Isang taon matapos ang trahedya: Hustisya, hangad ng kaanak ng mga biktima sa Eton

January 29, 2012

Nagtungo ang mga kaanak ng mga biktima ng trahedya isang taon matapos masawi ang 11 manggagawang nagtatrabaho sa konstruksiyon ng gusali ng Eton Properties. Hangad pa rin nila ang hustisya. (Kontribusyon)

Nagtungo ang mga kaanak ng mga biktima ng trahedya isang taon matapos masawi ang 11 manggagawang nagtatrabaho sa konstruksiyon ng gusali ng Eton Properties. Hangad pa rin nila ang hustisya. (Kontribusyon)

Nagmartsa patungo sa lugar ng aksidente sa Makati City ang mga kaanak at tagasuporta ng mga biktima ng aksidente sa konstruksiyon ng Eton Residences noong Enero 27. Ginunita nila ang ang aksidente na ikinamatay ng 11 manggagawa matapos bumigay at bumulusok ang gondolang kanilang sinasakyan.

Ipinanawagan nila ang hustisya at hiniling na managot ang manedsment ng Eton at mga kontraktor nito sa trahedya.

Dismayado din sila sa di paghabol umano ng administrasyong Aquino sa mga kompanyang lumalabag sa  kalusugan at kaligtasan sa loob ng pagawaan at nagsasantabi sa kaseguruhan sa trabaho.

“Kung ginagamit ni Pangulong Aquino ang kanyang kapangyarihan laban sa mga korap na opisyal ng gobyerno, bakit hindi niya ito gamitin laban sa mga lumalabag sa karapatan sa paggawa tulad ng Eton Properties?” tanong ni Anna Leah Escresa, isa sa mga convenor ng Justice for Eton 11 Network, organisasyon ng mga tagasuporta at kaanak ng mga biktima.

Kasabay ng protesta’t panawagan, muling isinampa ng mga kaanak ang kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide sa Makati Regional Trial Court.

Kasama sa muling kinasuhan sina Lucio Tan, tagapangulo ng Eton Properties; Danilo Ignacio, pangulo ng kompanya;  Guillermo Torres, project manager ng Arlo Aluminum;  Galo Leonardo, senior president  ng Arlo Aluminum; Ian Lester Agpoon, safety officer; Jason Rosete, project-in-charge ng Arlo Aluminum, at Eduardo Pinon, may-ari ng EPM Glazing.

Ayon kay Noel Colina, executive director ng Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad), bagamat naisampa noon ang kaso, ibinasura ito ng korte sa kabila ng pagtutol ng  dalawang pamilya ng mga biktima.

Isinampa ng mga kaanak sa Makati Prosecutors Office ang “manifestation with vehement opposition to motion to dismiss the case.” Ngunit ibinasura pa rin ang kaso na hindi umano ipinaalam sa mga kaanak ang pag-usad ng kaso.

Ilan sa mga kasong naisampa sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang wala pa ring resolusyon hanggang sa kasalukuyan.

Sinabi pa ni Colina na ang kaso ng mga manggagawa sa Eton ay patunay sa mapanganib na kombinasyon ng kawalan ng inspeksiyon sa mga lugar ng pagawaan at kawalang ngipin ng Occupational Health and Safety Standard.

“Una, sa halip na palakasin ang pangkat ng 300 labor inspectors na isinasalang sa 900,000 workplaces, itinatag ng Department of Labor and Employement (DOLE) sa bisa ng Deparmetn Order 57-2004 ang non- inspection,” aniya.

Paliwanag ni Colina, sa ilalim ng D.O 57-04, pinapayagan ang mga kompanya na mayroong 200 mangagawa na “magkusa” sa pagtatasa sa halip na dumaan sa komprehensibong inspeksiyon.

Dahil dito, naging malaya umano ang Eton Residences na gumamit ng “ilegal” na gondola na ikinamatay ng mga manggagawa.

“Sa kabila ng resulta ng DOLE sa National Capitol Region na lumabag ang Eton sa umiiral na safety standards, hindi ito pinarusahan. Parang wish list ang standard, sa halip na maging mahigpit na pamantayan upang maseguro ang kaligtasan ng mga manggagawa,” sabi pa ni Colina.

Ipinunto naman ni Escresa na ang tanging ginawa ng DOLE ay pagsasanay-pangkalusgan at pangkaligtasan sa mga manggagawa ng Eton Residences matapos maganap ang trahedya.

Binanggit pa ng grupo ang mga sunud-sunod na aksidente noong nakaraang taon. Kasama rito ang aksidente sa Keppel Shipyard sa Zambales; Megaworld sa Eastwood; SM sa General Santos; at ang landslide sa minahan sa Compostela Valley.

“Ang pagsasawalang-bahala ni Pangulong Aquino sa naganap na trahedya sa Eton ay nagbunga ng impunity sa mga pagawaan, dahil sinundan pa ito ng sunud-sunod na aksidente na ikinamatay at ikinasugat ng maraming manggagawa,” ani Escresa.