Analysis Istorya ng Linggo

Sigalot sa Spratlys: Pilipinas, proxy ng US kontra China


Sinasabi ng administrasyong Aquino na pinangangambahan nito ang presensiya ng mga sasakayan ng China sa Spratlys. Pero tila nakakasangkapan lamang ito sa pagtutulak ng US na panatilihin at palakasin ang mga negosyo nito sa Pilipinas at Timog Silangang Asya, at kontrolin ang lumalakas na impluwensiya ng China sa rehiyon.

Mapa ng Spratly Islands (Mula sa website ng US-Central Intelligence Agency o CIA)
Mapa ng Spratly Islands (Mula sa website ng US-Central Intelligence Agency o CIA)

“Isang mas malaking pagpapamalas ng presensiya natin kaysa sa dating ginagawa natin.”

Sa ganitong paraan isinalarawan ni US Admiral Joseph Prueher, kumander ng US Pacific Forces, noong Pebrero 1999 ang PH-US ehersisyong militar sa karagatang malapit sa Palawan noon. Kaaapruba pa lamang ng Senado ng Pilipinas ang PH-US Visiting Forces Agreement o VFA at ito ang unang ehersisyong militar ng US at Pilipinas matapos maisara ang mga baseng militar ng US sa Subic, Zambales at Clark, Pampanga. Ang pagpapamalas ng presensiya ng US, ayon kay Prueher, ay para sa China, ang bansang kahit noong 1999 ay patungo na sa pagiging mayor na pampulitikang puwersa sa mundo at potensiyal na karibal ng US sa negosyo.

Ang pahayag na ito ni Prueher ay nabanggit sa isang confidential report ng US Congressional Research Service (CRS) hinggil sa relasyong pangseguridad ng Pilipinas at US na inilabas noong Oktubre 2000. Isiniwalat ito ng WikiLeaks noong Pebrero 2009. (Ayon sa WikiLeaks, ang CRS reports, na ginagastusan ng mga mamamayang Amerikano ng $100-Milyon taun-taon, ay kadalasang hindi maaaring iakses ng publiko.)

Ipinamamalas sa naturang kuwento hinggil sa ehersisyong militar ng US sa Palawan kung papaano ginagamit ng gobyernong US ang presensiya nito sa Pilipinas bilang pangkontra sa posibleng paglawak ng impluwensiya ng China sa Timog Silangang Asya.

May tila kaparehong kuwento ang kasalukuyang sigalot sa Spratlys. Noong nakaraang buwan, Mayo 2011, dumaong sa Pilipinas ang barkong pandigma ng US na USS Carl Vinson. Bumisita pa mismo sa barko si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Inamin mismo ni Hen. Eduardo Oban, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, na “mensahe sa China” ang pagpunta ni Aquino sa naturang barko.

Pagbantay sa China

Sa bagong CRS Report na inilabas nitong Enero 2011 at sinulat ni Thomas Lum, espesyalista ng CRS sa mga usapin sa Asya, muling binigyang-diin ang isa sa mga layunin ng US sa presensiya nito sa Pilipinas at sa Timog Silangang Asya: pigilan ang paglakas ng impluwensiya ng China sa rehiyon.

Mababasa rin sa 2011 CRS Report ang ulat hinggil sa suportang militar ng US sa Pilipinas. Maliban sa pagsuporta sa “giyera kontra terorismo,” malinaw na isang dahilan ng pag-aarmas ng US sa Pilipinas at paglaki ng suportang militar ng US sa Pilipinas ang pagkontra sa presensiya ng China sa South China Sea.

Bahagi ng pakay ng US sa Pilipinas ang maimpluwensiyahan ang Timog Silangang Asya, na kinakatawan ng Association of Southeast Asian Nations (Asean), sa relasyon ng huli sa China. Noong 2008, nagsimulang magtalaga ang US ng embahador sa Asean. Sa sumunod na taon, naganap naman ang unang pormal na pulong sa pagitan ng mga lider ng US at Asean.

Growing US engagement has been spurred partly by China’s rising economic influence in the region and assertiveness regarding disputed maritime territories in the South China Sea,” ayon sa ulat.

Ang patuloy na pagtulak sa Asean na kumprontahin (at galitin) ang China ang esensiya ng pinakabagong pahayag ni US Sen. John McCain, ang natalong presidential candidate sa US at boses ng lumalakas na konserbatibong kawing ng political elite sa naturang bansa. Sa ulat ng Agence France Presse nitong Hunyo 22, 2011, sinabi ni McCain na kailangang palakasin pa ang pampulitika at pangmilitar na suporta ng US sa Asean para kontrahin ang China.

Patuloy na inihahayag naman ng administrasyon ni US Pres. Barack Obama ang suporta sa claims ng Pilipinas sa Kalayaan Group of Islands na bahagi ng Spratly Islands. Ngunit, dahil na marahil sa iniingatang relasyon nito sa China – ang isa sa pinakamalaking pinagkakautangang bansa ng US – hindi ito hayagang naghahamon ng mas matinding kumprontasyon.

Samantala, patuloy ang probokatibong mga pahayag ng administrasyong Aquino. Sa pulong ng pangulo kay Liang Guanglie, ministro sa depensa ng China, noong Hunyo 20, sinabi ni Aquino na “maaaring mapuwersa” ang Pilipinas na magpalakas sa kakayahang militar nito kung magpapatuloy ang presensiya ng China sa Spratlys. Lumabas din kamakailan ang balita hinggil sa panukalang eksplorasyon ng mga dayuhang korporasyon sa mga reserbang langis at gas malapit sa Palawan – isang bagay na maaaring ikagalit ng China at maituring na probokasyon.

Hindi nababanggit sa mga pahayag ng administrasyong Aquino, ngunit dati nang naglabas ng deklarasyon ang Asean, kabilang ang Pilipinas, kaugnay ng pinag-aagawang Spratlys. Noong Hulyo 22, 1992, nilagdaan ng mga bansa ng Asean ang “Asean Declaration On The South China Sea.” Nakasaad sa deklarasyon na “lahat ng mga isyung may ugnay sa soberanya at hurisdiksiyon (ng mga bansa) kaugnay ng South China Sea ay dapat maresolba sa mapayapaang paraan, (at) di ginagamitan ng dahas.”

Sumang-ayon ang China sa mapayapang resolusyon sa sigalot sa South China Sea, nang lumagda ito at ang mga bansa sa Asean sa “Declaration On The Conduct of Parties In The South China Sea.”

Sa nabanggit na pulong ni Aquino kay Guanglie, sinabi ng ministro sa depensa ng China, na hindi ito gagawa ng unilateral actions na lalong magpapainit pa sa sitwasyon sa Spratlys.

Paglalagda ng nakaraang administrasyong Arroyo at gobyerno ng China sa isa sa mga kasunduang pang-ekonomiya. Sa ilalim ng nakaraang administrasyon, lumaki ang negosyo ng China sa bansa. (Malacanang Photo)
Paglalagda ng nakaraang administrasyong Arroyo at gobyerno ng China sa isa sa mga kasunduang pang-ekonomiya. Sa ilalim ng nakaraang administrasyon, lumaki ang negosyo ng China sa bansa. (Malacanang Photo)

Impluwensiya ng China sa Asean

Malinaw na itinuturing ng US na banta sa pang-ekonomiyang interes nito ang unti-unting pagkopo ng China sa maraming proyektong imprastraktura at pangkomunikasyon sa Pilipinas, mula sa proyektong Northrail, hanggang sa naunsiyaming NBN-ZTE Broadband Deal noong 2007.

Batay sa datos ng Global Trade Atlas noong 2009 na binanggit sa CRS Report, kung pagsasamahin ang China at Hong Kong (espesyal na rehiyong administratibo ng China), halos kapantay na nito ang US sa bilateral trade sa Pilipinas — $11.8-Bilyon sa US, $11.3-B sa China/Hong Kong. Ayon sa Asean Economic Community Chartbook, sa Timog Silangang Asya noong 2008, mas malaki na ang trade ng China kaysa sa US: 11.3 porsiyento ng kabuuang pakikipagnegosyo ng Asean ay sa China, samantalang 10.6 porsiyento lamang ang sa US.

Lalong pinangangambahan ng US ang mas agresibo pang pakikipagnegosyo ng China sa mga bansa ng Asean. Noong Enero 2010, nabigyang bisa ang Free Trade Agreement sa pagitan ng China at Asean. Sa ilalim ng kasunduang ito, aabot sa 90 porsiyento ang ibabawas sa taripang ibinabayad ng China tuwing nagnenegosyo sa Timog Silangang Asya. Samantala, patuloy na ginagapang pa ng US ang iba’t ibang bansa sa Asean para magkaroon ng Trade and Investment Framework Agreements o TIFA dito. Wala pang pangkabuuang free trade agreement ang US at Asean na lalong magbubukas sa Timog Silangang Asya sa mga negosyo ng US.

Sa kontekstong ito mas nabibigyang linaw ang pagtulak ng US na kumprontahin ng Pilipinas at ng Asean ang China sa usapin ng Spratlys. Hindi pa man kumakagat ang Asean sa pagtulak na ito ng US, buong giliw na ang pagkagat dito ng administrasyong Aquino.

Ngunit kung tutuusin, mistulang nasa pagitan lamang ng dalawang nag-uumpugang bago ang Pilipinas. Sa isang banda, nariyan ang US, na naglalayong lalong palakasin ng pang-ekonomiyang dominasyon nito sa Pilipinas, habang pinalalawak ang pang-ekonomiyang interes nito sa Timog Silangang Asya. Sa kabilang banda, kabangga ng US ang lumalakas na karibal na China, na nagmamantine rin ng presensiyang militar sa Spratlys para ipresyur ang Asean na huwag bumigay sa US.

Malinaw ang pagkiling ng administrasyong Aquino sa dalawang panig na ito: bagamat lumalaki na nga ang interes ng China sa Pilipinas, sa huli’t huli’y papanigan pa rin nito ang matagal nang “kaibigan” (o amo, sa lengguwaheng aktibista) na US. Tutal, mahigit isandaang taong dominasyon sa ekonomiya, pulitika at kultura ng Pilipinas ang lamang ng US sa China.

Samantala, muling etsa-puwera sa lahat ng ito ang interes ng malawak na bilang ng mga mamamayang Pilipino, na nagnanais ng tunay at sustenidong kaunlaran na pakikinabangan nila.

* * *

Maaaring mabasa rito ang ulat hinggil sa Philippine-US Security Relations noong 2000 ng US Congressional Research Service (CRS). Kopya mula sa WikiLeaks.

Maaari namang mabasa rito ang ulat hinggil sa Philippine-US Security Relations noong 2011 ng US CRS. Kopya mula sa website ng Federation of American Scientists.