Armadong Allende

September 8, 2011

Ang sinasabing huling larawan ni Salvador Allende, sosyalistang presidente ng Chile, sa kasagsagan ng kudeta laban sa kanyang administrasyon ng mga puwersang maka-kanan sa naturang bansa, noong Setyembre 11, 1973. Anonimo ang kumuha. Nagwagi sa 1973 World Press Photo bilang Photo of the Year.

Ang sinasabing huling larawan ni Salvador Allende, sosyalistang presidente ng Chile, sa kasagsagan ng kudeta laban sa kanyang administrasyon ng mga puwersang maka-kanan sa naturang bansa, noong Setyembre 11, 1973. Anonimo ang kumuha. Nagwagi sa 1973 World Press Photo bilang Photo of the Year.

EDITOR’S NOTE: Sa bagong kolum na ito, tatalakayin ng iba’t ibang kolumnista ng Pinoy Weekly ang mga imahen sa iba’t ibang panig ng mundo: Ang konteksto ng larawan o imahen, ang historikal/kultural/politikal na halaga nito, at ang puwesto nito sa hangarin ng mga mamamayan ng mundo para sa progresibong pagbabago.

Bago naganap ang karumaldumal na krimen sa sangkatauhan noong Setyembre 11, 2001, naganap muna ito: Ang karumaldumal na krimen sa sambayanan ng bansang Chile, noong 1973.

Nasa itaas ang larawan, ni Presidente Salvador Allende ng Chile, noong Setyembre 11, 1973. Nagwagi bilang larawan ng taon sa World Press Photo, di-nagpakilala ang litratista nito — dahil daw sa usaping panseguridad (Marahas na sinupil ng pumalit na pinuno ng bansa, ang naging diktador na si Hen. Augusto Pinochet, ang mga imahen ng madugong kudeta laban sa administrasyon ni Allende.). Ito raw marahil ang huling larawan ni Allende bago siya pinaslang ng mga maka-Kanang sundalo ni Pinochet.

Sa larawang ito, armado si Allende. Pero naluklok siya sa poder sa “mapayapang” paraan: eleksiyon. Tangan ang sosyalistang plataporma — pagsasabansa sa batayang mga industriya ng Chile, pagpaprayoritisa sa batayang mga serbisyong panlipunan, pagtutol sa pampulitika at pang-ekonomiyang pangingialam ng mga imperyalistang bansa tulad ng US — popular si Allende sa masang Chilean. Pero kauupo pa lamang niya sa poder, ginamitan na siya ng dahas ng mga asendero’t elite ng Chile: Pananabotahe, maka-Kanang welga, tangkang kudeta. Hindi naganap iyung sinasabi ng mga pasipista na “mapayapang transisyon sa sosyalismo.” Ginamit ng naghaharing uri ang buong lakas at dahas nito para tutulan ang mga progresibong pagbabagong itinulak ni Allende.

Sa Pilipinas, malakas din ang boses ng mga pasipista, ng mga kontra sa anumang giyera (Kahit na sabihing sa pamamagitan ng giyera lamang napabagsak ang isang tulad ni Hitler noong World War II). Mapayapang rebolusyon ba kamo? Kapit-bisig, mare, pare at sundalo? Handog ng Pilipino sa mundo? Ngayon, nasaan ang makabuluhang pagbabago?

Noong Setyembre 11, 1973, humawak na ng armas si Allende. Defiant ang tindig. Handang lumaban — at mamatay — para ipreserba ang tunay na demokrasya sa kanyang bayan. Sayang, huli na nang matanto niyang sa armadong komprontasyon pa rin dudulo ang bangayan ng progresibo at reaksiyonaryo, ng pagbabago at status quo.