‘Idol ko si Father Pops’


DAVAO CITY – Inspirasyon nila ang buhay ni Father Fausto “Pops” Tentorio. Kung kaya, nag-organisa ang mga kabataan at estudyante ng isang volunteer group bilang pagpugay sa buhay at ehemplo ng Italyanong pari na pinaslang noong Oktubre 17.

Martsa ng mahigit 10,000 katao sa libing kay Father Pops Tentorio. (Karlos Manlupig)
Martsa ng mahigit 10,000 katao sa libing kay Father Pops Tentorio. (Karlos Manlupig)

DAVAO CITY – Inspirasyon nila ang buhay ni Father Fausto “Pops” Tentorio. Kung kaya, nag-organisa ang mga kabataan at estudyante ng isang volunteer group bilang pagpugay sa buhay at ehemplo ng Italyanong pari na pinaslang noong Oktubre 17.

Umiikot na sa iba’t ibang eskuwelahan sa lungsod ang grupong “Idol Ko si Pops” para ibahagi ang buhay ng misyonaryo ng mga mamamayan na si Father Pops sa pamamagitan ng mga porum at diskusyon.

“Sa pamamagitan ng Idol Ko Si Pops, maipapalaam at maibabahagi natin sa mga kapwa kabataan ang dakilang buhay ni Father Pops. Dapat tularan ang buhay niyang inialay sa paglilingkod sa mga nangangailangan,” paliwanag ni Rosel Serrano, coordinator ng Idol Ko si Pops-Davao.

Kilalang misyonaryo sa mga komunidad ng mga Lumad at magsasaka sa Arakan si Father Pops. May naiwan siyang 3,000 iskolar nang paslangin siya.

“Sana maipagpatuloy namin ang mga ginawa ni Father Pops. Sa paraan namin, sa pagbabahagi ng buhay niya sa mga kabataan at estudyante, maaabot namin ang pinakamaraming bilang ng mga kabataan para mahimok sila sa paglilingkod sa maralitang mga komunidad at sa pagtatanggol sa mga nangangailangan laluna mga Lumad at mga magsasaka,” sabi pa ni Serrano.

Nakibahagi ang Idol Ko si Pops sa isang pilgrimage patungong Arakan, isang National Solidarity Mission, mula Nobyembre 26 hanggang 29. Layunin ng misyon na manawagan sa pambansa at pandaigdigang komunidad para sa hustisya kay Father Pops.

“Layunin din ng pilgrimage sa Arakan na palawakin ang solidarity movement laban sa impunity, kabilang ang mga taong simbahan, civil libertarians, at tagapagtanggol ng karapatang pantao at kapayapaan. Kaugnay ng layuning ito, naniniwala kaming mahalaga ang bahagi ng kabataan sa kilusang ito para sa pagtutulak ng pagbabago sa ating bansa,” ani Serrano.

Matatagpuan din ang Idol Ko si Pops sa North Cotabao, kung saan karamihan sa mga miyembro ay mga iskolar ni Father Pops.