Istorya ng Linggo Manggagawa

Panukalang batas vs kontraktuwalisasyon isinusulong sa Kamara


Bunsod ng pagpapatupad ng neoliberal na globalisasyon, iwinasiwas ng mga kapitalista ang iba-ibang iskema ng pleksibleng paggawa. Ang resulta: pagkawala ng karapatan sa kaseguruhan sa trabaho ng libu-libong manggagawa.

Isinampa ng Anakpawis Party-list ang House Bill 5110 o Regular Employment Bill. Layon nito na wakasan ang laganap na kontraktuwalisasyon sa bansa. Nasa larawan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano, sa isang porum hinggil sa panukalang batas.  (Macky Macaspac)
Isinampa ng Anakpawis Party-list ang House Bill 5110 o Regular Employment Bill. Layon nito na wakasan ang laganap na kontraktuwalisasyon sa bansa. Nasa larawan si Anakpawis Rep. Rafael Mariano, sa isang porum hinggil sa panukalang batas. (Macky Macaspac)

No Agency, No Jobs!”

Ito ang pabirong sinabi ni Remigio Saladero Jr., batikang abogado ng mga manggagawa, sa isang porum. Tinalakay sa porum na ito ang panukalang batas na magbabasura sa kontraktuwalisasyon na bumibiktima sa sahod, karapatan at kaseguruhan sa trabaho ng mga manggagawa.

“Nakapanlulumong islogan ito para sa mga manggagawa. Kung wala kang agency, wala kang trabaho,” ani Saladero. Sabi niya, laganap na ang kontraktuwal na paggawa sa bansa. Sa ilalim ng pleksibilisasyon sa paggawa, iba’t ibang iskema ang ipinapatupad ng mga kompanya tulad ng subcontracting, outsourcing, labor only contracting at agency hiring. Tinatayang pito sa 10 kompanya sa bansa ang nagpapatupad sa mga iskemang ito.

Kabilang ang Philippine Airlines (PAL) sa mga kompanyang nagpatupad ng outsourcing, laganap na pleksibilisasyon at kontraktuwalisasyon. Laganap ito sa mga industriya ng serbisyo (business processing outsourcing, construction at iba pang serbisyo); international subcontracting sa industriya ng manupaktura (garments, export processing zones at electronics); contract growing sa mga korporasyong agrikultural at iba pa. Ipinapatupad ito ng mga kompanya kahit pa sumasagka ito sa karapatan ng manggagawa na ginagarantiyahan ng Konstitusyon at international labor standards.

Ayon sa Anakpawis Party-list at Kilusang Mayo Uno (KMU), isa sa pinakamatinding tagapagpatupad ng kontraktuwalisasyon ang Dole Philippines, isang kompanyang multinasyunal sa Mindanao, na may 24,000 manggagawa  pero 4,000 lamang ang regular. Nakapaloob sa tinaguriang labor cooperative na tumatayong agency o contractor ang mga kontraktuwal.

Samantala, aabot naman sa siyam sa sampung manggagawa ang kontraktuwal sa higanteng kompanyang retail at mall na SM, kaya tinaguriang “hari ng kontraktuwal” si Henry Sy, may-ari ng SM at pinakamayamang negosyante ngayon sa Pilipinas.

Laganap na praktika

Sinabi ni Saladero na ipinagbabawal ng batas sa ilalim ng Labor Code ang kontraktuwalisasyon, partikular ang labor-only contracting. Pero hindi naman ito nabibigyan ng sapat na proteksiyon ang mga mangagagawa.

“Sa ilalim ng kontraktuwal na paggawa, nasa mangagagawa ang bigat ng responsabilidad na patunayang ilegal ang pagtanggal sa kanya kung maghahabol siya,” paliwanag ni Saladero.

Ganito ang nangyari kay Crispin Recto, isang mangagagawa sa Daeduck Philippines, Inc., isang kompanyang Koreano na gumagawa ng printed circuit board ng mga sasakyan sa Cavite Export Processing Zone. Pumasok si Recto na manggagawang direktang hired ng Daeduck noong 2005. Mula Setyembre 2005, nagtrabaho siya bilang kontraktuwal. Ngunit pagpasok ng 2006, ipinaloob siya at iba pang mangagagawang aabot sa 300 sa isang agency.

“Kinausap kami ng Human Resource Officer na tatanggalin kami bilang direct hired at ililipat sa agency,” kuwento ni Recto sa Pinoy Weekly.

Dahil gusto niyang manatili sa trabaho at sa kawalan ng kaalaman sa mga batas paggawa, pumayag silang mailipat sa agency. “Pinangakuan kaming magiging regular matapos ang limang buwan,” aniya. Pero pagsapit ng 2008, nananatiling kontraktuwal sina Recto.

Taong 2008 din, nasunog ang isa sa mga planta ng kompanya kung saan nagtatrabaho ang kalakhan sa mga kontraktuwal. Idinahilan ito para walang kaabog-abog na tanggalin ang mga mangagagawa, kasama na si Recto. Muling tinawagan ng kompanya sina Recto noong Abril 2009, matapos mapagawa muli ang nasunog na planta.

“Pumirma ulit kami ng limang buwang kontrata,” ani Recto. Hanggang 2010, nananatili pa rin silang  kontraktuwal. Ang masama, sinimulan din ng kompanya na kaltasan ng 2% ang kanilang sahod. Katwiran ng kompanya, ang 2% kaltas ay napupunta sa di-maipaliwanag na buwis.

“Nagtuturuan ang Daeduck at ang agency kung sino ang kumakaltas sa aming sahod at saan ito napupunta,” dagdag niya.

Dito na nagsimulang magreklamo sina Recto. Sa tulong ng mga mangagagawang regular at unyonisado sa loob ng kompanya, nakahingi sila ng tulong sa Workers’ Assistance Center (WAC).  Kinasuhan ng 37 manggagawa ang Daeduck sa National Labor Relations Commission (NLRC).   Kinatigan ng NLRC ang mga manggagawa. Noong Setyembre 2011, idineklarang regular na emplyado sina Recto at inatasang bayaran ng kompanya. Ngunit sa halip na tumupad ang kompanya, tuluyang tinanggal sina Recto noong Oktubre, habang umaapela ito sa Court of Appeals.

Ayon sa WAC, sa 600 manggagawa ng Daeduck, 240 lamang ang regular, na binabantaan pa ng union-busting. Tinanggal ng kompanya ang sampung opisyal ng unyon kasama ang pangulo nito. Nakaambang maglunsad ng welga ang mga manggagawang regular at kontraktuwal ng Daeduck.

Samantala, ganito rin ang nagaganap sa NXP Semiconductors Inc. sa Cabuyao, Laguna. Halos tapatan ang bilang ng kontraktuwal na mga manggagawa ang mga regular. Ani Andre Angeles, board member ng NXP Semiconductor Workers’ Union, sa 1,400 na manggagawa, aabot sa 600 hanggang 1,000 ang kontraktuwal.

“Lumolobo ang bilang ng kontraktuwal sa panahon ng transition,” aniya. Sa bawat pagtatapos ng limang buwan na kontrata ng mga kontraktuwal, may dalawang linggong extension sila sa trabaho. Panahong ito ipinapasok ang panibagong mga kontraktuwal. “Ang mga manggagawang kontraktuwal na end of contract na ang siya ring nagsasanay sa mga papalit na panibagong manggagawang kontraktuwal,” ani Angeles.