Bukas na Liham

Reaksiyonaryong Estado


Ang naganap na demolisyon sa sitio San Rafael, Old Balara noong ika-31 ng Agosto 2011, ay maituturing na isang bangungot para sa mga maralitang naapektuhan.

Demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa Old Balara, Quezon City. (Kontribusyon/Bayan-QC)
Demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa Old Balara, Quezon City. (Kontribusyon/Bayan-QC)

Ang naganap na demolisyon sa sitio San Rafael, Old Balara noong ika-31 ng Agosto 2011, ay maituturing na isang bangungot para sa mga maralitang naapektuhan. Nagising na lang ang mga residente sa walang kasing-samang katotohanan na wala na silang masisilungan. Parang mga dagang nagsipulasan sa kanilang mga lungga ang mga maralita sa pagkawasak ng kanilang mga bahay. Ang ilan ay nangupahan sa paligid na komunidad. Mayroong napunta sa Bulacan at ang iba, ay nakitira sa mga kamag-anak sa Bagong Silang.

Ang kuwento ni Albert Casuga, isang residente na nademolis at kasalukuyang nakatira sa ilalim ng tulay na nakapanayam ni Howie Severino ng Channel 7, ang higit na nakakalungkot. Sa abang kalagayan, ay minabuti na lang na humingi ng relokasyon kaysa patuloy pang magsalita para sa kanilang karapatan sa paninirahan.

Nasaksihan ng sambayanan ang organisadong pananalakay ng reaksiyonaryong estado sa mga maralita ng Lungsod Quezon. Mula sa pagpanig ng korte sa mga landgrabber na Madrigal-Susana Real State Corp. na walang naipakitang titulo ng pag-aari. Ang paggamit ng kapulisan para wasakin ang nagkakaisang hanay ng mga maralita na tumututol sa demlisyon. Ang mapagpanggap na kawanggawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang namahala sa pagbibigay ng P24,000 sa 300 pamilya bilang tulong pinansiyal. Ang batikan sa pagpapalayas ng mga maralita, ang opisina ng Urban Poor Affair Office (UPAO) na nasa ilalim ng pamahalaang lungsod ni Bistek (Quezon City Mayor Herbert Bautista). At ang pananahimik ni Bistek at PNoy (Pangulong Aquino) sa pangyayari. Ang lahat ng sangay at ahensiyang nabanggit ay pinagtulungan ang mga maralita para maitaboy sa kanilang nakagisnang tirahan at inalisan sila ng karapatan para sa paninirahan.

Naranasan ng mga maralita ang mapanlinlang at mapanupil na katangian ng reaksiyonaryong estado. Higit dito, nalantad ang pagiging walang kasing-samang anyo nito ng tuluyang talikuran at pabayaan nina Bistek at PNoy ang mga maralita. Ang reaksiyonaryong estado sa  pangunguna ni PNoy at Bistek ay hindi lang kaaway ng mga maralita ng Lungsod Quezon kundi kaaway ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino!

Hindi makakalimutan ng mga maralita at ng sambayanang Pilipino ang pangyayaring ito. Tiyak, darating ang bukas para singilin ang mga may pagkakautang. Habang hinihintay ang papalapit na bukas, ang mga maralita sa lahat ng sulok ng bansa ay tiyak na naghahanda na upang paghandaan ang pag-atake ng reaksiyonaryong estado sa kanilang mga komunidad. Hindi na nila ipagkakatiwala ang kanilang kapalaran sa paninirahan sa mga nagpapanggap na lingkod bayan. Tiyak na papalapit na ang paglaya ng mga maralita sa ilalim ng impluwensiya ng mga mapang-api at mapagsamantala!

Ipaglabang ang karapatan para sa makataong paninirahan!

Patindihin ang pagkondena kay Bistek at PNoy!

Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) – Quezon City