Kabataan, nagprotesta vs taas-presyo ng langis, nakaambang taas-matrikula

January 26, 2012

Martsa ng kabataan mula Espana Avenue patungong Mendiola para ihayag ang kanilang pagtutol sa oil price hikes at pagtaas ng matrikula sa susunod na pasukan. (Pher Pasion)

Martsa ng kabataan mula Espana Avenue patungong Mendiola para ihayag ang kanilang pagtutol sa oil price hikes at pagtaas ng matrikula sa susunod na pasukan. (Pher Pasion)

Muling nagmartsa ang militanteng mga organisasyon ng kabataan sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila upang kondenahin ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at nakaambang pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan.

Pinangunahan ng Kabataan Party-list, Anakbayan, League of Filipino Students, National Union Student of the Philippines at College Editors Guild of the Philippines ang nasabing pagkilos. Dito, dala ang isang dragon na simbolo ng pantaboy sa mga “malas” sa taong ito para sa mga mamamayan gaya ng deregulasyon, pribatisasyon, at liberalisasyon.

“Sinalubong tayo ng bagong taon ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, at ang masasamang balita tulad ng implementasyon ng K+12 program at pagsasara ng ilang kurso sa kolehiyo. Ang nakamakailang marahas na demolisyon sa San Juan. Wala tayong inaasahang pag-unlad mula sa gobyerno saan mang aspekto ngayong taon,” pahayag ni Vencer Crisostomo,” pambansang tagapangulo ng Anakbayan.

Pahayag ni Mark Lui Aquino ng Kabataan sa mobilisasyon, sinasamantala ng malalaking korporasyon ng langis ang impeachment trial upang tuluy-tuloy na magtaas ng presyo, kasabwat ang administrasyong Aquino.

Kaalinsabay ng Chinese New Year, nagdala ang militanteng kabataan ng dragon sa Mendiola para umano "itaboy ang malas" na pagtaas ng presyo ng langis, mga bilihin at matrikula. (Pher Pasion)

Kaalinsabay ng Chinese New Year, nagdala ang militanteng kabataan ng dragon sa Mendiola para umano "itaboy ang malas" na pagtaas ng presyo ng langis, mga bilihin at matrikula. (Pher Pasion)

Tumaas nang tatlong beses ngayong buwan pa lamang ang presyo ng langis kasabay ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Ayon kay Crisostomo, napakaliit ng roll back na ipinatupad ng mga kompanya ng langis pagkatapos ng mga itong magtaas ng tatlong beses na aabot sa P2.70 na nagpapakita ng pang-aabuso at overpricing na ginagawa ng mga kompanya ng langis.

“Hindi makakain ng mga mamamayan ang impeachment. Dapat bigyan din ng atensiyon ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng langis, matrikula at mga bilihin. Ang problema, mukhang ginagamit pa ang impeachment trial para pagtakpan ang kawalan ng aksiyon,” dagdag ni Crisostomo.

Para naman kay Pauline Gidget Estella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng College Editors Guild of the Philippines, lumalabas na hindi kayang tugunan ng administrasyong Aquino ang kasalukyang kahirapan sa gitna ng pagtaas ng mga presyo.

“Ang ginagawa ng administrasyon ay patahimikin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pasismo at magpusturang uhaw sa pagbabago sa pagpapatupad ng mga popular na polisiya,” ayon kay Estella.

Kasabay ng pagtaas ng pangunahing mga bilihin, nagbabala ang mga kabataan sa nakaambang pagtaas ng matrikula ngayong taon. Tinatayang aabot sa 400 pribadong institusyon sa kolehiyo ang inaasahang magtaas muli ng kanilang matrikula ng aabot sa 15% , hindi pa kasali ang iba pang bayarin gaya ng miscellaneous fees, ayon sa mga grupo.

Ayon kay Isabel Baguisi, pambansang pangkalahatang kalihim ng National Union of Students of the Philippines, tulad ng ipinakikitang balangkas ng ekonomiya, hindi ligtas ang matrikula sa mga pagtaas na ito. Ang pagtaas ng mga bilihin ay nagpapagana lamang sa mga administrador ng pamantasan, dagdag pa niya.

“Nangako ang gobyerno ni Aquino na ire-regulate nito ang pagtaas ng matrikula at iba pang kuwestiyonableng mga bayarin noon nakaraang taon. Subalit tulad ng iba pa niyang mga pangako, wala sa aktuwal ang nangyari,” ayon kay Crisostomo.

Naghahanda ang mga kabataan para sa mas malalaking pambansang pagkilos sa mga susunod na mga linggo at nanawagan sa mga mamamayan na “pawalan ang dragon” at makibaka para sa tunay na pagbabago.

“Hindi na lang resolution ang kailangan sa bagong taon, kundi isang rebolusyon…isang malaking pagbabagong panlipunan,” pagtatapos ni Crisostomo.