Pandarambong sa Serra Pelada

October 15, 2011

Mga minero ng Serra Pelada, Brazil, 1985. Kuha ni Sebastiao Salgado.

Mga minero ng Serra Pelada, Brazil, 1986. Kuha ni Sebastiao Salgado.

Palaging nasa caption ng mga larawan ni Sebastiao Salgado ang lugar at taon kung kailan kinuha ang larawan. Mahalaga ang impormasyong ito. Kasi kung wala ito, isang magandang litrato lang ang makikita. Magandang komposisyon, magandang ilaw, magandang timing, magandang porma. Pero ano ang pagkakaiba nito sa isang fashion shoot ng isang nangangayayat na modelo na suot ang mga haute couture na damit habang nasa gitna ng disyerto o gubat?

Mahalaga ang konteksto kay Salgado. Ang larawan sa itaas, kuha niya sa isang minahan ng ginto sa Serra Pelada, Brazil, taong 1986. Serra Pelada ang lugar ng isa sa pinakamalaking gold rush, o unahan sa paghukay ng ginto, sa kasaysayan ng mundo. Nadiskubre ang ginto noong 1979 ng isang bata sa ilog, at kalauna’y dumagsa ang daanlibong “garimpeiros” (mga minero o gold diggers) mula sa iba’t ibang bahagi ng Brazil para maghukay sa lugar.

Mahirap ang mayorya ng mga mamamayan ng Brazil, at dumagsa ang gold diggers sa Serra Pelada sa pag-asa ng biglang yaman, biglang takas sa kahirapan. Marami sa kanila, kinomisyon lamang ng mayayamang negosyante na siyang nagbayad sa pagpunta nila sa Serra Pelada (malayo sa kabihasnan ang mining site). Hinayaan ng gobyerno ang pagmimina sa lugar hanggang bumigay ang isang bahagi ng open pit (malaking hukay) na miniminahan. Kalauna’y napuno ng tubig ang hukay, at ipinasara ng gobyerno ang minahan.

Sa larawan ni Salgado, parang kolonya ng langgam ang mga minero. Sa foreground, mahihinuha ang hirap ng ginagawa ng isang minero. Minsan nang sinabi ni Salgado na gusto niyang bigyang dignidad ang mga tao sa kanyang larawan, kaya inaabot siya ng buwan, minsan pa’y taon, sa isang lugar at sabdyek. Gusto raw niyang makuha ang pinakamagandang komposisyon at ilaw na magpapakita ng “marangal na imahen” sa taong kinukuhanan niya.  Pero hindi maaaring maihiwalay sa konteksto ng Serra Pelada ang magandang komposisyong ito: Ang nasasaksihan pa rin nati’y isang aktuwal na eksena ng paghihirap at pagsasamantala. Dahil sa magandang imahe, wala nang dahilan ang sinuman na hindi tingnan.

Pagkondena sa sitwasyon ng mga minero ang kadalasang nakukuhang reaksiyon sa pagtingin sa mga larawang ito ni Salgado. Dahil kinuhanan na parang isang ant colony ang Serra Pelada, walang indibidwalidad, walang sariling buhay ang mga minero. Tulad ng mga langgam na nag-iipon ng pagkain para sa kanilang reyna, nabubuhay ang mga minero para maghukay, para sa kanilang amo. Nawala na ang kanilang pandama, sa isa’t isa, at kahit sa kapaligiran: Ginagawa na lamang nila kung ano ang iniutos sa kanila.

Isang malaking hukay ang naiwan sa Serra Pelada. Pero dahil hindi pa ginamitan ng modernong teknolohiyang kadalasang ginagamit ng kasalukuyang malalaking kompanya ng mina, hindi naging permanente ang pagkasira sa kalikasan ng gold rush sa Serra Pelada noong dekada ’80. Matapos masara ang naturang open pit, isa sa pinakamalaking kompanya ng mina sa mundo, Vale S.A., ang nagawaran ng gobyerno ng karapatang magmina rito. Taong 2007, iginawad naman ng gobyerno ni Lula da Silva sa kompanyang Canadian na Colossus Minerals ang karapatang magmina sa lugar. Sabi ng mga ulat, ito ang pinakamalaking “mining coup” (kudeta sa industriya ng mina), dahil tinatayang hanggang 480 metro pa ang lalim ng gintong makukuha ng kompanya.

Taong 2012 magsisimulang magmina ang Colossus. Kapag nangyari iyun, malamang na wala nang litratista — kahit na isang batikang litratistang tulad ni Salgado — ang makakakuha ng litrato. Mistulang pag-aari ng malalaking kompanya ng mina ang lupaing pinagmiminahan nila; walang litratista o midya na makakapasok dito. Walang magaganap na dokumentasyon. Walang Salgado na lilikha ng magandang komposisyon ng malawakang pagkasira.

Hindi kaila sa atin sa Pilipinas ang eksenang ito. Magmula nang maipasa ang Mining Act of 1995, tuluyang ibinukas ang mga lupain ng bansa sa malalaking kompanya ng mina. Pambihira, kung mayroon man, ang nakakapagdokumento at kumukuha ng larawan ng malawakang pagkawasak, sa mga lugar tulad ng Rapu-rapu, Albay, Surigao del Sur at marami pang iba.

Buti na lamang, may mga lumalaban. Ang paglabang ito, marahil, ang pupuwede nang kuhanan ng mga litratistang tulad ni Salgado. Marahas ang paglabang ito, pero sa pamamagitan ng komposisyon at ilaw, timing at porma, mawawalan ng dahilan ang publiko na hindi tumingin.