Husgahan Natin

Pagkansela ng rehistro ng unyon

Alin ba ang mas mahalaga: ang karapatan ng mga manggagawang magkaroon ng isang unyon o ang karapatan ng kapitalistang patanggalan ang unyon ng registro dahil sa hindi pagbigay nito ng kaukulang dokumento sa may kapangyarihan?

Alin ba ang mas mahalaga: ang karapatan ng mga manggagawang magkaroon ng isang unyon o ang karapatan ng kapitalistang patanggalan ang unyon ng registro dahil sa hindi pagbigay nito ng kaukulang dokumento sa may kapangyarihan?

Sa isang kasong hinatulan ng Korte Suprema noong nakaraang buwan lamang (“The Heritage Hotel Manila vs. NUHRAIN- Heritage Hotel Manila Supervisors’ Chapter”, G.R. No. 178296) ay nilinaw nito na dapat bigyan ng halaga ang karapatang mag-unyon ng mga manggagawa.

Sa nasabing kaso, nagtayo ng unyon ang mga superbisor sa isang hotel sa Maynila. Pagkatapos mabigyan ng rehistro ang nasabing unyon, nagsampa ito ng petisyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang magkaroon ng “certification election” sa hanay ng mga superbisor.

Nagsampa  ng pagtutol ang manedsment at lumipas muna ang mahigit dalawang taon bago naiskedyul ang “certification election.” Ganun pa man, nalaman ng manedsment na hindi pala nakapagsumite ang unyon ng kaukulang papeles sa Bureau of Labor Relations (BLR)  tulad ng  “updated list of members” at “financial reports” nito sa loob ng mga taong nagdaan.

Sinamantala ito ng manedsment at nagsampa ito ng kaso sa DOLE upang tanggalan ng rehistro ang unyon. Ikinatuwiran ng manedsment na ang hindi pagsumite ng unyon ng nasabing mga dokumento ay dahilan upang makansela ang rehistro nito ayon sa Labor Code ayon sa Art. 239 nito.

Agad namang nagsumite ng mga kailangang dokumento sa BLR ang unyon. Tinutulan din nito ang ginawang pagpakansela sa  kanyang rehistro ng manedsment sa dahilang natapos na ang “certification election” at nanalo na rito ang unyon.

Pinanigan ng DOLE-National Capitol Region (NCR) ang unyon sa kanyang argumento at dinismis ang petisyon ng manedsment. Nag-apela ang manedsment ngunit walang nangyari sa apela nito hanggang nakaabot ang kaso sa Korte Suprema.

Kinatigan ng Korte Suprema ang unyon at dinismis ang kaso ng manedsment. Ayon sa Korte Suprema, mas mahalaga ang karapatan ng mga manggagawa na magkaroon ng unyon kaysa sa karapatan ng manedsment na pawalan ng bisa ang rehistro nito. Bagama’t totoong hindi nakapagsumite ng mga kailangang dokomento ang unyon sa tamang panahon, ang may kapabayaan sa bagay na ito ay ang mga pinuno ng unyon. Hindi tamang dahil sa kapabayaan ng ilang pinuno ay buong kasapian ng unyon ang magdurusa.

Tandaan natin, paliwanag ng Korte Suprema, na may bagong batas na bumago sa nilalaman ng  Art. 239 ng Labor Code tungkol sa pagkansela o pagtanggal sa rehistro ng unyon. Ang batas na ito ay ang  RA 9481. Ayon sa batas na ito, ang hindi pagsumite ng “financial reports” o listahan ng mga miyembro o iba pa mang mga dokumento na kinakailangang isumite ay hindi na dahilan upang makansela ang rehistro ng isang unyon. Ang mga opisyal ng unyon na lamang na nagpabaya sa pagbigay ng mga dokumentong ito ang may kasalanan at maaring panagutin sa kanilang pagpabaya. Ngunit hindi maaaring panagutin ang unyon sa pamagitan ng pagkansela sa rehistro nito.

Sa pagkawala ng rehistro ng unyon, ang mga manggagawa na kasapi nito ang nawawalan ng karapatang mag-organisa ng kanilang sarili at  makipagtawaran sa manedsment. Ngunit ang mga karapatang ito ay ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas. Paano mapangalagaan ang mga karapatang ito ng mga manggagawa kung basta na lamang mapakansela ang  rehistro ng kanilang  unyon? Ito ang dahilan kung bakit hindi lamang basta  kinakansela ang rehistro ng isang unyon, paliwanag ng Korte Suprema.