Husgahan Natin

Pribatisasyon at deregulasyon pa rin ba?

Mukhang nahuhuli na sa uso ang administrasyong Aquino sa patuloy na pagpapalaganap nito sa patakarang pribatisasyon at deregulasyon. Bakit? Dahil kung ating titingnan ang ekonomiya ng daigdig sa kasalukuyan, kapansin-pansin na dumadami at namamayagpag ang mga kompanyang pag-aari o kontrolado ng mga gobyerno.

Ang  deregulasyon at pribatisasyon ay mga susing patakaran sa ekonomiya ng rehimeng Aquino. Kasama ang patakarang liberalisasyon, ang mga patakarang ito ay minana ng kasalukuyang administrasyon sa administrasyong Arroyo, na minana naman nito sa nauna pang mga administrasyon. Ito ay nagpapakita ng patuloy na pagsusuporta ng ating bansa sa patakarang globalisasyon o neo-liberal theory na sinimulang pinalaganap ng Estados Unidos at mga kapitalistang  bansa simula noong 1970s.

Nakita natin noong nakaraang mga taon kung paano isinapribado ng ating gobyerno ang mga hawak nitong korporasyon o kompanya katulad ng MWSS, PNB, NPC, PNOC at iba pa. Sa kasalukuyan ay bukambibig ni Pang. Noynoy Aquino ang “Public-Partnership Partnership” kung saan ang pribadong sektor ay mahalagang katuwang ng pamahalaan sa pagsagawa ng mga  proyektong makakabuti raw sa kalagayan ng madla. Nakita rin natin sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law at iba pang batas kung paano iniwasan ng ating gobyerno na makialam sa presyo ng mga batayang bilihin. Ang patakaran ng pamahalaan ay huwag makialam sa negosyo  at panatilihin ang malayang pamilihan alinsunod sa kasabihan na “the government that governs best is the government that governs less.”

Ngunit kung ating susuriin ang mga bansa ng daigdig sa kasalukuyan, mukhang nahuhuli na sa uso ang administrasyong Aquino sa patuloy na pagpapalaganap nito sa patakarang pribatisasyon at deregulasyon. Bakit? Dahil kung ating titingnan ang ekonomiya ng daigdig sa kasalukuyan, kapansin-pansin na dumadami at namamayagpag ang mga kompanyang pag-aari o kontrolado ng mga gobyerno. Dumadami rin ang mga bansang direkta nang nakikialam sa mga negosyo sa kanilang teritoryo.

Halimbawa, ang 13 pinakamalaking kompanya ng langis sa mundo tulad ay pag-aari o suportado ng iba’t ibang gobyerno. Hindi sila kontrolado ng pribadong sektor  kundi pag-aari o kontrolado ng mga pamahalaan.

Ang pinakamaunlad na kompanya ng kemikal sa mundo, ang Saudi Basic Chemicals Corporation, ay pag-aari ng gobyernong Arabo. Ganun din ang pangatlong pinakamalaking bangko sa Europa, ang Sberbank, na pag-aari naman ng bansang Russia. Ang pinakamaunlad na kompanya ng gas sa mundo ay  pag-aari din ng gobyerno ng Russia. Ang pangatlong pinakamalaking port operator sa daigdig, ang Dubai Ports, ay pag-aari naman ng gobyerno ng United Arab Emirates. Sa negosyo naman ng mobile phones, ang China Mobile na may 600 milyones na mga kustomer, ay pag-aari ng gobyernong Tsino.

Nasa 62% ng stock market sa Russia ang binubuo ng  mga kompanyang pag-aari ng gobyerno. Sa China, ang mga kompanyang pag-aari ng pamahalaan ay bumubuo sa 80% ng stock market. Sa Brazil naman, mahigit  1/3 ng stock market ang binubuo ng kompanyang pag-aari ng gobyerno.

Ito ay nagpapakita lamang na direkta nang umaakto  ang mga pamahalaan sa daigdig bilang kakumpetensiya ng pribadong sektor sa negosyo.

Hindi rin natin maitatwa na marami ring bansa ang bukas sa pagsasagawa ng mga batas na magsasalba sa pagkalugi ng mga negosyo ng kanilang mamamayan. Ang financial bail-out programs na isinagawa ng Estados Unidos at European Union ay halimbawa ng mga ito.

Ano ang nangyari sa prinsipyo ng malayang pamilihan at sa paniniwalang hindi dapat makialam  sa negosyo ang pamahalaan? Ano ang nangyayari sa patakarang deregulasyon at pribatisasyon na sinusulong ng neo-liberal economists?

Malinaw na itinapon na ito ng maraming pangunahing bansa at agawan sila ngayon sa pakikialam sa ekonomiya at pagtatayo ng mga kompanyang pag-aari ng gobyerno para lumahok sa negosyo. Marami sa kanila ang nagising sa katotohanang ito dulot ng krisis sa pandaigdigang ekonomiya na nagsimula ilang taon na ang nakaraan. Ang krisis na ito na sumira sa Lehman Brothers sa Estados Unidos noong 2008 ay nagpalakas sa desisyon ng maraming pamahalaan na makisawsaw na sa negosyo at huwag manatiling tagapagmasid lamang.

Sa ngayon, ang nauusong modelo ay ang kapitalismo ng estado at hindi ang kapitalismo ng pribadong sektor na itinuturo ng Estados Unidos.

Oo nga’t malayo pa rin ito sa sosyalismo, ang modelong gusto ng mga manggagawa. Ngunit  ang kaganapang ito ay maari nating gamitin upang ipakita kay Pres. Noynoy Aquino na ang pribatisasyon na kanyang tinataguyod at sinusulong ay dapat nang talikuran at iwanan.

Sa  isang atrasadong bansa tulad ng Pilipinas, dapat na makialam sa ekonomiya ang gobyerno sa pamagitan ng pagbigay ng proteksiyon sa mga lokal na industriya laban sa kumpetisyon na dulot ng mga korporasyong dayuhan. Dapat ding palakasin  ng gobyerno ang mga kompanyang pag-aari o kontrolado nito  imbes na ipagbili ito sa pribadong sektor .

Taliwas ito sa landas ng pribatisasyon at kaakibat nitong liberalisasyon at deregulasyon na  matagal na nating tinatahak. Ngunit  panahon na upang pansinin natin ang  kaganapang nangyayari sa ibang bahagi ng daigdig.