Ibangon si Oryang


Rebyu ng pelikulang “Ka Oryang” (Cinema One Originals & Kino Arts, 2011) | Dinirehe ni Sari Lluch Dalena, Istorya/Iskrip nina Sari Lluch Dalena at Keith Sicat | Tampok sina Alessandra de Rossi, Joem Bascon, Emilio Garcia, Angeli Bayani, Marife Necesito, Kalila Aguilos, Che Ramos, Alex Vincent Medina at Amable Quiambao

Alessandra de Rossi, bilang Oryang, doktor sa baryo na naging bilanggong pulitikal noong panahon ng batas militar. (Mula sa "Ka Oryang" Facebook page)
Alessandra de Rossi, bilang Oryang, doktor sa baryo na naging bilanggong pulitikal noong panahon ng batas militar. (Mula sa “Ka Oryang” Facebook page)
Rebyu ng pelikulang Ka Oryang (Cinema One Originals & Kino Arts, 2011)
Dinirehe ni Sari Lluch Dalena, Istorya/Iskrip nina Sari Lluch Dalena at Keith Sicat
Tampok sina Alessandra de Rossi, Joem Bascon, Emilio Garcia, Angeli Bayani, Marife Necesito, Kalila Aguilos, Che Ramos, Alex Vincent Medina at Amable Quiambao

Larawan ng pag-aalsa ng mga estudyante ang simula ng pelikulang “Ka Oryang.” At larawan talaga ito: mula sa aktuwal na imahen ng barikada, paggiit at pag-aaklas sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman ang mga eksenang ipinakita. Pati ang grain ng larawang kuha ng film camera. Pati ang anggulo ng mga larawan ng komuna sa Diliman, noong 1971, karamiha’y lumabas sa pahayagang Philippine Collegian noong panahong iyon.

Sa pagsisimula ng pelikula sa eksenang ito tiniyak ng mga filmmaker ang historical reference ng kuwento ni Oryang, ginanap ni Alessandra de Rossi. Alam din natin, mula sa sumunod na voice over, audio recording ng aktuwal na talumpati ng diktador na si Ferdinand Marcos, na batas militar ang sumunod dito. Pumula ang tabing, at naipamalas ang sunod na setting: ang kanayunan, kung saan tumungo si Oryang para maging doktor sa mga baryo (bagamat, palagay natin, hindi pa siya aktibista).

Magmula rito, inilapit tayo ng lente ng kamera sa mata, kutis, mukha, iba’t ibang bahagi ng katawan, ng ordinaryong mga tao sa baryong pinaglilingkuran ni Oryang. Hindi na mahalaga kung saan ito naganap; ang mahalaga’y napakitang dakila ang dating estudyante sa UP na ngayo’y doktor sa isang lugar na di na inaabot ng karaniwang mga doktor. Nakita natin ang pakikiugnayan niya sa isang matandang babae.

Kalauna’y nabisita siya ng isang lalaki. Matipuno at magalang ang lalaki: Nakita agad natin siya mula sa laki ng pagkakakuha (hindi inilapit ang lente sa isang maliit na bahagi ng katawan tulad ng ginawa sa mga pasyente ng Oryang). Ginawa ito marahil para agad nating hangaan siya. Matipuno siya, at agad na nagustuhan ni Oryang, at gumagalang sa matanda. Inaasahan nating dito na nagsimula ang pagmamahalan nila. Inaasahan lamang, pagkat kakaunti lamang ang palitan ng salita. Nangusap ang kanilang mga kilos, at nagkaintindihan: Magsing-irog na sila, at nagtalik pa nang madaan sa isang ilog.

Ngunit may dakilang hangarin ang lalaki, nagngangalang Noli. May tungkulin siya sa lugar, sa bayan, sabi niya kay Oryang. Si Oryang, madaling nakumbinsi. Kung sabagay, pag-ibig ang pinakamahusay mangumbinsi. Niyakap na rin ni Oryang ang buhay-rebolusyonaryo ni Noli. Naghiwalay sila, pero nagbago na ang doktora: Tutulong siya sa isang misyong medikal ng mga taong-simbahan, habang babalik sa gawain niya sa kanayunan ang gerilyang si Noli.

Pero nababalot nga sa batas militar ang bayan, kung kaya di nagtagal ang pakikisangkot ni Oryang nang dakpin siya ng mga militar. Inihiwalay siya sa iba pa, ng nakatataas na opisyal-militar: Tiyak na mahalaga ang katungkulan ng doktora. Tinortyur at hinalay, kahit dala na sa sinapupunan ang anak ni Noli, nagdusa si Oryang sa kamay ng opisyal na ito. Ikinulong siya kasama ang mga kapwa babaing bilanggo. Hinalay, pinahirapan at pinagkakaitan ng karapatan, hindi maiwasang nagkausap ang mga babae, at nagkabuklod, hanggang dumulo sa isang pag-aayuno para igiit ang kanilang karapatan. Pero siyempre malupit ang militar: lalo silang pinahirapan. Samantala, lingid sa kaalaman ni Oryang, nahuli rin ang kasintahang si Noli, ng parehong nakakataas na opisyal ng militar.

Magwawakas ang paghihirap ni Oryang nang palayain siya, bitbit ang anak na pinanganak sa kulungan. Walang paliwanag. Bago nito, isang archival footage ng pagbisita ni Marcos sa komunistang Tsina ang ipinakita. Ang mga Marcos, nagtatangkang amuin ang isang dakilang komunista, samantalang dinadahas naman ang mga binibintangang komunista sa sariling bansa.

Nagwakas ang istorya sa maaasahang paraan. Hindi na natin kailangang sabihin pa kung papaano.

Joem Basco bilang gerilyang NPA na si Noli.
Joem Basco bilang gerilyang NPA na si Noli.

Sa konteksto ng isang film festival kung saan ito ipinalabas, bukodtangi ang “Ka Oryang.” May naratibo ito, pero hindi naratibo ang nagdala sa pelikula. Masasabi nating serye ng mga larawan ang pelikula, mga larawang maayos na inareglo, ginamitan ng wide-angle at macro lens at mababaw na depth of field, gayundin ng  pagpokus sa maliliit na detalye: sigarilyong nauupos, matang nabubulag, at iba pa. Serye ito ng mga larawang may mahuhusay na komposisyon. Minsan, epektibo ang artisitikong mga kuha, at bumabagay sa daloy ng naratibo, pero sa maraming pagkakatao’y nakakagulo sa atensiyon ng manonood.

Palagay nati’y kahinaan ito ng pelikula. Kung susukatin sa (palagay nating) panlasa ng madla, tiyak na mababagot ang marami sa kapapanood sa serye ng mga larawang ito. Pumasok sila sa sinehan para makakita ng gumagalaw na larawan. At, dahil sa pagkasanay sa telebisyon at Hollywood, hindi lamang bastang gumagalaw na larawan: kailangang palaging gumagalaw. Pero hindi ganoon ang “Ka Oryang”: Mabagal ang pag-usad ng mga larawan, mabagal ang pag-usad ng istorya. Repleksiyon kaya ito ng reyalidad, laluna sa mga probinsiya kung saan tila mas mabagal ang pag-usad ng buhay? Tanging mga filmmaker lamang ang makakapagsabi.

Gayunman, kung ang kuwento ang pag-uusapan, tiyak na nakaaangat ito sa iba: Hindi araw-araw na nakakabasa o nakakapanood ang madla ng kuwentong bumibida ang sa mga balita ay kontrabida: Ang mga gerilya ng New People’s Army. Sa “Ka Oryang,” simpatiko sila, mapagkalinga at dakila. At nakukumbinsi nila ang pinakamahusay at dalisay sa mga mamamayan para umanib sa kanila.

Si Oryang, bagamat hindi ganap na gerilya, ay personipikasyon ng kadalisayan ng karakter ng gerilya. Bago pa man narekluta ni Noli, mula sa mga eksena ng paggagamot sa baryo ay alam na nating mabuting tao siya. Kung nakukumbinsi ang mga tulad ni Oryang na isang mabuting tao na umanib o sumuporta sa rebolusyon, bakit hindi tayo makukumbinsi? Sa kanyang pagkakapiit, naipakita ang tapang niya sa harap ng pagsasamantala, sa harap ng pambubusabos. Gayundin ang iba pang babaing bilanggo, bagamat tila mas malupit ang militar (at ang filmmaker) sa karakter ni Angeli Bayani kaysa sa iba pang bilanggo.

Dakila sila, pero ano ang motibo nila sa paglaban? Si Oryang, ipinaglaban ang sariling karapatan, at ang mga kapwa bilanggo. At siyempre, ang pagmamahal niya kay Noli. Pero labas dito’y wala nang makikitang motibasyon ang babae. Ipinaglalaban kaya niya ang rebolusyon? Ang pambansa-demokrasya? Tutol ba siya sa diktadurang Marcos, at sa monopolisasyon ng iilan sa yaman at kapangyarihan sa bansa? Hindi naipaliwanag ng pelikula. Mananalig tayo kay Oryang dahil dalisay ang kanyang hangarin, mabait siyang tao, mapagmahal siya sa mga kapwa bilanggo’t kay Noli. Lohikal na isiping mahal din niya ang ipinaglalaban ng rebolusyonaryong nobyo. Pero hindi tayo sigurado.

Kung magpapakasapat tayo sa lantad na motibasyon ni Oryang, masasabi nating may kakitiran ito. Bitin, dahil bagamat batay sa pelikula’y maituturing na nating bayani ang mga rebolusyonaryo – kaiba sa representasyon sa kanila ng masmidya – hindi ito nakatulong para ipaliwanag kung ano ang ipinaglalaban nila. May naganap (at nagaganap) na rebolusyon sa kanayunan. Kahanga-hanga ang tapang, talino at komitment sa paglilingkod ng mga rebolusyonaryo. Pero ano, sa eksakto, ang ipinaglalaban nila? Bakit nasa kanayunan si Noli at ang rebolusyon? Bakit makatwiran ang pag-aaklas? Ano ang programa ng mga rebolusyonaryo para sa makabuluhang pagbabago ng lipunan? Sayang at hindi na ito naipasilip ng “Ka Oryang.”

Gayunman, marahil sinasabi ng mga filmmaker na hindi na niya tungkulin ang magpaliwanag sa rebolusyon. Nasa mga rebolusyonaryo na ang tungkulin, para ipaliwanag nila ang sarili nila, ang ipinaglalaban nila, ang mga motibasyon nila. Kahit papaano, sinasabi siguro ng pelikula, maipapakita natin ang kabutihan nila. At ngayon, sapat na iyun.

Kung ganoon nga ang kaso, nakakapanghinayang na oportunidad ang “Ka Oryang” para magpalalim, hindi lamang sa mga personal na katangian ng mga lumalaban, namumundok at nabibilanggo dahil sa kanilang pulitika, kundi sa mismong lohika ng pakikibaka. Ngayon, higit pa kailanman, kailangang nabibigyang linaw sa mga mamamayan ang lohikang ito, sa kabila ng masaklaw at maraming propaganda sa masmidya na nagpapabango sa namamayaning sistema.

Kailangan nating buhayin mula sa pagkasadlak sa lusak si Ka Oryang, at bumalik sa kanayunan, bitbit ang kanyang anak. At alamin kung bakit naroroon pa rin si Noli, bakit may digmaan doon.