Pagbabawal sa large-scale mining, muling iginiit ng mga rebelde

October 5, 2011

Pagkalbo sa kagubatan na dulot ng pagmimina sa Claver, Surigao del Norte (Video grab mula sa GMA Reporter's Notebook)

Iginiit ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang polisiya nito na ipagbawal ang large-scale mining sa bansa, matapos ang reyd ng New People’s Army (NPA) sa Northeastern Mindanao na pumaralisa sa operasyon ng tatlong malalaking kompanya ng mina sa Surigao del Norte.

Nilusob ng tinatayang 200 rebelde ng Taganito High-Pressure Acid Leaching, Taganito Mining Corporation, at Platinum Group Metals Corporation sa bayan ng Claver noong Oktubre 3. Sinunog nila ang mga sasakyan, kagamitan, at pasilidad ng mga kompanya sa isang reyd na walang iniwang sugatan.

Sa isang pahayag, sinabi ng Southern Mindanao Party Regional Committee Public Information Bureau na sang-ayon ang aksiyon ng mga rebelde sa panawagang ipagbawal ang malakihang pagmimina na nagwawasak sa kalikasan, nang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka, at nangdarambong ng likas-yaman ng bansa.

Sa isang dating pahayag, iniutos ng CPP ang NPA na magsagawa ng mga aksiyon na magpaparusa (punitive actions) sa malalaking kompanya ng mina.

Sa pahayag kahapon, binati ng CPP ang mga rebelde sa kanilang matagumpay na aksiyon. Umano’y ipinapakita nito ang determinasyon at kapasidad ng NPA na ipatupad ang polisiya ng demokratikong gobyernong bayan na ipagbawal ang malalaking dayuhang kompanya ng mina at pagtotroso.

Inilinaw ng rebolusyonaryong grupo na makailang beses sumulat si Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-Mindanao, sa Taganito at nagmamay-ari nitong kompanyang Hapon na Sumitomo Corporation.

Hiniling ng mga rebelde na itigil ang mga operasyon ng mina na naninira sa kalikasan, at ang pagsasamantala at mababang pasahod sa kanilang mga manggagawa. Ngunit hindi umano ito pinansin ng nasabing mga kompanya.

Sa isang panayam sa DZRH kahapon, itinanggi rin ni Madlos na ginawa ng NPA ang reyd dahil sa hindi pagbayad ng mga kompanya sa rebolusyonaryong buwis (revolutionary tax).

Inilinaw ng CPP sa kanilang pahayag na hindi pinagbubuwis, kundi pinagmumulta ang mga kompanya ng mina, na ibinibigay umano sa mga apektadong komunidad. “In certain circumstances, fines have been levied on these companies and turned over to the people as a form of reparation for the destruction these companies have caused and to discourage their further plunderous operations,” ayon sa CPP.

Kontribusyon ng pagmimina sa ekonomiya, pinabulaanan

Samantala, hinamon ng Kalikasan- People’s Network for the Environment si Pang. Benigno Aquino III na kilalanin ang pagkawasak sa kalikasan bilang ugat ng iba’t ibang uri ng paglaban sa mga kompanya ng mina.

“Pinagtatakpan o minamaliit ni Aquino at ng industriya ng mina ang reyalidad ng mapangwasak na pagmimina,” ayon kay Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan-PNE.

Pangulong Aquino sa Presidential Situation Room noong Okt. 3, 2011 para pag-usapan ang seguridad matapos ang reyd ng NPA sa Surigao del Norte (Larawan mula sa op.gov.ph)

Inihayag ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Pangulong Aquino, na “isolated incident” lamang ang pangyayari at na patuloy na sisiguruhin ng pangulo ang seguridad ng mga mamumuhunan at mamamayan.

No one should doubt our commitment to the safety of investors and our fellow citizens, who deserve to be able to pursue their livelihood without threats of extortion and violence to disturb them,” aniya.

Ngunit sinabi ni Bautista na banta sa kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na sa mga katutubo, ang mismong operasyon ng mga kompanya ng mina. “Hindi na dapat magtaka ang mga kompanyang ito bakit sila nilalabanan ng mga mamamayan,” aniya.

Pinabulaanan din ng grupo na malaki ang kontribusyon ng industriya ng mina sa ekonomiya ng bansa. Noong 2010, nasa 1% lamang ang kontribusyon ng industriya sa Gross Domestic Product ng bansa, at 0.5% naman ang kontribusyon sa pag-eempleyo.

Sa imbestigatibong dokumentaryo ng Reporter’s Notebook, nailahad din na sa P144 Bilyon na kinita ng mga kompanya ng pagmimina noong nakaraang taon, nasa P37 Milyon lamang ang binayaran nitong buwis sa gobyerno. Inilahad din sa dokumentaryo ang pagkawasak sa lupain ng mga katutubo na dulot ng nickel mining sa Claver.

Nagbabala ang Kalikasan-PNE na hangga’t hindi ibinabasura ng gobyernong Aquino ang Mining Act of 1995 at patuloy na ibinubukas ang likas-yaman ng bansa sa dayuhang mga kompanya ng mina, magpapatuloy ang mga paglaban dito.

Iminungkahi ng grupo na lalong mahalaga na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Philippines at NDFP. Kabilang ang environmental agenda sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na itinutulak ng NDFP na mapag-usapan.

Samantala, inihayag ni Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP, na umaakto si Pangulong Aquino na pawang tagapangalaga lamang ng mga dayuhang kompanya.“He thinks only in the narrow terms of favoring foreign investments, even if extremely exploitative. He is concerned only with providing military security for them,” aniya.

Isiniwalat ni Jalandoni na nagpetisyon na ang Tribal Coalition of Mindanao sa Korte Suprema noong Mayo 10, 2011 para sa Temporary Environmental Protection Order laban sa mga kompanyang inatake ng NPA.

Ayon sa petisyon, may pag-aaral ang University of the Philippines Natural Sciences Research Institute na nagpapakita ng mataas na antas ng nickel sa mga ilog at iba pang pinakukunan ng tubig. Umaabot ito sa 190 mg/L, samantalang nasa 0.02 mg/L lamang ang maximum acceptable level ng nickel sa inuming tubig, ayon sa Department of Health at Bureau of Food and Drugs.