Mga estudyante ng UP, nakaranas muli ng panghaharas ng militar

January 29, 2012

Press conference ng iba't ibang sektor ng UP para kondenahin ang panghaharas ng militar sa mga estudyante ng pamantasan. (Pher Pasion)

Press conference ng iba't ibang sektor ng UP para kondenahin ang panghaharas ng militar sa mga estudyante ng pamantasan. (Pher Pasion)

Muling nagulantang ang komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City sa bagong kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa tatlong mag-aaral nito sa kamay ng pinaghihinalaang mga militar sa Porac, Pampanga nitong ika-21 ng Enero.

Sa press conference na ginanap sa Quezon Hall ng UP Diliman, isinalaysay ni Rafael Antonio Dulce ang kanilang karanasan sa kamay ng hinihinalang mga miyembro ng militar nang sila’y interogahin nang masalubong sila sa kanilang paglalakad patungo sa Barangay Kamias.

Si Dulce at ang tatlo pa niyang kasamahan ay pawang mag-aaral sa College of Social Work and Community Development. Nasa field work sila noon bilang rekisito sa kanilang kinukuhang kurso noon pang Hulyo at Disyembre noong nakaraang taon sa komunidad ng mga Aeta sa Brgy. Planas Porac, Pampanga.

“Inisip ko na noon na iyon na ang katapusan namin. Naramdaman ko talaga na napaka-hopeless na wala kang magawa kahit na gusto mong lumaban. Walang epekto kahit na sabihin o makipagdebate ka pa tungkol sa iyong karapatang pantao,” kuwento ni Dulce sa Pinoy Weekly.

Sinabi pa ni Dulce na marami na siyang nabasa at narinig na kuwento pero iba pa rin umano ang pakiramdam noong siya na ang nandoon sa sitwasyong iyon.

Ayon kay Dulce, sinita sila ng tatlong di-unipormadong lalaki na nagpakilala bilang mga kawani ng Department of Public Works and Highways Region 3 sa pagpunta nila sa Brgy. Kamias katanghalian noong ika-21 ng Enero.

Ininteroga sila ng nagpakilalang Paul at sa bandang huli sinabihan sila na mga miyembro raw sila ng rebeldeng New People’s Army. Kahit na anong paliwang nila ay ibinilad sila sa init ng araw ng mahigit isang oras. Si Dulce naman ay hinamon ng suntukan ng isa at itinulak-tulak hanggang sa dulo ng bangin. Kinunan pa sila ng litrato sa cellphone at tinangkang kunin ang bag ni Dulce.

“Bumigay na ‘yung isang kasama ko sa sobrang takot at humagulgol ng iyak. Tinangka kong mag-text doon sa isang kasama namin na naiwan sa barangay tungkol sa nangyari sa amin pero tinulak na ako hanggang sa bangin. ‘Yung mga nagdaraan binantaan din na umalis na sila kung ayaw nilang madamay,” salaysay ni Dulce.

Tugon ng UP

Ikinalarma naman ng komunidad ng UP ang pangyayaring ito. Habang patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawang UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, panibagong atake na naman nakaranasan ng mga mag-aaral ng UP.

Sina Karen at She ay pinaniniwalaang dinukot ng mga elemento ng militar sa Bulacan at hindi pa nakikita sa kasalukuyan kung saan pangunahing suspek na si Ret. Major Gen. Jovito Palparan na kasalukuyang pinaghahanap ng batas.

“Hindi natin hahayaan na mapalampas na lamang ang ganitong pangyayari. Kailangang imbestigahan ito at mapanagot ang mga may pagkakasala,” ayon kay Alfredo Pascual, presidente ng UP, sa panayam ng Pinoy Weekly.

UP Pres. Alfredo Pascual at Anton Dulce, isa sa mga estudyante na hinaras ng miltiar sa Pampanga. (Pher Pasion)

UP Pres. Alfredo Pascual at Anton Dulce, isa sa mga estudyante na hinaras ng militar sa Pampanga. (Pher Pasion)

Sinabi ni Pascual na kailangang respetuhin ng mga nasa awtoridad ang karapatang pantao. Suportado ito ng komunidad ng UP kung sino man ang mapatunayang nagkasala sa insidenteng ito aniya.

Ayon naman kay Mykel Andrada, propesor sa UP at presidente ng All-UP Academic Employees’ Union, nagiging iba na ang tingin sa mga taga-UP kung saan hindi na halos ineenganyo ang mga mag-aaral sa Unibersidad dahil sa mga insidenteng tulad nito.

Ayon kay Dulce, maaring hindi nagkataon ang nangyari sapagkat ilang buwan na silang naroroon at maraming Citizen Armed Forces Geographical Units o CAFGUs sa komunidad na kanilang tinutuluyan at sila ay minamanmanan sa dahilan sila ay taga-UP.

Nakakaalarma ayon kay Andrada, sapagkat lehitimong bahagi ng kurikulum ng mga kurso ang pagpunta sa kanayunan para maisapraktika ng mga mag-aaral ang kanilang natutunan.

“May pagtatangi sa UP students ang mga militar at nakalungkot ito. Ang community work ay bahagi ng academic requirement dito sa UP. Maging ang College of Medicine halimbawa ay may requirement sa kanilang mag-aaral na magkaroon ng community medical work,” ayon kay Krissy Conti, student regent ng UP.

Maging si Andrada ay nakararanas umano ng panghaharas ng mga militar sa tuwing pumupunta siya sa kanayunan tulad ng nangyari sa kanila sa kanilang basic masses integration sa Nueva Vizcaya noong nakaraang taon. Aniya, nasa labas ng UP ang sistematikong karahasan ng estado kaya laging naririyan ang banta.

“Hindi lamang natuto ang mga mag-aaral sa teorya. Laging kailangan ng praktika kung saan lehitimong bahagi ng akademiko ang lumubog ang mga mag-aaral sa aktuwal na kalagayan ng mga nasa kanayunan,” ani Andrada.

Hindi lamang laban ng UP

Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, hindi lamang laban ng UP ang mga karahasang nagaganap sa kanayunan, at di lamang sa mga estudyante ng UP kundi maging sa ordinaryong mga mamamayan na nagiging biktima ng militarisasyon.

“Ang mga programa ng UP tulad ng sa Department of Community Development ay  nagpapatuloy upang maging makahulugan ang pag-unawa at pagtugon sa mga problemang panlipunan. At ang Armed Forces of the Philippines ay dinidirekta ang karahasan sa mga programang ito ng UP. Ipinakikita lamang ng militar ang kanilang anti-pag-unlad at anti-kapayapaan,” sa pahayag ng Anakbayan.

Ibinahagi naman ni Conti ang iba pang mga kaso ng mga estudyante ng UP tulad nila Karen at She, Maricon Montajes ng College of Mass Communication na hinuli sa Batangas at kasalukuyang nakapiit bilang isa sa pinakabatang bilanggong pulitikal, si Ericson Acosta na hinuli sa Samar at James Balao na dinukot sa Benguet ay pawang nagmula sa UP.

Nanawagan din si Conti sa pagtulong sa paghahanap kay Palparan upang mabigyang hustisya ng pagkawala nila Karen at She. Sinabi ni Conti na mahigit silang 50,000 na nakakalat sa buong bansa at tutulong sa paghahanap kay Palparan upang madala sa bilangguan.

Isang House Resolution No. 2055 naman ang inihapag ng Kabataan Party-list sa Kamara upang tumulong ang mga kongresista sa paghahanap kay Palparan at huwag hayaang sa kanilang distrito magtago ang heneral.