Ika-anim na Sundang: GABUD

April 28, 2011

Matapos maghawa’t mangahoy maghapon

tayo ay nangagtitipon

upang hasain ang ating mga sundang.

Sa labí ng gabi sa malumot na burol

sa tabi ng bukal ng talangka at kuhol

tayo ay nangagtitipon

upang hasain ang ating mga sundang.

Noon pa man ay atin nang batid

ang hibang na sumpang hatid

ng pingas at purol,

ng gibang at kalawang—

ng walang-taning na pagpapaubaya

sa hindi nagsasawa sa pag-angkin;

ng wagas na pagka-awa sa sariling pagka-ulila

habang nag-aabuloy, nagpapabuya,

Nagpapatawad at umaawit ang salarin;

ng pagdadalawa, pagdadal’wang-libong-isip

hanggang mabulag na’t malupig

sa tagal ng pagkakatitig sa apoy;

ng pagkakanya-kanya

gayong iisa lamang naman

ang kinakampay na kumunoy—

kaya’t tayo ay nangagtitipon

upang hasain ang ating mga sundang.

Magdamag kung s’yang dapat,

sabay-sabay, walang-humpay nating pinupudpod

ang lahat ng mahawakang gabud

hanggang malusaw nang lubos

sa pawis natin at tangis—

pagkat tayo ay nangagtitipon

upang hasain ang ating mga sundang.

Hanggang sa kaya nang magpanggap

na ‘sangkawang alitaptap

ang kinang ng ating mga tabak,

tayo ay nanagagtitipon

upang hasain ang ating mga sundang.

Hanggang sa kaya na ng ating mga talim

na ang hangin ay paduguin,

tayo ay nangagtitipon

upang hasain ang ating mga sundang.

Hanggang mangusap ang isa sa ating mga anak—

ang hubad at pinaka-abo sa mga apo ng ilaya;

ang pinaka-ubuhin, tuod at utal na tagapagmana

ng malawak na kawalan

at lahat ng pagkakasala.

“Bukas,” wika niya,

“kung ilan tayo sa ating balak ngayon,

s’ya ring dami ng tarak

sa leeg ng panginoon.”
* GABUD – batong panghasa ng sundang.