Maigting na kampanya vs bawas-benepisyo, ikinasa ng kawaning pangkalusugan

February 9, 2012

Galit na nagpiket ang mga kawaning pangkalusugan dahil sa pagkait ng administrasyong Aquino sa kanilang ipinalabang mga benepisyo. (Pher Pasion)

Galit na nagpiket ang mga kawaning pangkalusugan dahil sa pagkait ng administrasyong Aquino sa kanilang ipinalabang mga benepisyo. (Pher Pasion)

“Policy desisyon” ang pagbawas sa natitira pa nilang benepisyo.

Ito ang tugon ng Department of Budget and Management (DBM) sa panawagan ng mga manggagawang pangkalusugan na bawiin ng DBM ang planong bawasan ang kanilang natitira pang mga benepisyo.

Sa diyalogo sa mga manggagawang pangkalusugan kabilang ang Alliance of Health Workers (AHW), iginiit ng DBM ang pagbabawas sa benepisyo ng mga kawaning pangkalusugan. Nakabatay daw kasi ito sa Department of Health Memorandum Order No. 2012-0002 na nag-uutos ng pagbawas sa alawans sa labahin ng mga kawani.

Sa ilalim ng naturang memorandum, magiging P130 kada buwan na lamang mula P150 ang naturang alawans. Samantala, kakaltasan na rin mula P50 kada araw ng paggawa tungong P30 ang subsistence allowance ng ordinaryong mga empleyado sa mga institusyon at programang pangkalusugan ng gobyerno.

Sinabi naman ng DOH na nakabatay daw ang memorandum sa DBM Budget Memorandum Nos. 107 at 112 na nagbibigay ng alituntunin sa paghahanda ng badyet para sa iba’t ibang ahensiya sa taong 2012 at 2013.

“Kung ang layon ng gobyerno ay tanggalin ang lahat ng benepisyo sa Magna Carta tulad ng mga sinabi ng representante ng DBM sa mga naging konsultasyon at pulong, hindi natin ito hahayaang mangyari,” ayon kay Emma Manuel, president emeritus ng AHW at radiologic technologist sa Tondo Medical Center.

Pagkabalisa ng empleyadong pangkalusugan

Paliwanag pa ni Manuel, nagdudulot ng “pagkabalisa at demoralisasyon ang “di-makatarungan at labag-sa-batas na mga direktibang ito.”

Sinabi pa niya na tulad ng iba pang mga mamamayan, labis na naaapektuhan na ng walang humpay na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo ang mga manggagawang pangkalusugan, at kailangan nila ang anumang karagdagang benepisyo na ibinibigay ng gobyerno.

Paliwala pa ng AHW, labag umano ang utos ng DOH at memo ng DBM sa implementing rules and regulations ng Magna Carta of Public Health Workers na nakapetsa noong Nob. 1999.

Nakasaad sa naturang mga alituntunin at regulasyon na kailangang maglaan ang gobyerno ng P150 kada buwan na laundry allowance at P50 kada araw (o P1,500 kada buwan) na  subsistence allowance.

Sinabi pa nila na “taliwas sa probisyon ng Joint Resolution No. 4 o Salary Standardation Law III (SSL III) na nagbabawal sa pagbabawas, pagtatanggal ng mga benepisyong nakasaad sa Magna Carta” ang naturang mga kautusan ng DOH at DBM.

“Kung gustong magbawas bakit hindi iyong mga nasa taas?” ayon kay Dante Perez, na manggagang pangkalusugan mula sa Philippine Orthopedic Center.

Sinabi pa ni Perez na na kakatwang hindi sa ospital ng gobyerno nagpapagamot ang (mayorya ng) mga opisyal sa gobyerno.  “Kaya hindi nila nakikita at lalong hindi nila nararamdaman ang kalagayan ng mga ordinaryong pasyente. Hindi nila nararamdaman ang kahirapan sa loob ng mga publikong ospital,” aniya.

Pangamba ni Perez, baka raw dumating ang araw na wala ng manggagawang pangkalusugan ang matira sa Pilipinas kung patuloy ang ganitong kalagayan na mababa ang sahod, kulang na benepisyo at binabawasan pa.

“Hindi namin matiis na iwanan ang mga nangangailangan ng aming serbisyo kahit na mababa ang aming sahod. Oo. Nung pumasok tayo serbisyo para sa Pilipino subalit huwag ninyo kaming gaguhin,” ani Perez.

Para naman kay Amalia Magno ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center: “Napakasakit isipin na minahal natin ang ating trabaho sa kabila ng mababang pasahod at mahirap na kalagayan, subalit hindi tayo minahal ng gobyernong ito.”

Protesta ang panawagan

Nanawagan ang AHW na punuin ng protesta ang mga ospital sa iba’t ibang porma tulad ng pagsasabit ng streamers, ribbon tying at maging noise barrage upang magkaroon umano ng “atmosphere of protest” sa pagtutol sa nasabing pagkaltas.

“Tumanda na tayo sa serbisyo. Pero wala tayong nakitang pagbabago kundi patuloy na paninikil at pagpapahirap,” ani Remy Ysmael ng Tondo Medical Center na 38 taon na sa serbisyo.

“Mag-organisa tayo at singilin ang pamahalaang ito. Wala tayong ibang maaasahan. Buhay at ikinabubuhay ang tinanggal sa ating lahat,” sabi pa ni Ysmael.

Isang malaking protesta ng mga kawaning pangkalusugan ang ihahanda sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso, sa Mendiola upang kalampagin ang Malakanyang.

“Puro pagtitiis pagdating sa sektor ng kalusugan. Pero lahat ng pagtitiis ay may hangganan,” banta pa ni Perez.