Husgahan Natin

Ang gasgas na solusyon: Pribatisasyon

Sa ginanap na Mindanao Power Summit sa Davao City noong nakaraang Abril 13, 2012, inirekomenda ni Pang. Noynoy Aquino ang pribatisasyon upang solusyon sa nagaganap na brown-outs sa Mindanao.

Sa Mindanao Power Summit sa Davao City noong Abril 13, 2012,  inirekomenda ni Pang. Noynoy Aquino ang pribatisasyon bilang solusyon sa brown-outs sa Mindanao.

Upang matigil daw ang nagaganap na brown-outs, dapat isapribado ang produksiyon at distribusyon ng kuryente sa Mindanao. Kung hindi raw ay mapipilitang tanggapin na lamang ng publiko ang pagtaas sa halaga ng kuryente sa nasabing lugar.

Mukhang hindi yata naiintindihan ng Pangulo ang kanyang sinasabi. Maalaala na noon pa natin pinairal sa ibang bahagi ng bansa ang patakarang pribatisasyon. Noong administrasyon ni Pang. Cory Aquino ay sinimulan ang deregulasyon ng industriya ng langis. Pagkatapos noon ay ipinatupad ni Pang. Ramos ang pribatisasyon sa pamamagitan ng pagbenta sa dayuhang mga korporasyon ng stocks ng gobyerno sa Petron.

Sa administrasyon naman ni Pang. Arroyo naaprubahan ang Electric Power Industry Reform Act (Epira) na nagsapribado ng assets ng National Power Corporation (NPC).

Ang mga hakbang na ito ay ginawa ng pamahalaan sa paniniwalang makapagpababa ito ng presyo ng langis at kuryente.

Ngunit ano ang nangyari? Hindi bumaba kundi lalong tumaas ang presyo ng langis at kuryente. Sa katunayan, ang Pilipinas ngayon ang isa sa mga bansang may pinakamataas na presyo ng kuryente at langis sa Asia.

Ano ang sanhi nito? Tingnan natin, ang industriya ng langis. Ayon sa statistics, mga nasa   U$ 11  lamang ang kabuuang gastos sa upang makagawa ng isang bariles na krudo ng langis. Ngunit sa pamilihan, umaabot na ng mga U$ 110  ang halaga ng  isang bariles na krudo. Dahil ba ito sa kulang ang suplay ng langis sa mundo? Hindi.  Dahil ito sa limpak-limpak na tubo ng mga kompanya ng langis na nag-o-operate bilang isang kartel. Dito sa atin, noong panahon na ang gobyerno pa ang may-ari ng kompanyang Petron, kahit papaano’y nasasalag natin ang operasyon ng kartel na ito. Mula nang ibinenta ng pamahalaan ang kanyang share sa Petron, wala na tayong panlaban pa.

Pagdating naman sa power shortage sa Mindanao, matatandaan  na noon pang 2010 ay nananawagan na ang power executives sa nasabing lugar na magsagawa ng rehabilitasyon  sa Iligan Diesel Power Plants at  hydroelectric power plants sa Agus River, at dredging operations sa Baloi Plains at Pulangi Hydroelectric Power Plant para matugunan ang power crisis sa Mindanao.
Ang mga proyektong ito ay mangangailangan ng malaking halaga na aabot sa bilyon at mabagal lamang ang balik ng tubo. Dahil dito, alinlangan ang  NPC sa pagpapatupad nito.

Isipin nating magmula nang isapribado ang NPC, naging “profit-oriented” ito. Hindi na  serbisyo sa publiko, kundi tubo, at tubo pa, ang naging pangunahing motibo ng kompanyang ito. Hindi sana mangyayari ito kung patuloy na nasa kamay ng pamahalaan ang NPC at hindi ito isinapribado. Ngunit ang nais ni Pangulong Arroyo ay lalong palawakin ang pribatisasyon at pati na ang natitirang power plants sa Mindanao na pag-aari ng gobyerno ay isapribado na.
Hindi ba ito ay malaking kahibangan? Pribatisasyon na nga ang sanhi ng krisis, pero pribatisasyon pa rin ang naiisip ng pamahalaan na solusyon. Katulad ito sa isang magsakit na imbes na bigyan mo ng gamot ay binibigyan mo ng lason.

Kung tuuis-tuusin, tayo lang naman ang sigaw nang sigaw ng pribatisyasyon samantalang ang ibang bansa ay patuloy na nagsasagawa ng  nasyunalisasyon sa kanilang mahalagang industriya.

Kitang-kita ito sa industriya ng langis. Ang mga nangungunang kompanya sa langis sa mundo  ay pag-aari ng mga gobyerno at hindi pribadong mga kompanya. Tulad halimbawa ng Aramco. Pag-aari ito ng pamahalaan ng Saudi Arabia at hindi ng pribadong sektor. Ganun din ang National Iranian Oil Co. na pag-aari ng pamahalaan ng  bansang Iran; Qatar General Petroleum Corp. na pag-aari ng bansang Qatar, at Iraqi National Oil Co. na pag-aari ng gobyerno ng Iraq. Idagdag pa natin dito ang Gazprom na pag-aari ng gobyerno ng Russia at Petro China na pag-aari ng pamahalaan ng Tsina. Silang lahat ay pag-aari ng gobyerno at nakabatay sa serbisyo-publiko at pambansang seguridad ang kanilang pamamalagi, hindi dahil sa tubo.

Gasgas na ang patakarang pribatisasyon. Ang patakarang neo-liberalisasyon na nagbunsod nito ay nagbunga ng katakot-takot na mga krises sa mundo. Kailan pa matututo ang pamahalaang Aquino?