Ulat at Protesta sa SONA (Para kay Pangulong Noynoy)


Isang tula ni Nonilon V. Queaño tungkol sa ikalawang SONA ni Pangulong Benigno Aquino III.

ni Nonilon V. Queaño
25 Hulyo 2011

Sa init, ulan, alinsangan ng panahon
…Sa araw na ito
Maglalakad kami —
Manggagawa, magsasaka
Kabataan, mag-aaral, guro, propesyonal
Artista, pintor, musikero, makata ng bayan
Magulang, anak, tauhan ng simbahan,
Empleyado, maglalako, tindera —
Buong sambayanang proletaryado,
Makikinig sa ulat mo sa santaong nasa puwesto,
At marahil, nakatingin sa itaas, maghihintay
Kung sakaling may liwanag sa salita at salaysay.

Ganito rin ang eksena,
Noong isang taon at lahat ng mga taong nagdaan
Walang katapusan ang palabas,
Paulit-ulit ang paglulubid
Ng pantasya, sinungaling, at di totoo.
Malaon nang alam namin,
Suliranin’y nasa utak ng pangulong
Pinupukpok, kaipala, ng sistema
At gobyernong ginahasa’t pinapang-it
Ng kapital at imperyo.

Subalit tulad sa matandang puno sa gubat,
O sa mga bulaklak sa parang na paulit-ulit
Mang malugpo’y di maapula ang pagbuso,
Sambayanang binibigti’t nilalamon ng gahaman’y
Di titigil sa paglaban —
Sa mga hirap, kaalipnan’t inhustisya
Para sa pinaslang at ninakawan
Sa Hacienda Luisita at iba pang sakahan
Ng mga ganid na burukrata komprador,
Sa libu-libong desaparecidos na dinukot at pinaslang –
Mga Jonas Burgos, Karen Empeno, Sherlyn Kadapan,
Tanya Domingo, Ian Dorado, Leonard Co
At lahat na sinalaula’t pinaslang ng mga berdugong militar,
Sa mga biktima ng karumaldumal na masaker sa Ampatuan,
At maraming nangabuwal na nag-alay ng puso at pagmamahal
Sa Mindanao, Visayas, o sa Luzon man

(Sa babasa: pakidagdag lamang dito ang mga di alam,
di maalaala o nakaligtaan ng makatang ito, salamat po.)

Ang lahat ng inhustisyang ito
At karumaldumal na krimen ng estado,
Mga walang patumanggang paglabag sa karapatan
Ng bawa’t tao
Dito at saanman,
Ngayon at kailanman,
Lahat ng krisis sa edukasyon, kabuhayan, kalusugan
Na libong lintang nakakapit sa buto’t balat
Na masa ng sinalanta, binusabos, at pinaslang,
Lahat na pagkagahaman ng salot na imperyalismong
Puno’t dulo ng ating kalbaryo —
Yaon sana ang hihintayin naming marinig sa ulat mo:
Kung paano mo binabaka,
At kung paano ka makikiisa sa sambayanan ng bayan mo.

(Bawa’t taon ng buhay ko’y nagmamartsa’t sumubaybay
Sa SONA mo, O pangulo.
Ngunit minsan’y walang maalalang nagpahayag ng totoo.)

Sa hinabahaba ng lakad,
Sa matagal na panahon ng paglaban,
Wala namang kapagalan ang katawan at ang puso,
Kung gahaman at sinungaling ay di nagsawa,
Tayo pa ba na matandang mga punong gubat,
O mga bagong sibol na bulaklak sa parang
Na panibagong bumubuso,
Ang yuyuko.
Sa SONA mong sinungaling
(Sakaling hindi ka totoo, O pangulo)
Asahan mong sambayanan’y
Magtututok ng kamao.