Sa kabila ng taas-presyo ng langis at bilihin: ‘makabuluhang dagdag-sahod’ lalong kailangan

February 28, 2012

Sa harap ng mga nagbibisikleta at nagmomotorsiklo, nagmartsa din ang mga miyembro ng KMU patungo sa harapan ng Kamara para ipanawagan ang kagyat na P125 dagdag sahod. (Macky Macaspac)

Sa harap ng mga nagbibisikleta at nagmomotorsiklo, nagmartsa din ang mga miyembro ng KMU patungo sa harapan ng Kamara para ipanawagan ang kagyat na P125 dagdag sahod. (Macky Macaspac)

Naghihintay ng sasakyang pampasahero sa Philcoa, Quezon City si Olay (di tunay na pangalan), isang delivery man ng isang sikat na fastfood chain, nang makita niya sa kalsada na naghahanda ang mga manggagawa na magbisikleta, magmotor at magmartsa. Ang iba naman, magmamartsa. Nananawagan sila: P125 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Agad na sumang-ayon sa panawagan ng mga manggagawa si Olay, sa panayam sa Pinoy Weekly.

Kasi naman, sa kita niyang P426 kada araw kasama na ang Cost of Living Allowance (COLA), kapus na kapos ang sahod niya sa buwanang gastos ng kanyang pamilya.

“Maraming gastos sa bahay, kulang na kulang ang sahod kahit minimum ang sahod ko. Malaking porsiyento ng sahod ko ang napupunta sa pagkain, kaya di maiwasang umutang kapag kapos na ang badyet. Iisa pa lang ang anak ko, ” kuwento niya.

Aminado rin si Olay na madalas niyang isangla o gawing kolateral ang kanyang ATM (automated teller machine) card sa mga nagpapautang ng “5-6.”

“Dapat lang naman na dagdagan ang sahod,” bigay-diin niya.

Nasa peligrosong kalagayan din si Olay dahil nasa delivery siya at may takdang oras ang kanyang pagdeliber.

“Kailangan kasi na mainit pa ’yung inorder na pagkain, pagdating sa kustomer,” aniya. Ngunit ang masaklap, kapag nahuli sila ng traffic enforcers dahil sa hindi inaasahang paglabag sa batas-trapiko, sinasagot nila ang binabayarang penalty.

Charge sa amin ’yun, sa sariling bulsa namin galing ang pangmulta,” aniya.

Maliban dito, hindi rin ligtas si Olay sa walang katapusang pagtaas ng presyo ng gasolina.  Ikinuwento niya na kahit mayroong alokasyon ng gasolina ang kompanya sa bawat tagadeliber, abonado sila sa oras na magkulang ang kanilang gasolina. Aniya, sa bawat araw ang dapat na konsumo ng gasolina ay 1.5 litro lamang.

“May flip card kami sa isang gasolinahan. Sa isang buwan, 46 litro ang alokasyon sa amin. Pagkatapos ng isang buwan, dapat na mayroon pa ring natitirang anim na litro sa card,” ani Olay.

Dagdag pa niya, sa oras na walang matira sa alokasyon ay kinakaltas sa kanilang sahod ang kulang.

Pero dahil sa hirap ng paghahanap ng trabaho, tinitiis na lang ni Olay ang kanyang kalagayan, kahit binawasan pa ng kompanya ang kanyang pasok ng dalawang araw.
“Mahirap, pinagtitiyagaan ko na lang,” aniya.

Ayon kay Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis Party-list, kasalukuyang humahamig ng suporta sa loob ng Kamara ang panukalang batas hinggil sa  dagdag sahod.  Mayroon na umanong 20 mambabatas na pumirma bilang co-author sa HB375. Pero marami pa ang kailangan. (Macky Macaspac)

Ayon kay Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis Party-list, kasalukuyang humahamig ng suporta sa loob ng Kamara ang panukalang batas hinggil sa dagdag sahod. Mayroon na umanong 20 mambabatas na pumirma bilang co-author sa HB375. Pero marami pa ang kailangan. (Macky Macaspac)

Bisikleta para dagdag-sahod

Ang nasaksihan ni Olay sa Commonwealth ay konboy ng mga nagmomotorsiklo at nagbibisikletang mga manggagawa patungong Batasan Pambansa para muling ihayag ang panawagan sa Kamara na isabatas ang P125 makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ipinanawagan muli nila ito, anila, sa kabila ng nagtataasang mga bilihin at produktong petrolyo.

“Muli kaming nananawagan sa mga mambabatas na ipasa na ngayon ang P125 wage hike. Hinihiling namin ang agarang ginhawa mula sa sumisirit na presyo ng langis, batayang mga bilihin at serbisyo,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Sinabi pa ni Labog na ang kakarampot na dagdag sa COLA noong nakaraang taon, lalo na sa ibang rehiyon. Hindi umano nakasapat sa pangangailangan ng pamilya ng mga manggagawa.

Noong nakaraang taon, muling isinampa ang panukalang batas na P125 wage increase o ang House Bill 375 sa pangunguna ng kinatawan ng Anakpawis Party-list na si Rep. Rafael Mariano. Pero hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin naipapasa ang panukalang dagdag-sahod.

Unang ipinanukala sa Kongreso ang P125 dagdag sahod o HB 435 noong 1999, ng yumaong lider-obrero na si Rep. Crispin Beltran, na dating nasa Bayan Muna bago itinatag ang Anakpawis.  Ngunit matapos ang ilang taon, hindi rin inaprubahan ang panukalang batas.

“Sa loob ng mahigit siyam na taong panunungkulan ni dating Pangulong Arroyo, tinutulan niya na mabigyan ng makabuluhang dagdag sahod ang mga manggagawa. Ngayon, sa isa’t kalahating taon ni Aquino, ginagaya lang niya ang ginawa ni Arroyo hinggil sa sahod ng mga manggagawa,” ani Labog.

Ayon kay Mariano, hindi isinama ang dagdag-sahod sa mga prayoridad na batas sa Kongreso noong 2011 at tulad rin ng mga nagdaang taon, matindi ang pagtutol ng mga kapitalista sa panukalang batas.

“Bagamat hindi na-certify bilang priority bill ang HB 375, pinipilit natin na maipasa ito sa third and final reading bago mag-adjourn ang Kongreso ngayong Marso,” aniya.

Idinagdag ng mambabatas ng Anakpawis na may naganap at magaganap pa na mga konsultasyon o public hearing ang House Committee on Labor sa mga rehiyon upang mapag-aralan ang aktuwal na kalagayan ng mga manggagawa, at kung kailangan ipasa ang panukalang batas.

Dagdag pa ni Mariano, inaasahan nilang makakapagpalabas na ng committee report ang Committee on Labor and Employment matapos ang public hearing sa Mindanao.

Panawagan ng mambababatas na patuloy na kalampagin ang Kongreso upang maipasa sa plenaryo ang panukalang batas na HB 375.

Para naman sa lider-manggagawa na si Labog, dapat harapin ng Kongreso ang pagpasa sa P125 dagdag-sahod tulad ng masigabong pagharap ng Kamara at Senado sa impeachment trial ni Chief Justice Corona.

“Hindi maiibsan ng pasiklab na impeachment trial ni Corona ang matinding gutom at kahirapan na nararanasan ng mga manggagawa at mamamayan. Sa halip na ibuhos ng Kongreso ang panahon nito sa impeachment trial, dapat nilang ibuhos ang kanilang panahon sa pagpasa ng batas na para sa mga manggagawa,” ani Labog.

Sinabi pa ng KMU na maglulunsad sila ng mga protesta sa mga susunod na panahon upang igiiit ang pagpasa sa P125 across-the-board na dagdag sahod.

Samantala, patuloy naman nilang hinihikayat ang mga tulad ni Olay para sumuporta sa kampanya para sa makabuluhang dagdag-sahod, at lumahok sa mga pagkilos para makamit ang kanilang kahilingan.