Unang hakbang sa pagpapanagot sa rehimeng nakaraan

January 17, 2012

Mga hukom na senador, sa unang araw ng paglilitis kay Chief Justice Renato Corona. (Pher Pasion)

Mga hukom na senador, sa unang araw ng paglilitis kay Chief Justice Renato Corona. (Pher Pasion)

Ang pag-usad ng paglilitis kay Chief Justice Renato Corona ay maituturing na isang malaking tagumpay, at unang hakbang sa pagpapanagot sa nakaraang rehimeng Arroyo.

Ito ang palagay ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño, isa sa mga kongresistang nagmatyag sa unang araw ng impeachment trial laban kay Corona. Kabilang ang kapartido ni Casiño na si Bayan Muna Rep. Neri Javier Colmenares sa mga prosecutor ng Kamara na magpiprisinta ng mga ebidensiya ng mga anomalya diumanong kinasangkutan ni Corona, kabilang ang di-paglantad sa publiko ng mga “tagong yaman,” pag-abuso sa kapangyarihan ng Korte Suprema, lantad na pagkiling sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at iba pa.

“Tayo ay nagagalak na umusad na ang trial at were on our way na mapananagot si Chief Justice Renato Corona sa kanyang paglabag sa Konstitusyon, paglabag sa tiwala ng mga mamamayan,” sabi ni Casiño, sa isang video report na in-upload niya sa social networking site na Facebook, matapos ang mahigit isang-oras-at-kalahating unang sesyon ng impeachment court.

Sinabi ni Casiño na nagtagumpay ang prosekusyon na maibasura ang ilang mosyong pabor kay Corona, kabilang ang mosyon na kumukuwestiyon sa paglalagda ng mga kongresista sa impeachment complaint laban sa Chief Justice, at pati ang maagang pagsiwalat ng prosekusyon sa ilang ebidensiya ng diumano’y mga katiwalian ni Corona.

Kasabay ng unang araw ng makasaysayang impeachment trial, daan-daang mamamayan ang nagmartsa patungong Senado.

Pinangunahan ng alyansang Gloria Panagutin! Movement at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kasama ang iba pang progresibong grupo sa ilalim nito, ang nasabing pagkilos. Nakiisa rin ang aktibistang theater actor na si Mae Paner (“Juana Change”) sa programa sa bungad ng Senado kung saan hinarang ng mga kapulisan ang rali.

Inilinaw ng mga grupo na kasabay ng panawagang mahatulan si Corona ang pagpapakulong sa dating Pangulong Arroyo na kasalukuyang nahaharap sa kasong electoral sabotage. Subalit diin ng grupo, kailangang managot ang dating pangulo sa mas mabibigat na kaso tulad ng paglabag sa karapatang pantao at korupsiyon.

“Kailangan din nating itulak ang administrasyong Aquino na magpakita ng determinasyon at political will para mapanagot si Arroyo sa malalalang krimen tulad ng pandarambong, korupsiyon at paglabag sa karapatang pantao na naganap sa ilalim ng kanyang administrasyon,” diin ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Sinabi ni Mariano na malinaw na ang pagkakatalaga ni Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ay hakbang ni Arroyo para maprotektahan ang kanyang sarili laban sa pag-uusig sa kanyang mga kaso laban sa mga mamamayan.

“Habang nakamatyag tayo sa unang araw ng pagdinig ng Senado sa impeachment trial ni Corona, huwag nating kalimutan ang higit nating mithi na maiharap si Gloria Arroyo sa hustisya. Bilang dating Pangulo, nakay Arroyo ang pinakamalaking pananagutan at dapat siyang managot sa lahat ng kanyang kasalanan,” ani Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Kasabay nito, inilantad ng mga grupo ang iba pang motibo sa pagpapatalsik kay Corona sa puwesto. Isa na rito ang pagkontrol umano ng administrasyong Aquino sa Korte Suprema upang mapanatili sa pamilyang Cojuangco-Aquino ang Hacienda Luisita sa Tarlac.

“Si Corona ay isang malaking hadlang sa pagpapanagot kay Arroyo, subalit kailangang ipaalala sa mga mamamayan sa masamang balak ni Aquino na kontrolin ang Korte Suprema,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang-kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Sinabi naman ng Kalipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) na “ultimong layunin” umano ni Aquino ang “makuha ang kontrol sa Korte Suprema” upang ikambiyo ang mga desisyon ng hudikatura na taliwas sa kanyang interes, lalo na ang desisyong ipamahagi ang pag-aari niyang Hacienda Luisita sa mga benepisyaryo nito.

Kasabay nito, inilunsad ng mga kabataan sa pangunguna ng Kabataan Party-list ang “#i-monitor” upang subaybayan ang pagpapanagot kay dating Pangulong Arroyo at ang mga naging kasabwat umano nya sa kanyang pagpapanatili sa puwesto, kabilang ang Punong Mahistrado.

Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, marapat na maging mpagmatyag ang mga kabataan at ang mga mamamayan upang mapanagot ang dating pangulo at ang kanyang mga kasapakat niya. Pero dapat bantayan din nila ang ang maaring hakbangin ni Aquino sa pagtatalaga ng kanyang “sariling Supreme Court.”

Kinabibilangan ito ng mga estudyante sa abogasya, National Union of People’s Lawyers (NUPL) at ang Department of Social Sciences ng University of the Philippines-Manila.

“Ang rebelasyon ng World Bank tungkol sa kuwestiyunableng paggastos ng Korte Suprema sa pondo ng World Bank para sa proyekto ay nagpapakita na isa sa mga kuwestiyunableng praktis sa Korte Suprema. Ang nililitis dito ay hindi lamang ang Punong Mahistrado kundi ang Korte Suprema bilang institusyon,” ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang-kalihim ng Bayan.

Sinabi pa ni Reyes, na kung napapanagot natin ang mga presidente at mga mambabatas sa korupsyon, gayundin dapat sa lahat ng mahistrado at hindi lamang ang Chief Justice.

May ulat ni Emilyn Nuñez

Ilan sa mga larawan ng unang araw ng impeachment trial ni Corona:

Pinangunahan ni Sen. Edgardo Angara (foreground) ang dasal para sa pagbubukas ng unang pagdinig ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona. (Pher Pasion)

Pinangunahan ni Sen. Edgardo Angara (foreground) ang dasal para sa pagbubukas ng unang pagdinig ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona. (Pher Pasion)

Ang nasasakdal: Chief Justice Renato Corona, na dumalo sa unang araw, kasama ang kanyang asawa. (Boy Bagwis)

Ang nasasakdal: Chief Justice Renato Corona, na dumalo sa unang araw, kasama ang kanyang asawa. (Boy Bagwis)

Ang prosecution team mula sa Kamara, kasama ang mga private prosecutor. (Pher Pasion)

Ang prosecution team mula sa Kamara, kasama ang mga private prosecutor. (Pher Pasion)

Ang defense team ni CJ Corona. (Boy Bagwis)

Ang defense team ni CJ Corona. (Boy Bagwis)

"Civil" umano ang naging pagbati ng mga miyembro ng prosekusyon at depensa bago magsimula ang unang pagdinig ng impeachment trial. Nasa kanan ang dating Associate Justice ng Supreme Court at pinuno ng defense panel na si Serafin Cuevas, kasama ang pinuno ng prosecution team na si Iloilo Rep. Niel Tupas. (Senate PRIB)

Sa labas ng bulawagan ng Senado, hinarang ng mga pulis ang kilos-protesta ng Gloria Panagutin! Movement at Bagong Alyansang Makabayan, laban kay dating pangulong Arroyo at Chief Justice Renato Corona. (Gregorio Dantes Jr.)

Bahagi ng pagtatanghal sa kilos-protesta ni Juana Change (Mae Paner), bilang maralitang lungsod na dinemolis ang bahay -- habang si Corona umano'y may "45 pag-aari". (Pher Pasion)

Bahagi ng pagtatanghal sa kilos-protesta ni Juana Change (Mae Paner), bilang maralitang lungsod na dinemolis ang bahay -- habang si Corona umano'y may 45 real-estate properties, ayon sa prosekusyon. (Pher Pasion)

Nagbabala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa posibilidad na mailagay sa Korte Suprema ang bagong  punong mahistrado na "sunud-sunuran kay PNoy" (Pangulong Aquino).  (Macky Macaspac)

Nagbabala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa posibilidad na mailagay sa Korte Suprema ang bagong punong mahistrado na "sunud-sunuran kay PNoy" (Pangulong Aquino). (Macky Macaspac)

Malinaw sa kanilang plakard ang hatol ng nagprotestang mga mamamayan sa nasasakdal na Punong Mahistrado na si Renato Corona.  (Macky Macaspac)

Malinaw sa kanilang plakard ang hatol ng nagprotestang mga mamamayan sa nasasakdal na Punong Mahistrado na si Renato Corona. (Macky Macaspac)