Obrerong kontraktuwal ng PUP nagwelga

March 6, 2012

Iniladlad ng mga manggagawa ang malaking istrimer sa harapan ng gusali ng PUP bilang hudyat ng kanilang welga.  (Macky Macaspac)

Iniladlad ng mga manggagawa ang malaking istrimer sa harapan ng gusali ng PUP bilang hudyat ng kanilang welga. (Macky Macaspac)

Nagwelga ang mahigit 100 manggagawa ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa hindi pagkilala ng administrasyon ng pamantasan sa kasunduang muli silang  kunin bilang mga dyanitor sa pagpasok ng bagong ahensiya.

Nilusob ng mga manggagawa ang tanggapan ng Carebest Employment Agency at isinara ito upang ipakita ang kanilang galit sa hindi pag-absorb sa kanila sa kabila ng pagkakaroon ng memorandum of agreement sa pagitan ng PUP administration at SJPUP. (Macky Macaspac)

Nilusob ng mga manggagawa ang tanggapan ng Carebest Employment Agency at isinara ito upang ipakita ang kanilang galit sa hindi pag-absorb sa kanila sa kabila ng pagkakaroon ng memorandum of agreement sa pagitan ng PUP administration at SJPUP. (Macky Macaspac)

Kasama ang kanilang tagasuporta, itinirik ng mga manggagawang kasapi ng Samahan ng mga Janitors sa PUP (SJPUP) ang piketlayn sa loob mismo ng kampus ng PUP.

Iginiit ng SJPUP na dapat silang maibalik sa kanilang mga trabaho, dahil sa may kasunduan ang kanilang unyon at ang administrasyon sa panguguna ni Officer In Charge Estelita dela Rosa.

Sinabi ng grupo na pinirmahan ng magkabilang panig ang kasunduan noong Pebrero 16, ngunit hindi na kinilala ng admininistrasyon ang kasunduan makalipas ang ilang araw.

“Ipinaglalaban namin na kami ay muling maibalik sa trabaho. Ipinaglaban namin at naipagtagumpay noon ang minimum na sahod na ayon sa batas,” ani Rey Cagomo, pangulo ng SJPUP.

Ayon naman sa Kilusang Mayo UNO (KMU), ang kalagayan umano ng mga dyanitor sa PUP ang nagpapatunay sa malalang sitwasyon ng mga manggagawang kontraktuwal sa bansa.

Nananawagan ang KMU na ipasa agad ang panukalang batas na House Bill 5110 (Regular Employment Bill) na nakasalang sa Kamara.
Layunin ng HB5110 ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na ipagbawal sa buong bansa ang kontraktuwalisasyon sa paggawa.

“Hindi habang buhay mananatiling tahimik ang kontraktuwal na mga manggagawa sa pagtanggal sa kanila sa trabaho o ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Ipinakita na ng mga manggagawa ng PUP  na lumalaban na ang mga kontraktuwal para sa kanilang mga karapatan,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Nagmartsa papasok sa kampus ng PUP ang mga dyanitor na tinanggal, kasama ang kanilang mga tagasuporta mula sa KMU, LFS at Anakbayan. (Macky Macaspac)

Nagmartsa papasok sa kampus ng PUP ang mga dyanitor na tinanggal, kasama ang kanilang mga tagasuporta mula sa Kilusang Mayo Uno, League of Filipino Students at Anakbayan. (Macky Macaspac)

Umani naman ng suporta mula sa mga kabataang estudyante ang welga ng mga manggagawa, at sinabing pagbuwag sa unyon ang pagtanggal sa mahigit 100 manggagawa.

“Sa kabila ng pagiging kontraktuwal, mayoong kinikilalang sariling unyon ang mga dyanitor ng PUP. Kinikilala ng administrasyon ng PUP ang SJPUP. At ang pagtanggal sa mga miyembro nito’y magbibigay laya sa admininistrasyon na maglagay ng sunud-sunurang mga manggagawa, na magiging tahimik sa pagtanggap ng mababang sahod at kawalan ng benepisyo,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.