P125 dagdag-sahod suportado ni Pacquiao

June 15, 2011

Pacquiao at mga lider-manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, sa pangunguna ni Elmer "Bong" Labog (kaliwa). (Macky Macaspac)

Pacquiao at mga lider-manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, sa pangunguna ni Elmer "Bong" Labog (kaliwa). (Macky Macaspac)

Sinusuportahan ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang panawagan  ng mga manggagawang ipasa ang matagal nang nakabinbin sa Kongreso na panukalang P125 across-the-board wage hike.

Sa isang press conference sa tanggapan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na dinaluhan ng tinaguriang Pambansang Kamao at mga militanteng lider-manggagawa, sinabi ni Pacquiao na naranasan niyang maging isang trabahador sa konstruksiyon, tindero, at iba pang trabahong mababa ang sahod kung kaya’t naiintindihan niya ang kalagayan ng mga manggagawa.

“Hindi naging madali ang aking buhay. Nais kong ipaabot sa ating mga manggagawa na naiintindihan ko ang inyong ipinaglalaban. Nire-recognize po ng ating constitution ang rights of workers to a living wage kaya sama-sama po tayo ngayon (at sa) darating na June 16 sa pambansang araw ng pagkondena ng mga manggagawa sa barya-baryang COLA (Cost of Living Allowance),” pahayag ni Pacquiao.

Malugod namang tinanggap ng mga manggagawa sa pangunguna ng KMU at Anakpawis Party-list ang suporta ni Rep. Manny Pacquiao sa kampanya para sa makabuluhang dagdag-sahod.

“Masaya ang mga manggagawa at mamamayan dahil kasama na namin si Rep. Manny Pacquiao sa laban para sa makabuluhang dagdag-sahod,” sabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.  Mahalagang dagdag umano si Pacquiao sa pakikibaka ng mga manggagawa para sa kagyat na ginhawa mula sa nagtataasang mga presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo kasama na ang produktong langis.

Sinabi naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na karagdagan si Pacquiao sa kanilang hanay sa loob ng Kamara upang makahiyakat pa ng mas maraming suporta sa iba pang mga kongresista. “Nagpapasalamat ang Anakpawis sa malakas na pagsuporta para sa P125 wage hike bill o House Bill No.  375 ni Congressman Pacquiao,” aniya.

“Hihikayatin namin ni Congressman Mariano ang iba pa naming mga kasamahan sa loob ng Kongreso,” tugon naman ni Pacquiao.

Sinabi rin ni Pacquiao na hindi umano kalabisan ang hininihingi ng mga manggagawang P125 dagdag-sahod tulad ng ipinangangalandakan ng mga kapitalista. “Kayang kaya ito ng mga kapitalista. ‘Yung dahilan nila ay napakababaw. Tingin ko kailangan ipatupad at ibigay ang 125,” sabi pa ni Pacquiao.

Panooring ang bidyo:


Bidyo ni Darius Galang | Edit ni Ilang-Ilang Quijano