ayon sa brand of campus journalism ng CEGP. Hindi ata sila naging aktibo sa CEGP noong termino nila. Nang mapasok ako sa Kule noong 1999 at kalauna’y napasabak sa isang editorial exam training para sa susunod na mga editor, nakarating sa amin ang isang kopya ng CEGP Stylebook. Binalikan ko kanina ang isang kopya ng Stylebook na ito, at napag-alamang lumabas ito noong 1984. Si Marichu Lambino ang presidente ng CEGP. Sa pagkakaalam ko, si Atty. Lambino ay tagapangulo ngayon ng Journalism Department ng UP College of Mass Communication. Siya rin ang naging abogado ng Kule noong term ni Seymour Sanchez, nang masampahan ng kasong libelo ng isang fraternity ang editorial board—kasong ibinasura din naman ng korte salamat sa galing ni Atty. Lambino at kapalpakan ng naturang fraternity.

Pero noong editorial exam training, sinubukan naming talakayin at gamitin bilang reference ang CEGP Stylebook. Natuwa kami sa nilalaman nito. Para sa isang dating editor ng Kule—editor siya noong naging inactive ang Kule sa CEGP, marami siyang natutunan, sa pagbasa lang ng Stylebook. Iyung tipong basic na kaalaman sa paglalabas ng dyaryo—kahit na naging editor na siya ng Kule. Sabi pa niya, iyan daw ang napapala ng campus publication na hindi sumasali sa CEGP: Hindi natututo ng tamang paglabas ng dyaryo.

Alam ng bawat Guilder, ng bawat campus editor na dumaan sa mga Congress, convention, workshop, discussion, kung gaano kalaki ng ambag ng CEGP sa kanilang kaalaman sa pamamahayag. Kahit na iyong batayang kaalaman sa pagsusulat ng balita, lathalain, pagsusulat pangkultura, pagkuha ng larawan, layout, atbp., hindi matatawaran ang naging serbisyo ng CEGP sa hene-henerasyon na mga mamamahayag pangkampus. Hindi ito biro, dahil marami talagang hindi naituturo sa kolehiyo. Alam naman natin kung gaano kabulok ang sistema ng edukasyon. Iilan lang naman ang kolehiyo o pamantasan na talagang may kursong pamamahayag. Kahit sa puntong iyon, sapat nang ipagdiwang ang nagpapatuloy na legacy ng CEGP sa pamamahayag sa bansa.

Siyempre, hindi ko pa binabanggit ang higit na mas malaking ambag nito: Ang pagguhit ng prinsipyado at progresibong  pilosopiya sa pamamahayag. To Write Is Already To Choose. Hindi ko alam kung kailan o anong batch ang unang nagpauso ng katagang ito, pero sa pagdala ng CEGP ng katagang ito, napakalaki na ang naging ambag nito sa pamamahayag, hindi lang sa kampus, kundi sa bansa. Ikumpara mo ito sa: “Balanced News, Fearless Views.” O kaya sa “Walang Kinikilingan, Walang Pinoprotektahan, Serbisyong Totoo Lamang.”

Sa ilan sa ating nakapagtapos o nakakuha ng kurso ng pamamahayag, hindi masyado tinuturo ang To Write Is Already To Choose, o kaya Objectivity Is A Myth—pero napakatotoo nito. Sakto, kabataang mamamahayag ang kinakatawan ng CEGP, dahil ito ang batang humiyaw sa parada ng Hari at nagsabing “Walang damit ang Hari!” Sa mga mamamahayag, sa mga nasa industriya ngayon ng news media, ramdam ang katotohanang ito. Pero wala masyadong nagsasalita, walang humihiyaw ng katotohanang hindi totoo na balanse ang balita, hindi totoong walang takot nilang inihayayag ang kanilang pananaw. Hindi totoong wala silang kinikilingan, wala silang pinoprotektahan, at “totoo lang” ang kanilang serbisyo.

Kung totoo lang ang pakay nila, halimbawa, bakit lahat, lahat ng welga ng mga manggagawa at labor dispute sa pangunahin nilang mga advertiser—mga SM, mga Nestle, mga Coca-cola (kamakailan)—ay hindi nabibigyan ng kahit kapirasong espasyo sa kanilang pahina at programa? Bakit laging nangunguna at binibigyan ng prayoridad sa airtime ang sinumang presidente, sinumang opisyal ng gobyerno? Bakit hirap na hirap na mapag-usapan sa kanilang midya ang batayang mga isyu ng mga mamamayan—mga isyung katulad ng tunay na reporma sa lupa, kalagayan ng paggawa, sahod ng manggagawa at kawani, nagtataasang presyo ng mga bilihin at langis, demolisyon at problema sa pabahay, diskriminasyon sa kababaihan at LGBT, militarisasyon at pangangamkam sa lupa, malawakang pandarambong at pagkasira ng kalikasan, taun-taong pagkaltas sa badyet ng mga serbisyong panlipunan, at marami pang iba? Siyempre, ang sagot lamang ay dahil pumili na sila ng papanigan. Dahil hindi nila kayang paninindigan ang mito ng obhetibismo. To Write Is Already To Choose.

At ano ang laman sa ating mga pahayagan, sa ating mga pahayagang pangkampus at sa tinatawag na alternative press o alternative media? Istrikto ang ating pamantayan sa newsworthiness: Isyu ba ito ng mga mamamayan? Gaano katindi ang epekto nito sa mga mamamayan? Ano ang tingin sa usaping ito ng mga mamamayan, partikular ng organisadong hanay ng mga mamamayan? To Write Is Already To Choose nga: Pinipili nating pumanig, sa interes ng mga mamamayan, sa pagsisiwalat ng kanilang mga hinaing, paghihirap, pagsisikap at pag-aalsa. Pumili tayo, at natural na pipiliin natin ang mga mamamayan.

Marami nang dinaanan ang CEGP. Deka-dekada nang mamamahayag pangkampus ang dumaan dito. Marami ang tumuloy sa pagsasapraktika sa industriya ng pamamahayag. Marami ang naging matagumpay sa iba’t ibang larangan o disiplina na pinasok nila—mga Renato Corona, mga Reynato Puno, mga Miriam Defensor, mga Joker Arroyo, at iba pa. Marami rin ang naging ordinaryong mga mamamayan. Marami rin ang nagpatuloy, hindi sa pagsusulat o pamamahayag, kundi sa pagpanig sa mga mamamayan. Ang ilan sa kanila, tulad nina Ditto Sarmiento, Antonio Tagamolila, Emmanuel Lacaba, Maria Lorena Barros, Evelyn Pacheco, Benjaline Hernandez, Rachel Mae Palang, at marami pang iba, nasawi habang tinatangan ang panata sa bayan na unang binigkas nila nang Guilder pa sila. Ang ilan na pinili ang katulad na landas, landas ng paglilingkod at panganib at sakripisyo, tulad nina Randy Malayao at Ericson Acosta, ay siniil at piniit. Nawawala pa rin sina Jonas Burgos at James Balao. Kasama natin sila ngayon, ang kanilang diwa, ang kanilang panulat at paninindigan.

Ikinararangal at ipinagmamalaki kong maging bahagi ng Guild. Ikinararangal ko, at sana’y sa aking gawain bilang mamamahayag sa progresibo o alternatibong midya ay maipagpatuloy ang lahat ng natutunan at hinangaan ko rito. Hinihimok ko kayo, tayong lahat na naging bahagi ng kasaysayan nito, na ipagpatuloy ang pagsusulat, ipagpatuloy ang pagpanig.

Maraming salamat po!

Kenneth Roland A. Guda
Philippine Collegian (UP Diliman) 1999-2002
Alumnus, College Editors Guild of the Philippines
Editor, Pinoy Weekly

Binasa noong 30 March 2012
College of Arts and Letters Atrium
University of the Philippines
Diliman, Quezon City