Protesta sa ‘di-pantay na relasyong PH-US’ marahas na dinispers

July 5, 2011


Marahas na dinispers ng mga pulis ang mapayapaang kilos-protesta ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at International League of Peoples’ Struggle (ILPS) noong Hulyo 4, sa UN Avenue, malapit sa embahada ng US.

Mahigit sampung aktibista ang nasaktan nang mamalo ang mga pulis gamit ang truncheon at shield, at idispers ang mga aktibista gamit ang water canon.

Hinarangan ng mga pulis ang mga demonstrador bago marahas na dinispers gamit ang truncheon, shield at tubig mula sa water canon. (KR Guda)

Hinarangan ng mga pulis ang mga demonstrador bago marahas na dinispers gamit ang truncheon, shield at tubig mula sa water canon. (KR Guda)

Kinondena ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, ang mga interbensiyong militar at pulitikal ng gobyernong US sa Pilipinas. Pinakahuling manipestasyon nito ang tila aroganteng pagpapakita ng lakas-militar sa ehersisyong nabal ng Pilipinas at US sa Palawan, malapit sa pinag-aagawang mga isla ng Spratly.

Samantala, binantaan naman ng Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, ang mga tropang Kano na nasa Palawan na “minamasdan sila ng kababaihan ng mundo.” Pinangungunahan ng Gabriela ang isang pandaigdigang asembliya ng mga militanteng kababaihan na International Women’s Alliance (IWA), na ginanap sa Innotech-Seamo, UP Diliman nitong Hulyo 5 at 6.

Inihayag ito ng Gabriela sa kabila ng balitang namimigay umano ng libreng mga condom ang mga opisyal-militar ng US sa mga tropa nito na nasa Palawan para sa “rest-and-recreation” ng mga ito.