PNoy binanatan ng KMU sa pagtanggi sa P125 dagdag-sahod

March 25, 2012

Legislated P125 across-the-board na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor ang hiling ng Kilusang Mayo Uno. (KR Guda/PW File Photo)

Legislated P125 across-the-board na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor ang hiling ng Kilusang Mayo Uno. (KR Guda/PW File Photo)

Manhid si Pang. Benigno Aquino III sa kalagayan ng mga manggagawa at mahihirap na taumbayan sa tahasang pagtanggi sa hiling na P125 dagdag-sahod.

Ito ang pahayag ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU), matapos ihayag ng Malakanyang ang pagtutol nito sa panukalang dagdag-sahod ng mga manggagawa.

Sa isang press conference sa midya sa Malakanyang, nagprisinta rin umano si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ng “maling komputasyon ng datos” na ginagawan nilang batayan upang ipagkait ang dagdag sahod, ayon sa KMU.

Inihayag ni Valte sa midya na hindi raw praktikal ang P125 dagdag-sahod at hindi lahat ng employer ay kakayanin ito, kasabay ng pagpapakita ng datos.  Ngunit ayon sa KMU, ginamit na datos ang 38 milyong kabuuang lakas-paggawa, sa halip  na 15.6 milyon na siyang kabuuang bilang ng mga sahurang manggagawa sa pribadong sektor.

“Ang panukalang P125 across-the board wage hike para sa buong bansa, ay sasakalaw lamang sa mga manggagawang sumasahod sa pribadong sector at hindi ang buong lakas-paggawa,” paglilinaw ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Ayon pa sa lider-manggagawa, matagal nang ipinapanawagan ng mga manggagawa ang  P125 dagdag- sahod para makaagapay sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo, tumitinding kahirapan at kagutuman.

“Napakamanhid ng administrasyong ito sa pagtanggi sa panawagan at gumamit pa ng mga maling datos bilang batayan,” sabi ni Labog.

Dagdag pa ni Labog, lumang taktika na umano ang pahayag ni Valte na ang hinihingi ng mga manggagawa ay sobra-sobra. “Makatwiran at praktikal ang kahilingan namin na P125 dagdag sahod para sa buong bansa. Maliit na kabawasan lamang ito para sa mga kapitalista,” aniya.

Giit pa ni Labog, maliit na porsiyento umano sa kabuuang produksiyon ang napupunta sa sahod kumpara sa malaking tubo ng mga kapitalista.

“Nakakangalit na hindi tinutugunan ni Pangulong Aquino ang karaingan ng mga manggagawa at mahihirap. Sa pagmamadali niyang iataguyod ang interes ng mga lokal at dayuhang kapitalista, gumawa siya ng isang katangahang pagkukuwenta,” sabi pa ni Labog.

Kasabay nito, muling nagmartsa ang mga manggagawa at nagpiket sa harapan ng Kamara sa Batasan Pambansa upang igiit ang pagpasa sa panukalang batas na P125 dagdag-sahod.

Kamakailan lamang, sinabi ni Rep. Emil Ong, tagapangulo ng House Labor Committee, na nakatakdang aprubahan ng komite sa Mayo ang panukalang-batas at matalakay ito sa plenaryo ng Kongreso.