Kabataan

Mas matinding protesta vs krisis sa edukasyon, inaasahan


Palala nang palala ang krisis sa edukasyon, ayon sa militanteng mga grupo ng kabataan: papataas na mga matrikula at mga bayarin, pagkaltas muli sa badyet ng sektor ng edukasyon, at kainutilan diumano ng administrasyong Aquino sa harap ng mga ito. Kung kaya muling tutungo ng lansangan ang kabataan, para iprotesta ang tumitinding krisis na ito.

Protesta ng kabataang estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong nakaraang linggo. (Pher Pasion)
Protesta ng kabataang estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong nakaraang linggo. (Pher Pasion)

Nagbanta ang militanteng mga kabataan sa Commission on Higher Education at administrasyong Aquino ng mas malalaking protesta sa gitna ng pagbabanta ng lumalalang krisis sa edukasyon at ekonomiya.

Ayon sa League of Filipino Students, wala nang bang pagpipilian ang kabataan kundi magprotesta dahil lubhang nakakabahala ang mga bayarin sa mga pamilyang Pilipino dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at ang ambang pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan.

Inihayag nila ito sa protesta sa harap ng CHED matapos ang serye ng protesta sa mga pamantasan noong nakaraang linggo bilang bahagi ng kanilang “Day of Rage against the Education Crisis.”

Pinagbibitiw naman sa puwesto ng Anakbayan, si Patricia Licuanan, tagapangulo ng CHED, dahil sa nakaambang na namang pagtaas ng matrikula ngayong taon. Sa pahayag ng Anakbayan, bigo si Licuanan na pigilan ang taas-bayarin sa mga pamantasan at ang taunang taas-matrikula na nagreresulta ng papalaking bilang ng drop-outs sa hanay ng kabataan.

“Hindi naiintindihan ng administrasyong Aquino at CHED na ang ating ipinaglalaban dito ay kinabukasan ng ating bansa. Kanilang isinailalim sa deregulasyon ang bayarin sa pribadong mga pamantasan at gayundin binawasan ang badyet para sa state universities and colleges,” ani Gemma Canalis, tagapagsalita ng LFS.

Sinabi pa ni Canalis na nakabalangkas umano ito sa programang K+12 (o kindergarten plus 12 years). Sa naturang programa, hinuhubog ng gobyerno ang kabataang Pilipino na maging reserbang mga manggagawa para sa pangangailangan ng pandaigdigang kapitalistang sistema.

Dagdag-bawas

Muli ngayong taon, haharap na naman ang mga mag-aaral sa usapin ng pagdadagdag ng bayarin sa pamantasan kasabay ng pagbabawas sa badget sa edukasyon.

Ayon sa National Union of Students of the Philippines, inaasahan na muling tataas ang matrikula ngayong taon. Tinatayang 400 pamantasan ang inaasahang magtataas ng kanilang matrikula mula 10% hanggang 15%, hindi pa kasama ang miscellaneous fees.

Kabataang estudyante na nagrali kontra kaltas-badyet sa Polytechnic University of the Philippines o PUP noong nakaraang linggo. (Pher Pasion)
Kabataang estudyante na nagrali kontra kaltas-badyet sa Polytechnic University of the Philippines o PUP noong nakaraang linggo. (Pher Pasion)

Paliwanag ng Anakbayan, lima sa pinakamalaking kumita na paaralan ay may net profit na P3.45 Bilyon sa nakalipas na anim na taon, at kumakalap ng P15.43-B sa kanilang gross revenues.

Sa taong 2010 pa lamang, may naitalang P585-Milyon ang Far Eastern University (FEU) sa kanilang kita. Nakapagtala ito ng pagtaas kanilang tubo sa nakalipas na siyam na buwan matapos magtaas ng matrikula noong nakaraang taon.

Samantala, ang University of the East naman ay may tinatayang P300-M, dagdag ng Anakbayan.

Kabilang pa sa mga pamantasang nagtaas ng matrikula ngayong taon ang sumusunod: Univeristy of Santo Tomas (UST), na naghahain ng 3-6% na pagtaas sa halos lahat kolehiyo nito at tinatayang 19% sa ilang mag-aaral sa unang taon; ang UE, na inaasahang magtataas ng 3-5% sa kanilang matrikula; ang FEU na magtataas nang 4.8%; at at De La Salle University, na magtataas nang 3%.

Sa datos naman ng CHED, mahigit 80% ng estudyante sa kolehiyo o 2.1 milyong kabataan ang tumigil sa pag-aaral noong nakaraang taon dulot ng pagtaas ng matrikula.

“Sa gitna ng tumitinding krisis sa ekonomiya, walang hakbang na ginagawa si Aquino upang i-regulate ang pagtaas ng matrikula at ang CHED ay nananatiling inutil at walang pangil na institusyon. Hinahayaan nilang gatasan ang mga mag-aaral at magulang sa kanilang pinagpagurang sahod kapalit ng edukasyon. Tunay nga na naging negosyo ang edukasyon ngayon,” ayon kay Canalis.

Sa kabila nito, inaasahan din ng kabataan mula sa SUCs na lalala ang kalagayan ng mga akademya. Dulot ito ng muling pagkaltas sa badyet sa sektor ng edukasyon, at polisiya ng zero capital outlay sa SUCs, o di paglaan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong klasrum o pasilidad pang-edukasyon gaya ng mga laboratoryo.

Moratoryo hindi sineryoso

Sa isang pagtitipon nitong Pebrero na pinangunahan ng Kabataan Party-list, naging tampok ang pagkakaroon ng sinasabing guidelines ng CHED para sa mga bayarin sa pamantasan. Pero hindi ito maipapatupad ngayong pang-akademikong taon 2012-2013, na ikinadismaya ng mga kabataan.

Ani Crisostomo, hindi iilang lider-estudyante ang naghain ng reklamo sa mga “di-makatarungang bayarin” sa nakalipas na mga taon. Pero inaprubahan pa rin ng CHED ang pagtaas ng matrikula sa kanilang mga eskuwela.

“Sa dismaya ng mga mag-aaral, hindi nag-isyu ang CHED ng bagong guideline sa panahon ng konsultasyon. Pawang mga draft lamang ang mayroon, at sinasabing hindi nila ngayong taon maipatutupad ang nasabing guidelines. Katumbas ito ng pagkukunsinti sa mga mapang-abuso at kuwestyunableng bayarin,” dagdag ni Crisostomo.

Nananawagan ang Anakbayan, NUSP at iba pang grupo ng mag-aaral at kabataan ng moratoryo sa taas-matrikula at iba pang bayarin ngayong taon at imbestigahan kung may di-makatwirang taas-matrikula ang mga pamantasan noong nakaraang mga taon.

Protesta tugon ng kabataan

Nagbabala naman ang LFS sa administrasyong Aqunio ng mas malalaking protesta ngayong linggo bilang tugon ng kabataan sa lumalalang krisis sa edukasyon.

“Sawang-sawa na ang kabataan sa pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa pagtaas ng matrikula. Dapat na nagtitiyak ang gobyerno na aabot sa ang bawat Pilipino ang de-kalidad at libreng edukasyon sa lahat ng antas at itigil ang patuloy na pagbebenta ng sistema ng edukasyon,” ani Crisostomo.

Sinabi pa ni Canalis na sa magkakaroon umano ng “tindig” ang kabataan sa Marso 2 “upang malaman ni Aquino na alam natin na hindi ang interes natin ang kanyang pinoprotektahan kundi interes ng iilan.”

“Isang katungkulan at responsabilidad na labanan ang gobyernong nagkakait ng magandang kinabukasan sa kanyang kabataan,” pagtatapos ni Canalis.