Kababaihan Manggagawa

Kalagayan ng babaing manggagawa, pinasahol ng kontraktuwalisasyon


Madalas na ngang di kinikilala o binabayaran ang lakas-paggawa ng kababaihan, pinasasahol pa ito ng kontraktuwalisasyon, na pinagtibay ng Labor Code, mga utos ng Department of Labor and Employment, at ang desisyon kamakailan ni Pangulong Aquino hinggil sa kontraktuwalisasyon sa Philippine Airlines.

Mga manggagawang kababaihang kontraktuwal: Lumalaban na. (Ilang-Ilang Quijano)
Mga manggagawang kababaihang kontraktuwal: Masahol na kalagayan sa paggawa. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa loob ng pitong buwan, tiniis ng 20-anyos na si Monique Romero ang masahol na kalagayan sa isang pagawaan ng damit sa Valenzuela. Tumigil sa kolehiyo si Monique dahil sa pagnanais na makatulong sa pamilya, at namasukan bilang trimmer sa Magnificat Garments. Kontraktuwal lamang siya, gaya ng libu-libo pang kababaihang manggagawa sa bansa.

Binabayaran lamang siya ayon sa dami ng kanyang ginugupit na damit: P3 para sa isang dosena. Kaya’t kadalasan, nasa P130 lamang ang kanyang sinasahod kada araw. Wala rin silang natatanggap na anumang benepisyo. Umaabot sa 12 oras ang kanyang trabaho.

Wala ring unyon na maaaring ilaban ang kanilang mga karapatan. Kaya’t noong Setyembre 28, napakadali rin siyang tinanggal sa trabaho nang dahil lamang sa maliit na pagkakamali.

Ibinabadya ng inaprubahan ng gobyernong Aquino na outsourcing sa Philippine Airlines ang lalong paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa paggawa. Malaki ang implikasyon nito, lalo sa kababaihan.

“Kung saan mga industriya pinakamarami ang kababaihan, dito rin pinakamalaganap ang kontraktuwalisasyon.” Ito ang inihayag ni Anna Leah Escresa, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Employment (Eiler), sa isang porum kamakailan kasama ang kababaihang manggagawa mula sa Kamaynilaan at Timog Katagalugan.

Ayon sa pag-aaral ng Eiler, simula noong 1998 ay walang signipikanteng pagtaas sa partisipasyon ng kababaihan sa labor force o puwersa ng paggawa sa bansa. Nananatiling nasa 49 porsiyento lamang ang may partisipasyon sa labor force, habang 51 porsiyento ang tinataguriang “hindi aktibo sa ekonomiya.”

Kadalasang hindi binabayaran (unpaid) o hindi kinikilala (unrecognized) ang paggawa ng kababaihan sa pagsasaka at tahanan.

Samantala, mas masahol naman ang kalagayan ng kababaihang manggagawa, na karamihan ay kontraktuwal at nakakatanggap ng mas mababang sahod.

Ayon sa datos ng gobyerno, nasa 30 porsiyento ng kababaihang manggagawa ang nasa wholesale and retail trade, kung saan noong 2008 ay nasa halos 100,000 ang kontraktuwal. Samantala, nasa siyam na porsiyento naman ang nasa pagmamanupaktura (manufacturing), kung saan mahigit 200,000 manggagawa ang kontraktuwal.

Wala pa ring pagkakapantay-pantay sa sahod. Lumalabas din sa pag-aaral ng Eiler na mas mababa ng P28 ang sahod ng kababaihang nagtatrabaho sa agrikultura kumpara sa kalalakihan. Sa industriya naman, mas mababa ang sahod ng kababaihang manggagawa ng P22.

Sa kabila nito, mas mahaba ang oras ng paggawa ng kababaihang manggagawa, nasa 41.2 oras kada linggo kumpara sa 40.2 oras ng kalalakihan. Lumalabas pa na nasa industriya ng electronics ang pinakamahabang oras ng paggawa—58.7 oras—kung saan maraming kababaihan ang nagtatrabaho.

Pagkilos ng kababaihang manggagawa kontra kontraktuwalisasyon. (Ilang-Ilang Quijano)
Pagkilos ng kababaihang manggagawa kontra kontraktuwalisasyon. (Contributed Photo)

Laganap na kontraktuwalisasyon

Ayon kay Noel Colina, executive director ng Institute for Occupational Health and Safety, peligroso sa kalusugan ang karaniwang mga kalagayan sa paggawa ng kababaihan. “Halimbawa na lamang dito ang pagiging exposed sa lead ng mga nagtatrabaho sa electronics, na karamihan ay babae. Hindi ito basta-basta naaalis sa katawan,” aniya.

Nakakapagpataas ng posibilidad ng kanser ang paglanghap sa mga kemikal at pagtatrabaho sa gabi, na nakakapanghina ng immune system. Samantala, sanhi naman ng hypertension ang pagtayo ng mahigit sa walong oras, ayon kay Colina.

Wala rin umanong maternity benefits na natatanggap ang mga manggagawang kontraktuwal.

Masamang balita

Dahil sa mga banta sa kapakanan ng mga manggagawa ng masahol na mga kondisyon sa paggawa, higit na mahalaga ang pagkakaroon ng unyon para ipagtanggol ang kapakanang ito. Ngunit ipinagkakait sa kontraktuwal na mga manggagawa ang pag-uunyon.

Kuwento ni Nora Diloyo, kalihim ng Samahan ng Manggagawa sa EMI-Independent, kabilang sa kanilang ipinaglalaban sa Collective Bargaining Agreement ang pagreregularisa sa mga manggagawang kontraktuwal.

Bagaman nasa 4,000 sa 7,000 na manggagawa ang regular sa kompanya ng electronics na pinagtatrabuhan sa Cavite, halos hindi nadaragdagan ang kanilang bilang.

“Pinipili na lamang ng kompanya na kumuha ng mga apprentice na mas mababa ang sahod at walang benepisyo,” ani Diloyo.

Sinisisi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Labor Code at Order No. 08-02 ng Department of Labor and Employment (DoLE) para sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon. Hindi direktang ipinagbabawal ng Labor Code ang kontraktuwalisasyon. Legal ito kung sang-ayon sa mga pamantayan na nakasaad saOrder No. 08-02 ng DoLE.

Ngayong inaprubahan ni Aquino ang planong outsourcing ng PAL, nangangamba ang mga manggagawa sa paglala pa ng kontraktuwalisasyon. “Masamang balita ito para kababaihang manggagawa,” sabi ni Nitz Gonzaga, pangalawang tagapangulo ng KMU para sa Women’s Affairs.