Pokus: Maricon Montajes at Taysan 3

December 2, 2011

Sila’y mga aninong tinipon sa masikip na sisidlan: sa makapangyarihan ay tinik sa lalamunan. Tinugis sila: hindi man sa anyo ng pagpaslang, ngunit sila’y iniligpit at isinumpang humimlay sa mga sulok na itinururing na libingan ng mga buhay.

Ngunit ayon sa Malakanyang, “walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.”

Ang mga bilanggong pulitikal, political detainee, o “poldet” ay yaong inaresto at idinetine para sa “mga gawaing kaugnay ng pagsusulong ng kanilang pampulitikang mga paniniwala.” Habang isinasampa sa ilan ang mga pulitikal na kaso gaya ng rebelyon o sedisyon, karamihan sa kanila ay sadyang sinampahan ng karaniwang mga kasong kriminal, na nagkakaila sa pulitikal na katangian ng kanilang pagkakapiit.

Ang POKUS:POLDET ay isang espesyal na seksiyon na laan ng Pinoy Weekly para sa mga sulatin ukol sa mga bilanggong pulitikal. Ito’y testimonya sa kanilang pag-iral at patuloy na pakikibaka – isang panata para sa kanilang pagpapalaya.

Pokus: Maricon Montajes at Taysan 3

Si Maricon "Eedom" Montajes habang kinakapanayam ng mga manggagawang pangkultura matapos ang pagdinig. (Kuha ni Concepcion Montajes)

Si Maricon "Eedom" Montajes habang kinakapanayam ng mga manggagawang pangkultura matapos ang pagdinig. (Kuha ni Concepcion Montajes)

Ang palayaw niya ay “Eedom, ” siyempre pa, mula sa Freedom. Pagkat Pebrero 25 siya ipinanganak — makasaysayang araw para sa sambayanang lumaya mula sa mahaba’t madilim na yugto ng diktadura.

Ngunit  ngayon, si Eedom ay nakapiit.

Sa Batangas Provincial Jail (BPJ), isa lamang si Maricon “Eedom” Montajes  sa pitong bilanggong pulitikal sa aabot sa 500 kabuuang bilanggo sa pasilidad. Inaresto si Eedom kasama nina Ronilo Baes, 20,  at Romiel Cañete, 23,  sa isang reyd ng Philippine Air Force (PAF) sa Taysan, Batangas,  ilang araw bago manumpa bilang bagong pangulo ng bansa si Noynoy Aquino noong Hunyo 2010.  Ang tinaguriang “Taysan 3” na ilan sa pinakabatang mga bilanggong pulitikal sa bansa ay sinampahan ng mabibigat na kasong kriminal — frustrated murder, homicide, illegal possession of firearms at paglabag daw sa  gun ban.

Mga sundalo ng PAF pabalik sa kampo matapos ang pagdinig ng Taysan 3. (Concepcion Montajes)

Mga sundalo ng PAF pabalik sa kampo matapos ang pagdinig ng Taysan 3. (Concepcion Montajes)

Si Ronilo ay tubong-Batangas habang si Romiel ay taga-Maynila.  Si Eedom na tila ba may nunal sa talampakan ay tubong-Davao, nag-aral sa UP Baguio at nitong huli sa UP Diliman, kung saan kumuha si Eedom ng kurso sa Pelikula sa UP College of Mass Communications. Naging aktibo siya sa organisasyong UP Sining at Lipunan (Silip).

Ayon kay Concepcion Montajes, nagtungo ang anak niyang si Eedom sa Batangas upang magsagawa ng pananaliksik sa mga komunidad ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan.  Interesado umano siya sa mga isyung panlipunan. Bilang estudyante ng komunikasyon, isa sa mga layon ni Eedom ang ipakilala ang iba’t ibang pamamaraan ng malikhang komunikasyon upang mag-ambag sa mga proyektong pangkaunlaran. Upang magawa ito, kailangan niyang lumubog at makipamuhay sa mga magsasaka upang matuto.

Mula sa karanasan, natutunan din ng Taysan 3 ang ibig sabihin ng pasismo.

Ang Taysan 3 -- Ronilo Baes, Romiel Canete at Maricon Montajes --  kasama ang iba pang inmates sa sasakyan ng BPJ sa byahe mula sa pagdinig sa RTC Rosario. (Concepcion Montajes)

Ang Taysan 3 -- Ronilo Baes, Romiel Canete at Maricon Montajes -- kasama ang iba pang inmates sa sasakyan ng BPJ sa byahe mula sa pagdinig sa RTC Rosario. (Concepcion Montajes)

Tanghali ng Nobyembre 16, 2011, gumayak ang Taysan 3 para sa iskedyul ng pagdinig ng kanilang kaso sa sangay ng Regional Trial Court sa bayan ng Rosario, mga 30 minutong biyahe mula sa syudad ng Batangas.  Ani Concepcion Montajes, ina ni Eedom, dumaan sa maraming pasikut-sikot ang legal na proseso ng kanilang kaso – mula sa paghanap ng abogado,  pagretiro at pagpapalit ng tatayong huwes sa mga kaso, pagbitiw ng kanilang abugado, pagkabalam at pagkakasenla ng mga iskedyul, at iba pang lubak sa tila tanggap nang napakabagal na pag-usad ng sinasabing gulong ng hustisya.

Matapos ang isa’t kalahating taon nila sa bilangguan, nagsimula sa wakas noong araw na iyon ang pormal na pagdinig ng kaso ng tatlong kabataan – pre-trial. Sa harap ng husgado, isinalaysay ng isang Sgt. Panding, kumander ng isang yunit sa ilalim ng 743rd Combat Squadron ng PAF ang detalye ng mga pangyayari sa araw ng pagdakip kina Eedom.

Sa labas ng korte, kasama ng sarhento bilang eskort ng mga detenido ang dalawang trak ng sundalo mula PAF.

Isang dyip naman ng mga boluntaryo mula sa Karapatan-Batangas ang nanindigan sa kanilang mga bitbit na paskil: “Palayain ang Taysan 3!”

Ngunit kahit sa loob ng bilangguan, maaliwalas ang mukha at disposisyon ni Eedom. Sa mga ipinadalang postcard sa labas ng piitan, pinamalas ni Eedom ang nakahahawang optimismo para sa mga kapwa-detenido pulitikal na sa kasalukuyan, maliban pa sa Batangas 7, ay bumibilang na sa mahigit 350 sa buong bansa:

“Pagpupugay, mga kasama sa katatagan at ahitasyon sa kabila ng mapanupil at marahas na pagyurak ng estado sa atin. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakakamtan ang kalayaan natin at ng buong sambayanan! Padayon!”

Ipapalabas ng Tanggol Bayi at Task Force Freedom ang pelikulang “ Ka Oryang” tampok si Alessandra de Rossi ngayong Disyembre 2, 2011, 7:30pm sa Cine Adarna (UP Film Center) UP Diliman. Bahagi ng kikitain sa palabas ay mapupunta sa Task Force FrEedom, legal na depensa at kampanya para sa pagpapalaya kay Maricon Montajes.  Para sa mga tiket (Php100) kontakin si Absie sa 09264647353.

Ang mga detenido sa loob ng sasakyan paalis ng BPJ patungo sa pagdinig sa RTC Rosario. Katabi ng sasakyan ang pader ng bilangguan. (Concepcion Montajes)

Ang mga detenido sa loob ng sasakyan paalis ng BPJ patungo sa pagdinig sa RTC Rosario. Katabi ng sasakyan ang pader ng bilangguan. (Concepcion Montajes)