‘Walang pusong’ kaltas-benepisyo sa sektor-kalusugan kinondena


Lantarang tinatapaktapakan umano ng Department of Health ang Magna Carta for Public Health Workers sa pagkaltas sa bepenisyo ng mga kawaning pangkalusugan. Lalo rin nitong ipinagkakait sa maralitang mga mamamayan ang karapatan sa serbisyong medikal.

"Dumugo ang puso" ng mga manggagawang pangkalusugan noong Araw ng mga Puso dahil sa kaltas-benepisyo at planong pagsasapribado sa serbisyo-medikal ng gobyerno, ayon sa Alliance of Health Workers. (Pher Pasion)
"Dumugo ang puso" ng mga manggagawang pangkalusugan noong Araw ng mga Puso dahil sa kaltas-benepisyo at planong pagsasapribado sa serbisyo-medikal ng gobyerno, ayon sa Alliance of Health Workers. (Pher Pasion)

Hindi inaasahan ng mga manggagawang pangkalusugan na ang 20-taong ipinaglaban nilang benepisyo sa ilalim ng Magna Carta for Public Health Workers na naipasa noong 1992 ay tatanggalin sa kanila ng mismong gobyerno ni Aquino.

Ito ang nagtulak sa 20-taong paninilbihan ni Emma Tanafrancia ng Las Pinas General Hospital na lumabas sa kauna-unahang pagkakataon at makiisa sa rali sa Mendiola sa tinaguriang protestang “Black Hearts Day” noong Peb. 14. Pinangunahan ito ng mga unyong pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers at Health Alliance for Democracy upang ikondena ang pagkaltas sa mga benepisyo ng mga kawaning pangkalusugan.

Martsa ng mga kawaning pangkalusugan ng gobyerno noong Araw ng mga Puso. (Pher Pasion)
Martsa ng mga kawaning pangkalusugan ng gobyerno noong Araw ng mga Puso. (Pher Pasion)

Nakaambang kaltasan ang alawans sa labahin ng P130 kada buwan mula P150 at P30 para sa subsistence allowance na ngayon ay kada araw ng paggawa mula P50 na dating kasama sa monthly allowance base sa inilibas nang Department of Health na Memorandum Order No. 2012-0001 nitong ika-11 ng Enero sa mga kawaning pangkalusugan.

Paliwanag naman ni Jossel Ebesate, pambansang tagapangulo ng Alliance of Health Workers, ipinagbabawal sa probisyon ng Joint Resolution No. 4 o Salary Standardation Law III (SSL III) ang pagbabawas ng benepisyo ayon sa Magna Carta of Public Health Workers.

“Sinasabi nilang state policy ito pero batas din naman ang Magna Carta. Kung gagawa sila ng batas, (dapat) hindi ’yung may nasasagasaang silang karapatan,” dagdag ni Tanafrancia.

Ayon kay Tanafrancia, dahil sa kakarampot na sahod, nagagawang isangla ng mga kawani ang kanilang ATM card. Dahil sa kaltas sa benepisyo, ang iba umano’y nakatanggap ng kulang sa P1,000 sa kanilang mga sahod. Demoralisado umano ang marami subalit natatakot magsalita.

Naghihingalong kalagayan

Sinabi naman ni Elizeo Sobinzky ng Lung Center of the Philippines, kulang-kulang ang mga gamit sa ospital. Kadalasan sila pa ang bumibili ng kanilang ginagamit para proteksiyunan ang kanilang sarili sa anumang sakit na maaari silang mahawaan.

“Maraming pasyente subalit hindi namin maserbisyuhan lahat. At ang higit na nakakalungkot at masakit sa amin ay ang mga may pera lamang ang kadalasang aming naseserbisyuhan,” dagdag ni Sobinzky.

Ayon naman sa AHW, dahil sa kakulangan ng badyet na inilalaan ng gobyerno, napilitan ang mga pampublikong ospital na maningil ng mga bayarin at serbisyo na dati ay libre. Maging ang emergency rooms sa mga publikong ospital ay naniningil na ng emergency room fee upang matugunan ang kakulangan sa pondo ng mga ospital.

Bagamat nominal na “tumaas” ang badyet sa kalusugan sa P42.769-Bilyon sa 2012 mula P32.427-B noong 2011, ang pagtaas ay mapupunta sa PhilHealth, Public-Private Partnership at kontraktuwalisasyon, ayon sa AHW.

“Kung may PhilHealth ka nga, pero kulang-kulang ang mga gamit sa ospital at laboratoryo, anong serbisyong pangkalusugan ang naghihintay sa isang pasyente? Hindi ang pagkakaroon ng PhilHealth ang siyang kasagutan sa karapatan sa kalusugan,” ayon kay Dr. Geneve Rivera-Reyes, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy (HEAD).

Kahit masama sa kanilang kalusugan, nagplanking ang mga kawani sa Mendiola, Manila bilang protesta sa atake ng administrasyong Aquino sa kanilang mga benepisyo. (Pher Pasion)
Kahit masama sa kanilang kalusugan, nagplanking ang mga kawani sa Mendiola, Manila bilang protesta sa atake ng administrasyong Aquino sa kanilang mga benepisyo. (Pher Pasion)

Madugong polisiya

“Dahil sa state policy na iyan, maaaring hindi lang benepisyo ang mawala sa atin kundi pati ang ating security of tenure,” ayon kay Ed Damicoy ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

State policy” umano ang naging tugon ng mga opisyal ng Department of Budget Manangement noong Pebrero 6 sa naging diyalogo sa pagitan ng AHW upang bigyang linaw ang nasabing memorandum.

Paliwanag ni Dr. Emma Manuel, tagapangulo ng Alliance of Health Workers, unti-unting tinatanggalan ng gobyerno ang badyet sa kalusugan upang ikondisyon ang mga kawani sa pribatisasyon ng mga pampublikong ospital. Bunsod ito ng programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino.

Ani Manuel, nakalatag na ang pagsasapribado ng mga ospital gaya ng RITM at Philippine Orthopedic Center, habang ang National Center for Mental Health naman ay ililipat na wala pang kaseguraduhan kung saan.

“Kinokondisyon nila na masanay na tayo na walang benepisyo dahil sa 2014 ay wala na tayong MOOE (maintenance and other operating expenses) at sa taong 2020 ay wala na tayong Personal Services sa pagsunod ng gobyerno ni Aquino sa neoliberal na mga polisiya ng mga naghaharing-uri at dayuhan,” dagdag ni Manuel.

Dagdag pang pasanin umano sa mga manggagawang pangkalusugan ang pagtataas ng premium ng PhilHealth na inaasahang aabot sa 100% hanggang 160% ang pagtaas.

Aabot naman sa 3%  sa basic pay ang kakaltasin sa mga empleyado na di bababa sa P2,520 at maaaring aabot hanggang P18,000 kada taon.

Dahil sa polisiya ng DBM, maging ang hazard pay ng mga kawani sa kalusugan ay magiging pili na lamang tulad sa mga radiologist, samantalang ang mga kawani sa kalusugan ay nasa isang environment na bulnerableng mahawaan ng sakit sa araw-araw, ayon kay Dr. Manuel.

Paliwanag pa ni Manuel, ilang pagtatangka na rin ang ginawa ng gobyerno na tanggalin ang mga benepisyong nakasaad sa Magna Carta for Public Health Workers at maging mismo pagsasawalang bisa ng nasabing Magna Carta. Buti na lamang, nalabanan ito ng mga kawaning pangkalusugan sa panguguna ng AHW.

Tinawag nilang “walang puso” ang kaltas sa badyet na ito sa pampublikong serbisyo at pribatisasyon, laluna tumitindi ang kahirapan sa bansa sa kabila ng walang humpay na taas-presyo ng langis at mga bilihin.