Dagdag-sahod, taas-presyo ng palay, sigaw ng manggagawa’t magsasaka sa Mendiola

April 18, 2012

Pagdating ng mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno sa Mendiola, bitbit ang istrimer na nananawagan ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor. (Macky Macaspac)

Pagdating ng mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno sa Mendiola, bitbit ang istrimer na nananawagan ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor. (Macky Macaspac)

Nagsanib-puwersa ang mga manggagawa at magsasaka sa pagbatikos kay Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III dahil sa kawalang aksyon ng huli sa lumalang kahirapan.

Pinuwersang tanggalin ng mga galit na manggagawa at magsasaka ang harang na barbed wire sa paanan ng Mendiola sa Maynila upang maiparating ang kanilang panawagang P125 makabuluhang dagdag-sahod at ang pagpapataas sa P20 sa presyo ng palay.

Dagdag-sahod, ngayon na

Giit pa rin ng mga manggagawa ang kagyat na pagsasabatas ng panukalang batas na P125 across the board wage hike.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang pagtanggi ng administrasyong Aquino sa dagdag sahod ay pagpapakita na protektor ito ng malalaking kapitalista.

Kinontra din ng grupo ang ipinalabas na komputasyon ng Malakanyang noong nakaraang buwan at sinabing mali ang pinagbatayan ng pagkukuwenta nito.

“Sa pagmamadaling protektahan ang kita ng malalaking negosyante, gumamit ang gobyerno ng panlalansi sa pamamagitan ng pagpilipit sa datos,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi rin ni Labog na mistulang manhid ang administrasyong Aquino sa lumalalang kahirapan ng mga manggagawa at mamamayan.
“Nais ng sambayanang Pilipino ang aktuwal na resulta sa laban ng gobyerno laban sa kahirapan, pero ang nakukuha natin mula sa gobyerno ay puro retorika lamang,” aniya.   Ito ang reaksiyon ng lider-obrero sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia, na nagpapakitang malaking bilang ng mga mamamayan ang nagnanais ng kagyat na ginhawa mula sa nararanasang kahirapan.

Ayon sa sarbey na ginawa sa pagitan ng Pebrero 26 hanggang Marso 9, karamihan sa mga Pilipino ang nagnanais na makontrol ang implasyon (68%), madagdagan ang sahod ng mga manggagawa (62%), labanan ang korupsiyon (53%), lumikha ng mas maraming trabaho (53%), at bawasan ang bilang ng mahihirap (52%).

“Malakas at malinaw ang mensahe ng sarbey. Nais ng mga Pilipino ang kagyat na ginhawa mula sa kagutuman at kahirapan. Isinasakdal nito ang administrasyong Aquino sa kabiguan nitong magbigay ng anumang ginhawa sa gitna ng tumitinding kalagayang pang-ekonomiya,”sabi pa ni Labog.

Batay din sa sarbey ng Pulse Asia, sa performance rating ng administrasyong Aquino sa 11 isyu, apat lamang ang may suporta ng mayorya sa nasarbey.

“Bumabalik kay Aquino ang mga matatamis niyang pangako. Hindi nakakalimot ang mga Pilipino sa kanyang mga ipinangako at hindi magtatagal sisingilin siya sa hindi nito pagtupad sa mga ito,” sabi pa ni Labog.

Nananagawan ang mga magsasaka ng suporta mula sa gobyerno, at pagbasura sa polisiya ng pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa. (Macky Macaspac)

Nananagawan ang mga magsasaka ng suporta mula sa gobyerno, at pagbasura sa polisiya ng pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa. (Macky Macaspac)

Binabarat sa presyo ng palay

Samantala, tinuligsa din ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) si Aquino dahil sa kawalang aksyon nito sa kahilingan ng mga magsasaka na itaas ang presyo ng bilihan ng palay sa P20 kada kilo.

Ayon sa KMP, sa kabila ng magandang ani, binabarat ng mga “walang konsensiyang negosyante” ang mga palay sa average na P10-12 kada kilo lamang.
“Panahon na ng anihan, at nananatiling bingi ang adminsitrasyong Aquino sa aming kahilingang itaas ang farmgate price ng palay,” sabi ni Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Sinabi pa ng grupo na hindi naiimpluwensiyahan ng National Food Authority ang bilihan ng palay kahit P17 kada kilo na ang pagbili nito ng palay.
Inihalimbawa ng KMP na ang bilihan ng traders sa Central Luzon ay P14.50 kada kilo, P12 naman sa Laguna at P8-10 naman sa rehiyon ng Panay.
“Binabalikat ng mga magsasaka ang tumataas na gastos sa produksiyon samantalang  nananatiling napakababa ng presyo ng palay,” ani Flores.

Ayon pa kay Flores, hindi nababawi ng kasalukuyang presyuhan ng palay ang kabuuang gastos sa produksiyon, laluna’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.  Sa kanilang pag-aaral sa isang ektaryang tinatamnan ng palay, aabot sa 600 litro ng gasolina ang konsumo ng hand tractor sa isang siklo ng taniman, samantalang 150 litro naman para sa irrigation pump.

“Sa P55 kada litro, gumagastos ang isang magsasaka ng P41,250 para sa gasolina pa lamang. At sa kada pagtaas ng piso sa presyo ng gasolina, P750 ang nadadagdag sa produksiyon para sa isang ektarya,” ani Flores.

Dagdag pa niya, kung isasama pa ang ibang gastusin tulad ng renta sa lupa, pataba, pestisidyo at renta sa makinarya, aabot umano sa minimum na P75,000 ang gastos sa produksiyon sa isang ektarya.
“Ito ang dahilan kung bakit patuloy na lumulubog ang mga magsasaka sa utang,” aniya.

Kasabay ng panawagan ng KMP na itaas ang presyo ng palay, patuloy pa rin silang nananawagan na ipatupad ang tunay na repormang agraryo.