Pagbaha ng Trahedya

December 24, 2011

Sinabi ni Karl Marx: History repeats itself, first as tragedy, second as farce. At ngayon, naulit muli ang trahedya na dulot ng baha at bagyo: dinaig ni Bagyong Sendong ang pinsala na dulot ng Bagyong Ondoy (Ketsana): mahigit 1,000 kumpara sa 747 na naitalang patay noong 2009.

Tatlong punto lamang habang nagpapatuloy ang relief operations ng pamahalaan at ng mga mamamayan:

1.  Hindi na dapat isantabi ang banta ng tinatawag na ‘extreme weather events’ na dala ng pagbabago ng ating klima. Matagal nang may fire at earthquake drill sa mga eskuwelahan at komunidad. Panahon na rin upang pag-aralan ang mga typhoon at flood drill, lalung-lalo na sa mga lugar na nasa peligro.

Ayon sa Citizens’ Disaster Response Center, ang bagyo at pagbaha ay kabilang sa pinakamadalas at pinakamalalaking disaster na tumatama sa bansa, kasunod ng sunog at armadong labanan. Hindi ito nakakapagtaka. Ang Pilipinas ay nasa Western Pacific Basin, kung saan nagmumula ang halos 20 bagyo kada taon; sa pagtatala, halos lima rito ay mapanganib o mapanira dahil sa lakas at ulan nito. Tinataya ng mga siyentista na dadalas at titindi pa ang mga bagyo dahil sa climate change.

Katulad ng Ondoy, ang trahedya ay dulot ng dami ng ulan na dala ng bagyo at ang nagresultang flash flood. Nasa tinatawag na floodplain ang Iligan at Cagayan de Oro (CdO); pinalibutan pa ng malalaki at matatarik na bundok. Dahil sa matinding buhos ng ulan sa mga kalbong kabundukan, mas mabilis na lumaki at tumagas ang tubig—tangay ang malalaking troso at putik—mula sa bundok, dadaan ng ilog hanggang sa karatig na patag, kung nasaan ang maraming komunidad ng maralitang tagalungsod.

Noong Enero 2009, binaha ang CdO dahil sa ‘di karaniwang lakas ng ulan. Ilang beses nang nagbababala ang mga siyentista at makakalikasang grupo na lubhang maaapektuhan ng baha ang siyudad. Dapat maging handa ang mamamayan; pero ang bigat ng sakuna ay lalaki pa kung patuloy na magiging pabaya ang pamahalaan.

2. Pinahintulutan ng gobyerno ang kawalan ng kahandaan sa kalamidad at sistematikong pagkakalbo ng kagubatan na nasa puno’t dulo ng trahedyang ito.

Hindi dapat isinasantabi ang epekto ng pagkakalbo sa ating kagubatan. Kapag umuulan, nasasalo at nasisipsip ng mga puno at halamang-gubat ang tubig. Kung mawala ang kagubatan, mas mabilis na lumalaki ang tubig na napupunta sa mga sapa at ilog. Ang malalaking troso ay matatangay rin ng tubig-baha upang manalasa sa mga bahayan na madadaanan nito.

Sa kanyang opisyal na pahayag hinggil sa Bagyong Sendong noong ika-20 ng Disyembre, sinabi ito ni Pang. Noynoy Aquino: Kailangan ko pong tanungin ang aking sarili (at araw-araw ko pong itinatanong ang aking sarili): sapat ba ang nagawa ng inyong pamahalaan para iwasan ang ganitong klaseng trahedya?

Tama lang na tanungin ng Pangulo ang sarili—araw-araw at oras-oras pa nga—kung ano ang naging pagkukulang ng gobyerno sa pagkakataong ito.

Palasak ang legal at ilegal na pagtrotroso sa lugar. Sa Hilagang Mindanao, pinahihintulutan pa rin ng pamahalaan ang pagtrotroso ng mga pribadong korporasyon sa pamamagitan ng anim na Integrated Forest Management Agreement (IFMA) na sumasakop sa 53,578 ektarya ng rehiyon. Kasama rito ang IFMA na ibinigay sa Vicmar Development Corporation ng ARMM, na may 3,340 ektarya sa karatig na Lanao del Sur at sa Southwoods Timber Corporation na may 11,476 ektarya sa Misamis Oriental, 120 kilometro mula sa CdO. Matagal na itong tinutulan ng mamamayan pero nagbulag-bulagan ang lokal at pambansang pamahalaan. Kahit na inaatasan ang mga korporasyon na magtanim ng punong-kahoy, madalas hindi pa rin ito ipinapatupad.

Laganap din ang kumbersiyon ng kagubatan upang gawing plantasyon ng pinya, jatropha, saging, at iba pang export crops, ayon sa maka-kalikasang grupo na Panalipdan Mindanao. Ayon sa mga pag-aaral mula sa National Institute of Geological Sciences, ang CdO ay lalong nagiging bulnerable sa baha dahil sa kumbersyon ng 2,000 ektarya ng kagubatan sa Upper Pulangi Watershed upang gawing  taniman ng pinya ng Del Monte Philippines—isa sa pinakamamaking exporter ng pinya sa buong mundo.

May kakapusan rin ang kasalukuyang patakaran. Nagpataw man ang administrasyong Aquino ng ‘log ban’ noong Pebrero, maraming pinahintulutang exemptions: maaaring magtroso pa rin sa mga plantasyon (tulad sa Hilagang Mindanao) at lugar para sa mga minahan.

Marahil ay nagsisisi rin ngayon ang Pangulo kung bakit hindi niya inaprubahan ang hininging P5 Bilyong badyet ng disaster preparation sa 2011 calamity fund; sinabi pa nga na marapat gamitin na lamang ang pera para tugunan ang mga aktuwal na kalamidad. Nagkatotoo nga ito; at ngayon ay lalong malulunod ang Pilipinas sa dayuhang pautang para maibsan ang epekto ng Sendong.

Kung tutuusin, simple lang naman dapat ang sagot sa tanong ng Pangulo kung ano ang dapat ginawa ng pamahalaan. Dapat hindi nito pinahintulutan ang pagbebenta ng ating likas na yaman sa malalaki at dayuhang korporasyon. Dapat hindi ito nagbulag-bulagan sa tumitinding pagkasira ng kalikasan. Dapat nagkaroon ng programa at badyet para tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan bago pa naging huli ang lahat.

3. Ang hamon ng paghahanda sa trahedya

Mahalaga ang siyensiya. Kung gagamitin ito sa wasto at maagap na paraan, mas maayos na matutukoy at matutugunan ang mga banta sa buhay ng mga mamamayan. Ipinakita ng trahedya na dapat lamang maging mas siyentipiko ang pagtugon ng pamahalaan sa mga disaster. Hindi laging sasapat ang  ayudang pang-relief at emergency, lalo na kung lagi namang binabagyo ang bansa. Dapat maging handa sa lahat ng antas—teknikal, pinansiyal, patakaran, edukasyon, at iba pa—at dapat may malawak na partisipasyon at boses ang mga mamamayan sa bawat yugto nito.

Pero hindi lang dapat magtapos sa disaster preparedness. Higit na mahalaga ang maka-kalikasan at maka-mamamayang pananaw at paraan ng pagtugon.

Malinaw sa kasalukyang trahedya na magkakaugnay ang usapin ng kahandaan para sa sakuna, pangangalaga sa kalikasan, at pag-unlad na nagtataguyod sa kapakanan ng mga mamamayan. Dapat harapin ang ugat ng pagkasira ng ating kalikasan at ang bulnerabilidad ng mga mamamayan sa disaster. Mauulit lamang ang trahedya ng Bagyong Sendong kung hindi ito matugunan.