Husgahan Natin

Rehabilitasyon ng kompanya

Noong Agosto 15, 2011 ay inilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa kasong “Agripino Molina vs. Pacific Plans Inc.” (G.R. No. 165476). Ang kasong ito ay mahalaga sapagkat nagpapakita ito ng paraan upang ang isang desisyon kung saan panalo na at babayaran na lamang ang empleyado ay maantala at hindi mapapatupad.

Noong Agosto 15, 2011 ay inilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa kasong “Agripino Molina vs. Pacific Plans Inc.” (G.R. No. 165476). Mahalaga ang kasong ito sapagkat nagpapakita ito ng paraan upang ang isang desisyon na naipanalo na at babayaran na lamang ang empleyado ay maantala at hindi mapapatupad.

Sa nasabing kaso, dinemanda ni Agapito ang kanyang kompanya ng illegal dismissal at money claims. Si Agapito ay assistant vice-president ng kompanya.

Nanalo sa kanyang demanda si Agapito. Nag-apela ang kompanya at nakaabot sa Korte Suprema ang kaso pero ganun pa rin ang desisyon: Panalo si Agapito.

Binalik sa Labor Arbiter ang records ng kaso at naglabas ito ng writ of execution para ipatupad ang desisyon. Dito sa writ of execution ay nakalagay ang halagang dapat bayaran ng kompanya bilang separation pay at backwages ni Agapito. Sinama ng Labor Arbiter dito ang halagang dapat idagdag sa sahod ni Agapito dahil sa collective bargaining agreement.

Tutol ang kompanya sa laki ng halagang babayaran nito at inapela nito ang kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC). Nakakuha ito ng pagsang-ayon ng NLRC na nagsabing dapat bawasan ang hatol kay Agapito dahil hindi naman siya sakop ng collective bargaining agreement.

Bumaba na naman ulit sa Labor Arbiter ang record ng kaso kung saan muli na namang kinumpiyut ang halagang dapat bayaran ng kompanya kay Agapito. Sinamahan ng Labor Arbiter ng interes na 12% kada taon ang halagang ibibigay kay Agapito at muli na namang inapela ito ng kompanya sa NLRC.

Samantalang nakabinbin ang usapin sa NLRC tungkol sa kompiyutasyon ng backwages na dapat ibigay kay Agapito, humingi ng “corporate rehabilitation” ang kompanya sa husgado. Inaprubahan ng korte ang hinnihinging rehabilitasyon ng kompanya.

Nagkaroon ng hatol ang NLRC kung magkano ba talaga ang ibabayad kay Agapito at muling ibinababa ang rekord ng kaso sa Labor Arbiter para tuluyang ipatupad.

Kaagad namang ginamit ng kompanya ang nasabing “corporate rehabilitation” para labanan ang pagpatupad ng desisyon sa kaso. Sabi ng kompanya, dapat itigil muna ang pagpapatupad sa desisyon dahil sa rehabilitasyon na dinadaanan ng kompanya. Kung tapos na ang nasabing rehabilitasyon ng kompanya, saka pa lamang ipapatupad ang desisyon, sabi ng kompanya. Sa panig naman ni Agapito, ang posisyon niya’y dapat patuloy ang implementasyon ng desisyon kahit na dumadaan sa proseso ng rehabilitasyon ang kompanya. Tutal, tapos na ang kompiyutasyon sa NLRC ng halagang kanyang matatanggap.

Nakarating ang usaping ito sa Korte Suprema.

Kinatigan ng Korte Suprema ang kompanya. Sinabi nito na dahil sa sinasagawang “corporate rehabilitation,” dapat ay ititigil muna ang pagpapatupad sa desisyon.  Maaring mawalan ng saysay ang sinasagawang rehabilitasyon kung sakaling itutuloy ang pagpapatupad sa desisyon. Ang layunin ng rehabilitasyon ay upang makabangon sa kanyang pang-ekonomiyang kalagayan ang kompanya. Paano pa ito magagawa ng kompanya kung ipatupad natin ang desisyon laban dito? Kaya dapat lamang na hintayin muna nating maging normal na muli ang pang-ekonomiyang kalagayan ng kompanya bago ipatupad ang desisyon laban dito. Sa madaling sabi, ang rehabilitasyon ng isang kompanya ay makaantala sa pagpatupad sa desisyon laban dito.

Tama ba ito sa inyong pagtingin, mga kasama? Nararapat ba na mag-antay ang manggagawang nanalo sa kaso laban sa kompanya hanggang sa matapos ang rehabilitasyon nito? Paano kung hindi matagumpay ang nasabing rehabilitasyon? Paano pa igigiit ng manggagawa ang desisyong pabor sa kanya?

Mukhang maraming butas ang nasabing desisyon. Ngunit ganoon pa man, ito na ang masusunod sa kasalukuyan hangga’t hindi ito pinapalitan ng Korte Suprema.