‘Mga fraternity, maglinkod sa bayan, pawiin ang hazing


Nanawagan ang militanteng grupo ng kabataan na Anakbayan sa lahat ng organisasyon ng mga mag-aaral, asosasyon, at higit sa lahat sa mga fraternity, na itigil ang paggamit ng brutal, bayolente at nakamamatay na hazing. Ito ang nais ipaabot ng grupo sa kanilang pahayag hindi lamang sa komunidad ng San Beda College, kundi sa lahat ng […]

Nanawagan ang militanteng grupo ng kabataan na Anakbayan sa lahat ng organisasyon ng mga mag-aaral, asosasyon, at higit sa lahat sa mga fraternity, na itigil ang paggamit ng brutal, bayolente at nakamamatay na hazing.

Ito ang nais ipaabot ng grupo sa kanilang pahayag hindi lamang sa komunidad ng San Beda College, kundi sa lahat ng pang-akademikong komunidad at unibersidad sa bansa.

Imbes na magsagawa ng bayolenteng mga aktibidad, nanawagan ang Anakbayan na ituon ng mga organisasyon ng mag-aaral ang kanilang panahon at kakayahan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga komunidad, lalo’t higit sa mga komunidad ng mardyinalisadong mga sektor at mahihirap sa lungsod at kanayunan.

Dagdag pa ng grupo na dapat makibahagi ang mga mamamayan sa pagpapanagot sa mga may kasalanan sa brutal na pagkakapatay kay Marvin Reglos, ang mag-aaral ng abogasya sa San Beda College na napatay sa hazing ng isang fraternity kamakailan.

Ipinapaabot ng pambansang organisasyon ng Anakbayan, kasama ng mahigit 20-libong miyembro nito sa buong kapuluan, ang kanilang taus-pusong pakikiramay sa pamilya, kamag-aral, at mga kaibigan ni Reglos.

Ayon pa sa grupo, tinatanganan nila ang “karapatan sa pag-oorganisa” bilang isa sa pinakamahalagang karapatan ng bawat Pilipino. Gayunpaman, hindi dapat ito gamitin upang ang mga responsable sa pagkamatay ni Marvin ay matakasan ang hustiya.

Hindi kasali sa karapatan sa pag-oorganisa ang karapatang manakit at pumatay, dagdag pa ng grupo.

Hinamon ng grupo ang alumni ng nasabing fraternity, at gayun na din sa ang iba pa, na itigil na ang barbarikong tradisyon ng ilang fraternities.

Sa huli, hinamon ng Anakbayan ang mga awtoridad na walang palagpasin sa imbestigasyon ng kaso. Anila, kailangang kilalanin, arestuhin, at panagutin ang mga suspek sa krimeng ito.