‘Espesyal’ na pagtrato kay GMA kinondena


Sinugod ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at iba pang militanteng organisasyon ang Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City upang igiit na ilipat si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ordinaryong kulungan.

Pinawawakasan nila ang "espesyal na pagtrato" ng administrasyong Aquino kay Gloria Arroyo. (Pher Pasion)
Giit ng Gabriela at iba pang militanteng grupo, dapat na kagyat nang ilipat sa tunay na kulungan si dating pangulong Gloria Arroyo, hindi sa ospital. (Pher Pasion)
Giit ng Gabriela at iba pang militanteng grupo, dapat na kagyat nang ilipat sa tunay na kulungan si dating pangulong Gloria Arroyo, hindi sa ospital. (Macky Macaspac)

Sinugod ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at iba pang militanteng organisasyon ang Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City upang igiit na ilipat si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ordinaryong kulungan.

“Nararapat lamang na sa kulungan ipiit si Gloria at hindi sa ospital,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Isinagawa ng mga militante ang pagsugod sa VMMC isang linggo matapos pahintulutan ng korte, nang walang pagtutol mula sa mga tagausig ng administrasyong Aquino, ang pananatili ni Arroyo sa naturang ospital.

Nahaharap sa kasong electoral sabotage si Arroyo. Iginiit ng kanyang mga abogado ang pananatili ng dating pangulo sa VMMC dahil sa samu’t saring sakit na idindadaing umano ni Arroyo.

Ikinagagalit umano ng grupo na sa kabila ng lahat ng “pagkunwari” ng administrasyon ni Benigno Aquino III upang panagutin si Arroyo, binibigyan pa ito ng espesyal na pagtrato at hindi sa pagpapanagot sa kanyang mga krimen.

Pinawawakasan nila ang "espesyal na pagtrato" ng administrasyong Aquino kay Gloria Arroyo. (Pher Pasion)
Pinawawakasan nila ang "espesyal na pagtrato" ng administrasyong Aquino kay Gloria Arroyo. (Macky Macaspac)

Ayon naman sa Gabriela, sa halos 10 taon ni Arroyo’y “ginatasan” nito ang kaban ng bayan, pumatay sa mga tumutunggali sa kanyang mga polisiya, at binulag tayo sa dayaan tuwing eleksiyon. Gayunpaman, nananatili siya sa ospital at hindi sa kulungan kung saan siya nararapat, ayon sa grupo.

Dagdag pa ng KMU, ang espesyal na pagtrato kay Arroyo ay nagpapakita na ang impeachment trial ni Corona, na suportado ng administrasyong Aquino, ay hindi para sa pagpapanagot sa mga krimen ni Arroyo.

“Ang tunay na interes ni Aquino sa impeachment trial ni (Chief Justice Renato) Corona ay sa interes niya sa Hacienda Luisita at wala sa sinseridad upang panagutin si Arroyo. Ito ay tungkol sa pagkontrol sa Korte Suprema at pagpapataas ng ratings. Ito ay tungkol sa panlalansi sa publiko sa kanilang lumalalang kondisyon. Ito ay tungkol sa paglilikha ng Korte Suprema na magpapanatili sa Hacienda Luisita sa kamay ng mga Cojuangco-Aquino,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Noong Nobyembre 2011, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema, sa pangunguna ni Corona, na ibasura ang temporary restraining order na pumipigil sa Presidential Agrarian Reform Council na ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid na nagbubungkal ng lupain dito. Matapos nito, noong Disyembre 2011, mabilis na kumilos ang mga kaalyado ni Aquino sa Kamara na ipasa ang impeachment complaint laban kay Corona.

“Kanina, aksiyon kaagad ang mga pulis sa paghuli sa nagsulat sa pader, pero bakit yung nasa loob na nagnakaw ng bilyung-bilyong piso at pumatay ng mga mamamayan ay hindi nyo maaksyunan at ikulong,” diin ni Crisostomo, nang tangkaing hulihin ng mga pulis ang mga kabataang sinasabi nilang nagsulat ng “Gloria Ikulong sa harap ng VMMC.

Nanawagan ang Anakbayan na ikulong ang dating pangulo sa pagkakasangkot nito sa multi-milyong pisong eskandalo sa korupsiyon, mga kasong ng extra-judicial killings at mahigit 200 kaso ng pagdukot ng mga militar.

“Habang patuloy ang pag-usig kay Corona, huwag kalimutan ni Aquino at ipaalala natin na ang tunay na isyu dito ay ang mga krimen ni Arroyo gaya ng electoral sabotage, plunder, at paglabag sa karapatang pantao,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Nanawagan si Linaban na manatiling mapagmatyag at huwag malansi sa nagaganap na impeachment trial gaya ng nais mangyari ng mga kampo nina Aquino at Arroyo.

Bago magtapos ang programa, tinangkang buwagin ng mga pulis ang mga nagpoprotesta nang simulan ng mga itong itulak sa bangketa ang mga nagrali. Subalit agad na pumagitna sa negosasyon ang mga lider ng mga grupo at mapayapang umalis ang mga nagprotesta pagtapos ng programa.