Liham: Lumahok sa People Power vs MRT-LRT Fare Hike

February 26, 2011

Icon kontra sa pagtaas sa pasahe sa MRT at LRT na pinalalaganap ng Riles Network

Icon kontra sa pagtaas sa pasahe sa MRT at LRT na pinalalaganap ng Riles Network

Sa kabila ng mga protesta natin sa MRT-LRT fare hike, itutuloy ng gobyernong Aquino ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe mula P5.00 hanggang P15.00.

Noong Pebrero 24, Huwebes, nagpulong ang board of directors ng Light Rail Transit Administration para tuluyan nang aprubahan at ipatupad ang dagdag-pasahe.

Matapos nating mabalitaang nagpapabalik-balik lang sa US ang mga asawa ng mga heneral ng militar gamit ang perang pwede sanang ipang-subsidyo sa MRT at LRT, papahirapan na rin tayong sumakay mismo sa MRT at LRT dahil sa taas ng pamasahe.

Dahil wala namang makabuluhang dagdag-sahod, napakabigat na pasanin para sa atin ng MRT-LRT fare hike. Sa tubo lang ng malalaking kapitalista at bangko mapupunta ito, lalo na’t gusto ng gobyernong Aquino na isapribado ang mga tren. Sa halip na gawing serbisyong abot-kaya ang MRT-LRT, gagawin itong negosyong pagkakakitaan.

Kaya tinatawagan ang lahat: sumali sa people power vs. MRT-LRT fare hike! Ipahayag ang pagtutol sa iba’t ibang paraan: sa Facebook at e-mail, halimbawa. Lumahok sa cyber-protest! Puntahan sa Facebook ang “Riles Network” para malaman kung paano.

Magsuot tayo ng black ribbon o black armband kapag sasakay ng MRT at LRT. Magsuot ng “I Protest MRT-LRT Fare Hike” sticker. Pumirma sa petisyon kontra sa dagdag-pasahe. Dumalo tayo sa mga rali sa mga MRT-LRT stations. At sa mismong Pebrero 24, dumalo tayo sa protesta sa LRTA sa Ortigas Avenue at sa Cubao.

Sahod, itaas! Presyo, ibaba! Labanan ang MRT-LRT fare hike! Labanan ang MRT-LRT privatization!

Riles Network
Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM)