Isang pagsipat sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Silangang Kabisayaan

April 12, 2011

Ang awtor ng sanaysay, si Ericson Acosta, aktibista at manggagawang pangkalusugan na nakapiit ngayon sa Calbayog Sub-Provincial Jail, Samar.

Ang awtor ng sanaysay, si Ericson Acosta, aktibista at manggagawang pangkultura na nakapiit ngayon sa Calbayog Sub-Provincial Jail, Samar.

Alam kong nag-iisip ang marami: Bakit dinakip ng militar si Acosta? Bakit siya ikinulong? Nasaang kasuluk-sulukan ng kapuluan ang barangay Bay-ang, at ano naman kaya ang pinaggagagawa roon ng isang makata at manunulat na gaya ni Ericson Acosta?

Sa katunayan, mga tanong ito na mahalaga hindi lamang para sa isang taong mausisa, o para lamang sa mga sektor na nakakikilala sa akin bilang isang aktibista at manggagawang pangkultura, at ngayon ay nananawagan ng aking paglaya. Mula sa aking karanasan ay nakita ko mismo na sadyang baluktot at mapanlinlang ang paghawak ng mga awtoridad sa aking pagkaka-aresto at detensyon – nakita ko mismo kung paano nagsabwatan sa pagyurak ng aking mga karapatan ang mga institusyon na inaasahan sana na magtatanggol dito.  Kung kaya’t mga tanong din ito para sa sinumang may interes sa isyu ng karapatang pantao, laluna sa konteksto ng nagpapatuloy na kalunus-lunos na sitwasyon nito sa Silangang Kabisayaan, gayundin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa panibagong pagsisiwalat ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kaso ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos, muling napatunayan na ang laganap na mga insidente ng pampulitikang pamamaslang at desaparesidos sa bansa ay sistematikong ipinatupad – at patuloy na ipinatutupad — ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng programa nito sa kontra-insurhensiya. Ngunit habang hindi pa nadidiin at napapanagot ang AFP sa libu-libong kaso ng abuso sa buong kapuluan, nananatili ang klima ng pangamba at takot sa mamamayan.

Habang umaasa ang karamihan sa pagbabago at katarungang ipinapangako ng bagong rehimen ni Pangulong Noynoy Aquino, patuloy ang hirap na buhay sa Silangang Kabisayaan. Kunsabagay, ang Rehiyon VIII ay rehiyon nga naman ng mga “Waray” (wala), ang etno-lingwisktikong grupo ng mga tao mula sa kulumpon ng mga isla ng Samar, Leyte at Biliran.

Napakatingkad ng lokal na kultura at tradisyon ng mga Waray, kung kaya halos hindi alintana ang trahedya ng atrasadong agrikultura at ekonomiya sa pang-araw-araw na buhay. Ngunit kahit nalilibang sa “tuba” (alak) at “kuratsa” (isang katutubong sayaw), ay nananatili ang katotohanan. Ang kawalan ng panlipunang hustisya ay pinalalala lamang ng mga natural na kalamidad. Dahil sa nakaraang tuluy-tuloy na pag-ulan, pinangangambahan ng lahat ang pagguho ng lupa sa Leyte na gaya ng nangyari sa Ormoc at St. Bernard. Sa mga bayan ng Catbalogan at San Jorge sa Samar, inasahan na rin ng mga magsasaka na lulunurin ng “apo” o baha ang kanilang mga pananim – nagaganap sa kanila ang sakunang ito, taun-taon sa loob na ng mahigit 50 taon.

Karaniwang pangyayari na rin ang malawakang operasyong militar sa mga interyor na baryo at bulubundukin. Habang ipinagmamalaki ng AFP na “pulbos na” ang insurhensiya sa isla ng Leyte, itinuturing naman nito bilang pambansang prayoridad ang buong isla ng Samar. Ang dalawang isla ay hinagupit ng “huling hirit” ng malawakang militarisasyon na bahagi ng Oplan Bantay Laya II (OBL II) ng rehimeng Arroyo. Ang OBL II ay patuloy na ipinatupad ng rehimeng Aquino hanggang Enero 2011, bago ito pinalitan ng Oplan Bayanihan kamakailan. Sa Rehiyon VIII, ang “huling hirit” na ito ay tinaguriang “Operation October Left Cross” ng 8th Infantry Division (8th ID) ng AFP, ang dibisyon ng sandatahang lakas na siyang nakasasaklaw sa buong Silangang Kabisayaan.

Matinding abuso ang naranasan ng rehiyon sa ilalim ng OBL, kaya’t kahit pa ilang heneral na ang nagrigodon bilang hepe ng AFP at 8th ID, iisa pa rin ang mukha ng militarisasyon sa buong rehiyon. Wala pa ring ibang “kilalang sundalo” ang mga tao kundi ang tinaguriang “berdugo” na si  Jovito Palparan.

Ang sitwasyon ng karapatang pantao sa rehiyon

Sa buong rehiyon, naisadokumento sa ilang fact-finding mission na pinangunahan ng Katungod-Sinirangan Bisayas (Katungod-SB), ang lokal na sanga ng pambansang alyansang Karapatan, na daan-libong magsasaka at sibilyan ang nagiging biktima ng militarisasyon sa mga sentrong bayan at kanayunan. Ang mga datos na ito ang siya kong binalikan upang makumpirma mismo sa mga magsasaka, partikular sa mga bulubunduking baryo sa ilang munisipalidad ng Samar.

Kabilang sa mga kaso ang pagpatay, ilegal na pag-aresto, sapilitang ebakwasyon at dislokasyon, pambobomba, pang-iistraping, panununog ng bahay, pangwawasak ng pananim, blokeyo ng pagkain, pisikal at mental na presyur at tortyur, at iba pa. Rumurok ang pinsala ng OBL sa populasyong sibilyan noong 2005, o sa ngayo’y bukambibig na ng mga tao na “panahon ni Palparan.” Subalit, malinaw din na nagpapatuloy ang militarisasyon hanggang sa kasalukuyang Oplan Bayanihan ni Aquino.

Sa ulat ng Karapatan, umabot sa 126 ang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang, habang 27 ang naging desaparesido sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Nangunguna ang istatistikang ito kumpara sa bilang ng mga biktima sa iba pang mga rehiyon sa Kabisayaan. Kabilang sa mga pinaslang ang mga kilalang aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang pantao na sina Atty. Felidito Dacut, Dr. Bartolome Resuello, Atty. Norman Bocar, Rev. Edison Lapuz, Prof. Jose Ma.Cui at Fr. Cecilio Lucero.

Patuloy ang intimidasyon ng militar sa mga aktibista at institusyong nagtataguyod sa karapatang pantao. Permanente ang pagbabanta ng mga sundalo laban sa Katungod-SB sa pamamagitan ng kanilang programa sa radyo sa istasyong DYMS sa Catbalogan. Ang dating pangkalahatang kalihim ng Katungod-SB na si Atty. Kathrina Castillo ay nakatanggap ng mga banta o death threats sa pamamagitan ng koreyo nitong nakaraang taon.

Hindi na bago sa rehiyon ang masaker. Ang 19th Infantry Battalion (19th IB) sa Leyte ay tinagurian nang “Massacre Battalion” dahil sa sunud-sunod na mga kaso ng pamamaslang. Ikalawa na sa Kananga, Leyte ang kontrobersyal na kaso ng pagkamatay ng tanyag na botanistang si Leonard Co at ng kanyang istap, na naganap umano dahil sa isang engkwentro sa pagitan ng NPA at 19th IB nitong Nobyembre 2010. Ngunit gaya nina Co, malinaw na biktima ng sadyang pagpapaputok ng mga sundalo ang siyam pa na namatay sa Kananga noong 2003 – dangan lamang sila’y karaniwang mga magsasaka kung kaya’t hindi nabigyan ng sapat na atensyon mula sa midya. Noong 2005, siyam na magsasaka muli, kabilang ang isang buntis, ang namatay nang mag-istraping ang mga sundalo habang sila’y nagsasagawa ng “tiklos” (bayanihan sa pagtatanim) sa Barangay San Agustin, Palo, Leyte. Ang mga magsasakang nakaligtas mula sa malagim na masaker ay inaresto, at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal upang mapigilan ang kanilang pagtetestigo.

Nagaganap din ang katulad na ilegal na pag-aresto sa mga pinaghihinalaang kasapi o tagasuporta ng New People’s Army (NPA). Kabilang dito ang kaso ni Dario Tomada, lider ng Samahan han Gudti nga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas (SAGUPA-SB), ang alyansa ng militanteng magsasaka sa rehiyon. Si Tomada ay nakaligtas sa tangkang pamamaslang sa kanya noong 2005, at nagpasyang lumayo muna sa militarisadong rehiyon para sa kanyang seguridad. Inaresto si Tomado nitong Hulyo 2010 sa Binan, Laguna at sinampahan ng 15 bilang sa kasong pagpatay kaugnay ng umano’y “mass grave” na nadiskubre sa Inopacan, Leyte. Mayroon pang mga kaso ng mga magsasaka na di-naiuulat ang pagkakakulong, may mga sibilyan na diumano’y nag-“surrender” at hinahawakan ng militar nang labag sa kanilang kalooban, at iba pang di-dokumentadong kaso.

Dahil sa aking ilegal na pagkaka-aresto at detensyon, umabot na ngayon sa 16 ang bilang ng mga detenidong pulitikal sa Silangang Kabisayaan. Gayunman, ang ganitong klase ng pang-aabuso – at higit pa – ay hindi na bago para sa mga magsasaka ng Barangay Bay-ang.