Kabataan

Hustisya sa dinahas na estudyante, sapat na badyet sa edukasyon ipinanawagan sa UP


Sumuporta ang iba’t ibang sektor sa komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas sa isang estudyante na dinahas at pinagnakawan noong Pebrero 1 sa tanggapan ng University Student Council (USC).

Pagsindi ng kandila para kay Lordei Hina, sa Vinzons Hall, matapos ang insidente noong Peb. 3. Hinala ng militanteng grupo ng mga kabataan na may kinalaman sa Oplan Bayanihan ang akate sa mga kabataang aktibista tulad ni Hina. (Pher Pasion / PW File Photo)
Pinangunahan ni Connie Hina (kanan), ina ng biktimang si Lordei, ang pagsindi ng kandila ng mga estudyante at iba pang miyembro ng komunidad ng UP, kontra sa karahasan sa kampus at para sa sapat na badyet ng pamantasan. (Pher Pasion)
Pinangunahan ni Connie Hina (kanan), ina ng biktimang si Lordei, ang pagsindi ng kandila ng mga estudyante at iba pang miyembro ng komunidad ng UP, kontra sa karahasan sa kampus at para sa sapat na badyet ng pamantasan. (Pher Pasion)

Sumuporta ang iba’t ibang sektor sa komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas sa isang estudyante na dinahas at pinagnakawan noong Pebrero 1 sa tanggapan ng University Student Council (USC).

Isang misa at candle lighting ang inialay ng mga kaibigan, kaeskuwela, kapwa aktibista, at kaanak ni Hina sa mismong Vinzons Hall noong Peb. 8 ng gabi. Naglunsad naman ng fundraising ang iba’t ibang organisasyon sa kampus, sa pangunguna ng USC.

Patuloy pa ring nasa kritikal na kondisyon sa Capitol Medical Center sa Quezon City si Lordei Hina, estudyante sa Political Science at aktibista sa UP na sinaksak sa ulo ng isang nagpakilalang tattoo artist habang ninakawan siya sa USC Office sa Vinzons Hall.

Dumalo sa misa ang iba’t ibang grupo at indibidwal bilang suporta kay Lordei at sa kanyang pamilya, laluna ang ina at kapatid na dumalo rito. Matapos ang misa, nagprograma sila at ibinahagi ng mga kasamahan ang pagkakakilala nila kay Lordei bilang kaibigan, kaeskuwela at aktibista.

Ayon sa ina ng biktima na si Connie Hina, malaking tulong ang ipinapakitang suporta ng komunidad ng UP para mabigyan sila at mismong si Lordei ng lakas para maigpawan ang kritikal na kondisyon.

Ibinalita ng ina na nagising na umano si Lordei. Binigyan siya ng mga doktor sa Capitol Medical Center ng anim na buwan para makarekober. Kung hindi, maaaring tuluyang di na maibalik ng estudyante ang dating brain functions.

“Alam ko ang ipinaglalaban ng anak ko, at sinusuportahan ko siya,” sabi ni Connie, patungkol sa pagiging aktibista ng anak. Ibinahagi ng ina ang pagkakakilala niya kay Lordei, na aniya’y palatanong at uhaw sa kaalaman noong bata pa.

“Pareho kami ni Lordei. Magkaiba lamang ang aming pamamaraan,” sabi pa niya.

Sa programa, nag-alay sina Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Aki Merced ng League of Filipino Students (LFS) ng mga awitin para kay Lordei.

Matapos ang programa, nagsagawa sila ng candle lighting sa harap ng Vinzons Hall para kondenahin ang nangyaring krimen at nanawagan ng pagpapanagot sa mga may kasalanan sa krimen.

Samantala, naniniwala naman ang Kilos Na, isang alyansang nangunguna sa kampanya kontra sa kaltas-badyet ng UP at sektor ng edukasyon sa pambansang badyet ng gobyerno, may direktang ugnay ang kaltas-badyet ng UP sa kakulangan ng seguridad sa kampus.

“Partikular sa UP, tulad rin sa iba pang state universities at colleges (SUCs), maiuugat ang kakulangan sa pisikal at modernong seguridad ng pamantasan sa sunud-sunod na pagkaltas sa badyet sa edukasyon ng gobyernong Noynoy Aquino,” pahayag ng Kilos Na.

Malaking porsiyento umano ng kaltas-badyet ay nasa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at Personnel Services (PS), na pinagkukunan ng pondo ng mga pamantasan para sa seguridad ng kampus at komunidad.

“(P)ara sa taong ito, bumagsak mula P82-Milyon tungong P69-M ang inilaan para sa seguridad (ng SUCs),” sabi pa ng grupo.

Sinabi naman ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (Stand-UP), pampulitikang alyansa sa UP na kinabibilangan ni Lordei, na dahil sa mga kaltas-badyet, nabawasan ang security guards ng UP. Ngayong taon, mayroon na lamang 234 guwardiya ang kampus sa Diliman, mula sa dating 302 noong nakaraang taon.

Sinabi ng Kilos Na na bagamat nakapaglagay ang administrasyon ng UP ng ilang  modernong kagamitan panseguridad sa ilang pasilidad sa kampus, hindi pa rin sapat ang pisikal na presensiya ng mga guwardiya, dahil na nga umano sa budget cuts.

Sa pagkakasulat ng artikulo, nakakulong pa rin ang suspek na si Dan Mar Vicencio, 38 anyos, na nahuli ng guwardiya sa Vinzons Hall matapos ang krimen. Nabawi mula sa kanya ang bag na may dalawang laptop computer at isang ice pick.

Patuloy pa rin na pinaghahanap ng awtoridad ang mga kasamahan umano ni Vicencio na nakatakas matapos ang krimen.