Manggagawa

Libu-libong obrero magpoprotesta sa Mayo Uno


Pangungunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang aabot sa 30,000 manggagawang lalahok sa pagdiriwang at protesta sa Pandagidigang Araw ng Paggawa sa Mayo Uno sa Metro Manila at aabot sa 100,000 naman sa ibang panig ng buong bansa

Sa harap ng dambuhalang mural na naghahayag ng iba't ibang isyu at paninindigan ng manggagawang Pilipino, nakahanay ang mga lider-obrero sa press conference sa tanggapan ng Kilusang Mayo Uno noong Abril 27 para isapubliko ang kanilang napaplanong malaking protesta sa Mayo Uno. (Macky Macaspac)
Sa harap ng dambuhalang mural na naghahayag ng iba't ibang isyu at paninindigan ng manggagawang Pilipino, nakahanay ang mga lider-obrero sa press conference sa tanggapan ng Kilusang Mayo Uno noong Abril 27 para isapubliko ang kanilang napaplanong malaking protesta sa Mayo Uno. (Macky Macaspac)

Pangungunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang inaasahang aabot sa 30,000 manggagawang lalahok sa pagdiriwang at protesta sa Pandagidigang Araw ng Paggawa sa Mayo Uno sa Metro Manila at aabot sa 100,000 naman sa ibang panig ng  buong bansa.

Inanunsiyo ng grupo na magsisilbing kilos-protesta ang pagdiriwang laban sa diumano’y kawalang aksiyon ni Pangulong Aquino sa lumalalang kagutuman at kahirapan sa buong bansa.

“Araw ng Paniningil at Paglaban ang darating na Mayo Uno,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Ani Labog, walang naibigay na pang-ekonomiyang kaginhawaan  si Pangulong Aquino at wala rin silang nakikitang kagyat na pagbabago sa kalagayan ng mga manggagawa at iba pang sektor ng lipunan.

“Matapos ang siyam na taon sa ilalim ni GMA, hindi tinugunan ni PNoy ang aming karaingan. Puro lamang siya noynoying,” ani Labog. Ibinigay na halimbawa ni Labog ang patuloy na pagtanggi ng gobyernong ibigay ang P125 across the board wage na dagdag sahod, na matagal nang panawagan ng mga manggagawa gayundin ang P6,000 dagdag sahod para naman sa mga kawani ng gobyerno at iba pang panawagan ng ibang sektor.

Paggawa ng dambuhalang likhang sining na magsisilbing backdrop ng entablado sa protesta sa Mayo Uno. (Macky Macaspac)
Paggawa ng dambuhalang likhang sining na magsisilbing backdrop ng entablado sa protesta sa Mayo Uno. (Macky Macaspac)

Ayon pa sa lider-manggagawa, hindi sapat ang naibigay na P20 na Emergency Cost of Living Allowance (Ecola) noong isang taon dahil di naman ito kasama sa minimum na sahod. Ngunit mula P13 hanggang P21 lamang ang sinsabi ng Department of Labor and Employment na kayang ibigay ng mga employer.

Sinabi pa ni Labog na ginagamit lang ni Aquino ang mga sentimyento ng publiko laban sa nagdaang administrasyong Arroyo upang tumaas ang kanyang popularidad.

“Kunwaring kontra Gloria (Arroyo), ngunit mistulang Gloria naman (si Aquino). ‘Kayo ang boss ko ,’ sabi niya. Pero may boss bang ginugutom at pinapahirapan?” ani Labog.

Maliban sa KMU, lalahok din ang mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita na kamakaila’y nagtagumpay sa desisyon ng Korte Suprema  na nagpapatotoo sa pagmamay-ari nila sa lupain ng asyenda.

“Ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita ay galing sa (pagiging) manggagawa…Manggagawang bukid kami (na) sahuran noon sa lupang aming naipagtagumpayan,” ani Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers’ Union (Ulwu).

Nangangamba ang Ulwu na may pagtatangka ang Department of Agarian Reform (DAR) na antalahin ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupa sa mga manggagawang bukid.  Batay sa mga pahayag ng DAR, aabutin pa ng isang taon bago maipamahagi ang lupa sa asyenda.

Ngunit ayon kay Bais, mapapabilis ang pamamahagi kung ipapatupad ng ahensiya ang panawagan ng mga magsasakang idaan ito sa kolektibong pamamahagi.

"PNoy bilang tuta ng Kano" sa effigy ng KMU. (Macky Macaspac)
"PNoy bilang tuta ng Kano" sa effigy ng KMU. (Macky Macaspac)

“Madali lang sana ang proseso: Ilagay sa isang titulo ang mahigit 6,000 benepisyaryo at pamamahalaa ito ng Ulwu at Ambala,” ani Bais.

Samantala, nangako naman ang mga organisasyon ng mga migranteng Pilipino na sasabayan nila ang pagdiriwang at protesta sa Mayo Uno.

“Lahat ng aming balangay (sa ibang bansa) ay lalahok sa pagkilos sa (protesta sa) Mayo Uno,” ani Garry Martinez, tagpangulo ng Migrante International.

Kabilang din sa lalahok  ang grupo ng mga maralitang lungsod sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay na dadalhin ang panawagang hustisya sa madugong demolisyon sa Silverio Compound, Paranaque, at moratoryo sa nakaambang  mga demolisyon.

Lalahok din sa dambuhalang protesta ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston, Gabriela, Anakbayan, at marami pang iba.