Mabagal na pag-usad ng impeachment trial, napuna

January 31, 2012

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares (kaliwa), miyembro ng House Prosecution Team, at Marikina Rep. Miro Quimbo, isa sa mga tagapagsalita ng House Prosecution Team. (Pher Pasion)

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares (kaliwa), miyembro ng House Prosecution Team, at Marikina Rep. Miro Quimbo, isa sa mga tagapagsalita ng House Prosecution Team. (Pher Pasion)

“Usad-pagong.”

Ganito isinalarawan ni Bayan Muna Rep. Neri Javier Colmenares, miyembro ng House Prosecution Team, ang magda-dalawang-linggo nang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Nagbahagi si Colmenares, kasama si Marikina Rep. Miro Quimbo na isa sa mga tagapagsalita ng House Proseuction Team, ng ilang obserbasyon sa naturang mga pagdinig, sa isang porum na inisponsor ng Gloria Panagutin Movement at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa College of Law ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong Enero 28.

“Tumatakbo ang impeachment trial na parang kaso ng Maguindanao Massacre sa bagal ng proceedings. Sangkatutak ang objections,” ani Colmenares.

Sinabi pa niyang pawang umiikot ang proceedings sa legalidad at naabuso ang legal na mekanismo ng paglilitis. Pero sinabi ni Colmenares, hindi maintindihan ng mga mamamayan ang mga teknikalidad na ito, kahit na sila ang may “pinakamahalagang papel” sa impeachment trial na ito dahil isa sa kinakaharap na kaso ni Corona ay betrayal of public trust o pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Sa ganito aniya, “dehado ang taumbayan” at “(may) bentahe ang kampo ng depensa.”

“Laging inihihiwalay ang taumbayan. Maliban sa lengguwaheng ginagamit, nariyan pa ang mga legal at administrative terms. Kung hindi na naiintindihan ng publiko ang nangyayari, paano sila makakapaghusga sa tinatakbo ng proceedings? Mawawala ang esensiya ng impeachment trial na maging bahagi ang publiko,” ayon naman kay Quimbo.

Inilatag ni Quimbo ang kahalagahan at kaibahan ng paglilitis sa Chief Justice na hindi tulad ng ehekutibo at ibang halal na mga opisyal na nanatili lang sa pwesto ng anim na taon. Ang Punong Mahistrado, aniya, ay nananatili hanggang sa panahon ng kanyang pagreretiro.

“Kapag nawalan ng tiwala ang mga mamamayan sa Korte Suprema, ilalagay ng mga mamamayan ang batas sa kanilang mga kamay,” ani Quimbo, sa wikang Ingles.

Rep. Colmenares: Taumbayan pa rin ang magpapanalo sa impeachment trial kontra Corona. (Pher Pasion)

Rep. Colmenares: Taumbayan pa rin ang magpapanalo sa impeachment trial kontra Corona. (Pher Pasion)

Inamin naman nina Colmenares at Quimbo ang hirap na dinaranas ng prosekusyon sa unang linggo ng paglilitis. Karamihan umano sa kanila’y hindi aktibong mga abogado dahil ipinagbabawal sa Saligang Batas ang pagiging practicing lawyer ng mga kongresista at hindi katulad nila dating Associate Justice Serafin Cuevas na isinasapraktika ang pagiging abogado araw-araw.

Dagdag pa dito, anila, ang pagdedesisyon ng Senado na hindi pagbabor sa kanila sa ilang pagkakataon, kaya kinailangang mag-adjust ng mga stratehiya sa laman ng articles of impeachment.

“Bagama’t hirap at naging mabagal ang takbo, nagawa nating mailabas ang ilang esensiyal na ebidensiya,” ayon kay Colmenares.

Mamamayang mapagpasya

Naging mainit naman ang suporta ng iba’t ibang grupo sa prosekusyon sa pagpapanagot kay Corona sa pagbubukas ng programa sa mga dumalo sa nasabing porum.

“Natutuwa kami sa mainit na suporta ng publiko sa ating kampanyang patalsikin si Corona sa puwesto at panagutin si Gloria Arroyo. Bagamat hindi ito automatikong nangangahulugan ng pagpaparusa kay Corona sa Senado,” ayon kay Fr. Joe Dizon, isa sa mga tagatipon ng Gloria Panagutin! Movement.

Naging tampok ang kahalagahan ng pagpapanagot kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at pagbabantay sa maaaring gawing hakbang ni Pangulong Aquino para “makontrol” ang Korte Suprema kapag napatalsik si Corona sa puwesto.

“Binabantayan natin ang konteksto ng impeachment trial para sa pagbabagong panlipunan. Hindi tayo umaasa na sa magtatapos kay Corona ang laban sa korupsiyon,” ayon kay Gary Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Dagdag ni Martinez, kailangan mapagbantay ang mga mamamayan sa pagkakaroon ng isang Korte Suprema na kumikiling naman sa kasalukuyang pangulo.

Ayon naman kay dating Rep. Liza Maza ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan, ang impeachment trial ay hindi labanan ng prosekusyon at depensa. Laban umano ito ng mga mamamayan.

Sinabi ni Maza na hindi natatapos sa trial ang usapin sa katiwalian.

“Nakita natin ang pulitikal na istruktura ng naghaharing mga uri na kailangan nating harapin at yung limitasyon na meron ito. Masyadong legalista ang tinatakbo ng impeachment trial at hindi naiintindihan ng mayorya ng mga mamamayan. Gayunpaman, ano man ang kalalabasan (nito), ang mga mamamayan pa rin ang magpapasya sa interes nila,” sinabi ni Maza, sa panayam sa Pinoy Weekly.

Hamon sa prosekusyon

“Kailangang doblehin ng prosekusyon ang kanilang ginagawa para makuha nila ang tiwala at suporta ng publiko. May kakulangan pa sa public clamor ang tinatakbo ng impeachment trial at disappointing dahil may kabagalan ito,” ani Sonny Africa ng Ibon Foundation, sa panayam sa Pinoy Weekly.

Ayon pa kay Africa, malaking ang tiyansa na malayo sa impeachment trial ang mga mamamayan kung tatagal ito.

Kapansin-pansin din umano na “sinasamantala” ng Malakanyang ang impeachment trial upang mapagtakpan ang iba pang mahahalagang isyu lalo na sa ekonomiya meron ang bansa sa kasalukuyan.

“Kung mapapansin, halos kalahati ng releases ng Malakanyang ay tungkol sa impeachment trial,” ayon kay Africa.

Naging mahirap man sa prosekusyon ang unang dalawang linggo, nananatili pa rin ang optimismo sa panig ng prosekusyon.

Nagpahayag ang convenors ng Gloria Panagutin! Movement ng kanilang komitment sa pagsubaybay sa impeachment trial at mapakilos ang mga mamamayan upang masiguro na mapanagot si Corona at iba pang kasapakat ni Arroyo sa mga patung-patong umanong krimen at kaso laban sa mga mamamayang Pilipino.

“Maaaring nasa kanila ang pinakamagagaling na abogado sa kanilang panig, subalit nasa atin ang katotohanan. Basta kasama namin kayo – panalo tayo,” pagtatapos ni Colmenares.