Kung bakit di niya pinulot ang bata

November 21, 2011

Buto't balat na batang Sudanese, gumagapang patungo sa isang UN feeding station. Sa likod niya, isang buwitre. Kuha ni Kevin Carter sa Sudan noong Marso 1993. Inilathala sa New York Times.

Buto't balat na batang Sudanese, gumagapang patungo sa isang UN feeding station. Sa likod niya, isang buwitre. Kuha ni Kevin Carter sa Sudan noong Marso 1993. Inilathala sa New York Times.

Una sa lahat, maaaring hindi tayo magugulat sa larawang ito: batang Sudanese na gumagapang sa lupa patungo sa isang feeding station ng UN noong Marso 1993. Sa likod niya, isang buwitre, naghahandang sagpangin ang bata. Pamilyar na kasi tayo sa larawang ito. Baka hindi ang eksaktong larawang ito, pero katulad nito: Larawan ng gutom at desperasyon sa Aprika.

Iyan ang nagagawa ng pagpapalaganap ng larawang tulad nito. Gayunman, noong 1993, ikinagulat ng mundo ang larawang ito na lumabas sa New York Times.

Noong Marso 1993, tumungo sa Sudan ang South African na litratista na si Kevin Carter. Miyembro siya ng grupo ng magkakaibigang mga litratista na nabansagang “Bang Bang Club” dahil sa dalas (o hilig?) nilang pumunta sa frontlines ng giyerang sibil sa South Africa para kumuha ng mga litratong magpapakita ng nagaganap dito.

Sa assignment ni Carter sa Sudan, nakapunta siya sa isang feeding center ng United Nations. Laganap ang kagutuman sa Sudan at may giyerang sibil din dito. Ayon sa kapwa litratista at miyembro ng Bang Bang Club na si Joao Silva, sumabay sila sa isang eroplano ng UN at binigyan ng 30 minuto para maglitrato sa isang feeding center. Naghanap si Silva ng mga larawan ng mga gerilya, habang nanatili si Carter sa erya ng feeding center.  Malapit dito, nakita niya ang bata at ang buwitre.

Nagwagi ng Pulitzer Prize si Carter at naging tanyag sa mundo. Ngunit panahong ito, ayon sa pelikulang The Bang Bang Club (2010), lulong na sa droga ang litratista. Lalong nalubog sa depresyon si Carter nang mamatay ang kaibigang litratista na si Ken Oosterbroek sa South Africa. Samantala, naging kontrobersiyal ang litrato; marami ang kumwestiyon sa hindi pagtulong ni Carter sa bata. Noong Hulyo 1994, mahigit isang taon matapos magwagi sa Pulitzer, nagpakamatay si Carter.

Palaging halimbawa ang larawang ito at ang nangyari kay Carter sa journalism schools: Ano nga ba ang tungkulin ng isang mamamahayag, bukod sa pagdodokumento ng katotohanan? Tungkulin ba ni Carter na tulungan ang bata, kahit makarating lang sa feeding center? O hindi siya dapat makialam dito, dahil sa pamamagitan naman ng larawan o ulat niya, indirekta niyang matutulungan, hindi lamang ang partikular na batang ito, kundi ang mga nagugutom na bata ng Sudan?

Naalala kong minsan nang sinabi ni Luis Teodoro, propesor sa pamamahayag sa UP Diliman at beteranong mamamahayag at kolumnista, na sa mga pagkakataong iyun, hindi na tungkulin ng mamamahayag ang dapat sundin. Tungkulin na natin bilang tao ang dapat manaig. Nakita ito noong panahon ng masaker sa Mendiola (1987), nang tulungan ng mga litratista ang sugatang mga magsasaka patungo sa ospital. Kahit noong panahon ng masaker sa Hacienda Luisita (2004), mga mamamahayag ang unang tumulong para dalhin sa ospital ang mga biktima. Kahanga-hanga ang mga mamamahayag na ito. Pero higit na ito sa tungkulin nila bilang mamamahayag. Katunayan, baka nga di pa nila magawa ang trabaho nila dahil umalis sila sa eksena at nagdala ng biktima sa ospital. Pero iisipin pa ba nila ito, gayong usapin na ng buhay-at-kamatayan ang pagdala o hindi ng mga biktima sa ospital?

Ngunit may mga pagkakataong hindi naman lantarang usapin ng buhay-at-kamatayan ang nakataya. Nahaharap ang mamamahayag sa pagpanig sa tama, pero tungkulin daw ng kanyang propesyon ang pumagitna.

Napamalas ito sa nabalitang pagprotesta ng isang mamamahayag pangkampus, si Marjohara Tucay ng Philippine Collegian ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) – Diliman, sa isang porum kung saan nagsalita ang bumibisita sa bansa na si Hillary Clinton, US Secretary of State, at pinakamakapangyarihang kinatawan ng gobyernong US, sa ibayong dagat, labas sa presidente nito.

Ipinrotesta ni Tucay ang Mutual Defense Treaty, ang tratadong ipinagdiwang ni Clinton at ng administrasyong Aquino noong ika-60 anibersaryo nito. Hindi raw pantay ang kasunduan, at matagal nang nagiging tuntungan ito para sa interbensiyong militar ng US sa bansa. Notoryus ang US Armed Forces sa interbensiyong militar nito sa maraming bansa sa daigdig, mula sa Pilipinas, hanggang Gitnang Silangan, hanggang Timog Amerika, hanggang Asya. Bukod pa ito sa napakasamang rekord nito ng malawakang paglabag sa karapatang pantao sa mga lugar na pinagpupugaran nito, kabilang ang Pilipinas.

Malaki ang isyu ng presensiyang militar ng US sa bansa, at isang isyu na malamang na umani ng malawakang pagkondena at protesta. Pero matindi ang reaksiyon ng maraming mamamahayag: Labag daw sa etika at code of conduct ng mamamahayag ang ginawa ni Tucay. Sinalang pa ang batang mamamahayag sa isang panayam, ni Howie Severino, ang mismong host ng porum kay Clinton. Idiniin ni Severino ang paglabag ni Tucay sa etika ng “old-fashioned journalism.” Sabi ni Severino, kung magkokober ka, magtanong ka. Pero hindi ka maaaring magprotesta. O kaya, huwag mong tawaging mamamahayag ka.

Pero hindi naman talaga mamamahayag si Tucay nang magprotesta siya. Hindi man lantarang usapin ng buhay-at-kamatayan ang pagprotesta kay Clinton (bagamat maaaring sabihing ganito ang usapin sa MDT!), katulad din ito ng pagpulot sana ni Carter sa batang Sudanese para dalhin sa feeding center. Ang mensahe ng dalawang kuwentong ito ay hindi lamang dapat magkasya tayo sa pagiging mamamahayag, dapat maging tao tayo. Sa trabaho natin bilang mga mamamahayag, nakakasagap tayo ng impormasyon at pagsusuri na hindi nasasagap ng mayorya ng ordinaryong mamamayan. Higit sa sinuman, mga mamamahayag ang may tungkuling lumahok dahil dito.

Pero tuwing midya ang mismong inaatake at inaapi, lantaran ang pagprotesta at paninindigan nito. Higit pa sa pagiging mamamahayag na tagadokumento ng mga kaganapan, nakikilahok ang mga mamamahayag sa protesta. Naaalala ko ang isang pagkakataon noong Disyembre 2009, nang sadyang tamaan ng isang litratista ng lente ng kamera niya si Andal Ampatuan Jr., pangunahing suspek sa masaker sa Ampatuan. Sugatan sa kilay si Ampatuan. Siyempre, lampas na lampas na ito sa anumang etika o code of conduct ng isang mamamahayag. Pero walang pagkondena na naganap, tulad ng pagkondena ng mga tulad ni Severino sa ginawa ni Tucay. Ipinakikita lamang nito na handa ang mga mamamahayag na lumampas sa nakagawiang code of conduct (hindi ito pirmadong kasunduan ha, isa lamang di-nasusulat na koda) kung sariling existence na nito ang nababantaan.

Ito ang trahedya ng pamamahayag na isinasapraktika ngayon (sa mainstream media). Hangga’t hindi nito nakikita na banta sa sarili ang isyu, hindi ito lalahok. Ano naman ang kinalaman ni Carter sa bata? Bilang mahusay na photojournalist, unang instinct niya na huwag pulutin ang bata. Katunayan, nasa sariling interes niya ang iwan ang bata, dahil sinasabing laganap daw ang iba’t ibang sakit noong panahong iyon sa Sudan. Naisip niyang kumuha na lamang ng magandang larawan, at sa pamamagitan nito’y makakatulong pa siya.

O makakatulong nga ba? Ngayon, kahit papaano’y mas dumami ang nakakaalam sa Mutual Defense Treaty at sa pagtutol hinggil dito. Isa lamang ang protesta ni Tucay sa mga protestang mag-aambag sa pagpapalaganap ng kaalaman hinggil dito.

Samantala, sa kabila ng paglipana ng napakaraming larawan ng kagutuman at desperasyon, lalong dumarami lamang ang paghihirap  at kagutuman sa mundo.