DBM, kinondena sa ‘paglabag’ sa karapatan ng mga kawani ng gobyerno

January 21, 2012

Kabilang si Santiago Dasmarinas Jr., bise presidente ng Courage at presidente ng National Federation of Employees' Association of the Department of Agriculture, sa mga lumagda sa petisyon at nagprotesta laban sa mga sirkular ng DBM. (Kontribusyon)

Kabilang si Santiago Dasmarinas Jr., bise presidente ng Courage at presidente ng National Federation of Employees' Associations of the Department of Agriculture, sa halos isang libong kawani ng gobyerno na lumagda sa petisyon at nagprotesta laban sa mga sirkular ng DBM. (Kontribusyon)

Halos 1,000 empleyado ng gobyerno mula sa iba’t ibang ahensiya ang nagprotesta kamakailan sa harap ng tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Manila para kondenahin ang “pagtapak” diumano ng naturang kagawaran sa kanilang mga karapatan.

Kabilang sa inirereklamo nila ang pagpasa ng DBM  ng Circular Letter No. 2011-9 at Budget Circular 2011-5.

Sa mga sirkular na ito, nililimita ng DBMA ang insentibo na matatanggap ng mga kawani sa ilalim ng kani-kanilang mga Collective Negotiations Agreement (CNA). Itinakda rin ng DBM na kunin na lamang sa sariling savings ng mga ahensiya ang mga insentibo sa halip na maglaan mula sa General Approprations Act na siyang nakasaad sa Salary Standardization Law III.

“Malinaw na lumalampas si (DBM) Sec. (Florencio) Abad sa awtoridad niya. Maaga niyang naipapamalas ang marungis niyang mukha dahil sa ambisyon niya sa (susunod na) eleksiyon,” sabi ni Santiago Dasmarinas Jr., bise presidente ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage).

Sinabi pa ni Dasmarinas na malawakang tinututulan ito ng mga empleyado ng gobyerno. Posible umano silang magsampa ng class suit kung hindi iaatras ng administrasyong Aquino at DBM ang kanilang mga sirkular.

Kabilang sa lumahok sa naturang protesta ang mga empleyado at unyon mula sa sumusunod na mga ahensiya: Departments of Agriculture, Agrarian Reform, Social Welfare and Development, Trade, Tourism, Finance, Environment, Interior and Local Government, at Labor.

Kasama rin ang mga kawani mula sa Metro Manila Development Authority, National Food Authority, National Housing Authority, Bureau of Customs, National Printing Office, Senate at Sandiganbayan.