Kabataan

Tumitinding atake sa kabataang aktibista


Hinala ng militanteng mga grupong kabataan, hindi hiwalay sa programang kontra-insurhensiya ng militar na Oplan Bayanihan ang mga atake sa mga aktibista tulad sa “Porac 3”, Ekis Gimenez at Lordei Hina, gayundin ang panghaharas at pinaghihinalaang tangkang pagdukot sa mga mamamahayag pangkampus sa Samar nitong Peb. 26.

Pagsindi ng kandila para kay Lordei Hina, sa Vinzons Hall, matapos ang insidente noong Peb. 3. Hinala ng militanteng grupo ng mga kabataan na may kinalaman sa Oplan Bayanihan ang akate sa mga kabataang aktibista tulad ni Hina. (Pher Pasion / PW File Photo)
Pagsindi ng kandila para kay Lordei Hina, sa Vinzons Hall, matapos ang insidente noong Peb. 3. Hinala ng militanteng grupo ng mga kabataan na may kinalaman sa Oplan Bayanihan ang akate sa mga kabataang aktibista tulad ni Hina. (Pher Pasion / PW File Photo)

Isa na namang insidente ng panghaharas sa mga lider-kabataan ang naganap sa Samar nitong huling linggo ng Pebrero.

Matapos ang sunud-sunod na atake sa mga progresibong kabataan nitong nakaraang mga buwan, apat namang kabataang mamamahayag ang sinundan at muntik dukutin ng mga pinaghihinalaang elemento ng militar.

Nanggaling sa katatapos na Samar-wide Journalism Convention noong Pebrero 26 ang apat na mag-aaral na sina Pauline Gidget Estella, pambansang pangalawang pangkalahatang kalihim ng College Editors Guild of the Philippines; Mica Rubenecia pangkalahatang kalihim ng CEGP-Samar; Angelo Karl Doceo, tagapangulo ng CEGP-Samar; at Darrel Tibre, istap ng The Pillars, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng University of Eastern Philippines nang mangyari ang naturang insidente.

Pinaghahanap at sinundan ng pinaghihinalaang mga militar sina Estella matapos ang naturang kumbensiyon. Ayon kay Estella, mabuti na lamang at nagkamali ang mga militar at ibang bahay ang napuntahan ng mga ito.

Hindi nakalabas ng bahay sina Estella na dapat ay naghahabol ng kanyang flight sa eroplano pabalik ng Maynila dahil sa takot na dukutin o paslangin sila. Madaling araw ng magpasyang makipagsapalaran ang apat papuntang airport na nagawa naman nilang mapuntahan ng ligtas. Sinamahan din ng National Union of Journalist of the Philippines-Samar sina Estella sa airport upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ayon kay Estella, sa mismong kumbensiyon pa lamang, umaali-aligid na ang mga pinaghihinalaang militar.

Magdamag naman minonitor ng Pambansang Opisina ng CEGP sa tulong ng NUJP,  Philippine Collegian of UP-Diliman, All-UP Academic Employees’ Union, Pinoy Weekly at ibang indibidwal na nakatanggap ng masamang balita upang bantayan ang sitwasyon nila Estella.

Ligtas namang nakabalik si Estella sa Maynila at gayundin ang kanyang mga kasamahan sa Samar na sa opisina ng kanilang publikasyon tumuloy matapos ihatid si Estella.

Atake sa mga militante

May dahilan para mabahala ang mga mamamahayag pangkampus, gayundin ang mga tagasuporta nila mula sa NUJP, at iba pang grupo. Nitong 2012 kasi, naitala na ang sunud-sunod na atake sa mga kabataang aktibista, laluna sa Kamaynilaan.

Hapon noong Pebrero 1, inatake si Hina sa loob mismo ng Office of University Student Council (USC) sa Vinzons Hall sa UP-Diliman, isang kilalang lugar na tipunan ng student leaders at aktibista.

Si Hina’y naghihintay ng isang importanteng pulong noong atakihin siya. Nakuha sa suspek ang bag ni Hina, na naroon ang kanyang laptop computer at laptop ng kanyang kasama, gayundin ang ilang cellphones na pawang naglalaman ng importanteng mga impormasyon ng kanyang mga aktibidad, na maaaring target din ng suspek, ayon sa grupo.

Kilala si Hina bilang isang lider-estudyante at organisador. Siya’y dating pangkalahatang kalihim ng Center for Nationalist Studies at isang susing organisador ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (Stand-UP). Susing tao din si Hina sa pambansang pagkilos laban sa budget cut sa UP at ibang panlipunang serbisyo.

Sa pahayag ng Anakbayan, militanteng grupo ng kabataan, nangangamba silang maaaring may ugnay sa giyerang kontra-insurhensiya ng militar na Oplan Bayanihan ang naturang atake kay Hina.

Isang tattoo artist, nagngangalang Danmar Vicencio, na diumano’y nasa impluwensiya ng droga, ang inaresto ng pulisya at pinaghihinalaang may kinalaman sa atake kay Hina. Isa pa ang pinaghahanap na diumano’y kasama ni Vicencio sa pag-atake kay Hina.

“Napakadali para sa militar na kumuha ng mga kriminal para pumatay at manakit ng mga aktibista at mga progresibo. Katunayan, maraming beses na ginagamit ng taktikang ito noong panahon ng diktadurang Maros at ang ‘low intensity conflict’ ni dating pangulong Cory Aquino,” pahayag ng Anakbayan, noong Peb. 20.

Samantala, isang araw matapos ang tangkang pagpatay kay Hina, isang dating lider estudyante at kilalang aktibista na si Ekiz Gimenez naman ang inatake ng di-pa-nakikilalang mga suspek sa kanyang pag-uwi sa Quezon City. Nagtamo siya ng tama sa ulo na nagresulta ng operasyon sa kanyang bungo.

Kilalang aktibistang pangkultura ng Sining na Naglilingkod sa Bayan (Sinagbayan) si Gimenez.

Nangyari naman ang mga pag-atakeng ito ilang linggo matapos maharas ng mga elemento ng militar ang mga mag-aaral ng UP sa Porac, Pampanga at Calatagan, Batangas.

Naniniwala ang Anakbayan na hindi bago sa militar ang ganitong taktika upang supilin ang progresibong mga grupo.

Inihalimbawa nila ang pamamaslang kay Bishop Alberto Ramento, isang human rights advocate, dating pinuno ng ng Philippine Independent Church at kilalang tagasuporta ng mga manggagawang bukid na welgista sa Hacienda Luisita noong 2004. Pinagsasaksak si Ramento ng makailang-ulit habang natutulog sa kanyang tinutuluyan sa Tarlac noong Oktubre 2006.

Bagamat sinasabi ng mga pulis na pagnanakaw ang naging motibo ng “gang members”, walang mahahalagang bagay ang nakuha o nawawala sa bahay nila Ramento.

Psy-ops at Oplan Bayanihan

Naghinala ng Anakbayan na ang mga atake ay maaaring bahagi ng kampanyang psy-ops (psychological operations) ng Armed Forces of the Philippines sa mga aktibista matapos ang masusing pag-aralan ang mga pangyayari.

Sang-ayon sa itinuturo sa loob ng militar, ang “psy-ops” ay naglalayong parelisahin ang mga aktibista at mga progresibo sa iba’t ibang porma: terorismo, panlilinlang, ‘pandedemonyo’, at pagkikriminalisa sa kanila.

Ang mga ganitong aktibidad ay pasok sa programa at aktibidad na nakalarawan sa Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino, ayon sa grupo. Ang bagong planong ito ng militar na nakatuon sa psy-ops at black propaganda: “people-centered” na pakilala, “civic-military” at operasyong “non-combatant.” Ang mga atake kina Hina, Gimenez, ang “Porac 3” at iba pang kaso sa iba’t  ibang rehiyon ay may ganitong marka, dagdag ng grupo.

Idagdag pa umano ito sa mga pekeng pahayag na laging inilalabas sa midya, partikular mula sa Kilusang Mayo Uno at kay Prop. Jose Ma. Sison, na maaaring naglalayong “magtanim ng intriga at malisyosong usapin sa progresibong kilusan.”

Sa kaso ng KMU, isang pahayag ang lumabas na naniniwala ito sa hustisya at sumusuporta sa kasalukuyang administrasyon. Sa kayo naman ni Sison, nagsasabing si Sison daw ay magiging bahagi ng kabinete ni Aquino sa kabila ng pagulit-ulit na pagtanggi.

Ang dalawang kaso’y ginagawa upang lituhin ang publiko at sa isang banda ilayo ang progresibong kilusan, ayon sa grupo.

Nanawagan ang Anakbayan sa komunidad ng UP na magkaroon ng independiyente at impartial na imbestigasyon sa naturang insidente. Gayundin, nanawagan ang grupo sa mga kabataan, human rights advocates at mga mamamayang Pilipino na maging kritikal at mapagbantay at paigtingin ang panawagan ng katarungan para kay Hina.

Binigyan diin din ng grupo ang pagmomobilisa ng libu-libong kabataan upang manawagan sa pagtigil ng karahasan at panunupil ng estado, at pagpapalakas ng pakikibaka para tunay na panlipunang pagbabago.