Bakit nagpapatuloy (at lumalawak?) ang pagtangkilik sa kanila

January 12, 2011

[Ilang larawang kuha ng may-akda sa sonang gerilya ng New People’s Army sa Surigao del Sur. Ang awit na ginamit sa slideshow ay awit na madalas kantahin/gamitin ng mga gerilya sa kanilang mga pagtitipon at panghihikayat sa “masa.]

* * *

Nagmistulang traffic enforcers na lamang ang mga militar noon. Sa mga daanan patungong San Agustin, Surigao del Sur, nagtatag ng checkpoints ang mga sundalo, pero matapang na dumagsa pa rin ang mga tao.

Papunta sila – mahigit 10,000, ayon kay Jorge “Ka Oris” Madlos ng National Democratic Front sa Mindanao – sa pagtitipon para sa anibersaryo ng Communist Party of the Philippines o CPP.

Isang malakas na pagpapahayag ng lakas ang naturang pagtitipon. Para sa CPP-NDF at sa armadong puwersa ng New People’s Army (NPA), malinaw na patunay ito ng ibayong paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Ipinakita rin nito ang malawak umanong suporta ng mga mamamayan sa rebolusyong umabot na ng 42 taon.

Sa kabila ng mga pagsubok, sa kabila ng mga kampanyang kontra-insurhensiya ng sunud-sunod na mga administrasyon, nananatili – lumalakas pa nga, ayon sa kanila – sila. At sa panahon ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan at ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), marapat lamang na muling siyasatin kung bakit patuloy na nakakakuha ng suporta at pagkilala ang armadong rebolusyon sa mga mamamayan.

Sinimulan ng Pinoy Weekly ang pagsisiyasat na ito, sa pamamagitan ng pakikipanayam sa ilang ordinaryong mamamayan na dumalo sa nasabing pagtitipon sa Mindanao.

‘Agreb’

Magsasaka sa baryong pinagdausan ng anibersaryo ng CPP  si Antonio Obbus, 71-taong-gulang.

Nakakahalubilo niya ang mga gerilya ng NPA, gayundin ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Para sa kanya, “malaki ang pagkakaiba ng trato sa magsasaka ng gobyerno ng Pilipinas at rebolusyonaryong kilusan. “Mabuti ang pakikitungo sa amin ng NPA. Naglulunsad sila nang libreng serbisyo-medikal, di tulad sa gobyerno na may bayad,” sabi niya.

Diumano, isa ang baryo nila sa nabiyayaan ng kampanyang “rebolusyong agraryo” (o “agreb”) ng CPP.  Sa tulong umano ng organisasyon ng mga magsasaka na binuo ng NPA, naitaas ang sahod ng mga manggagawang bukid.  Mula sa sahod na P150 kada araw, naitaas ito sa P200 kada araw at libre pa ang pagkain.

Tinuruan din silang magtayo ng “hongos” (bayanihan): ang praktika ng pagtutulung-tulang ng mga magsasaka sa pagtatanim, mula sa paghahanda ng palayan hanggang sa pag-ani.

Binubuo umano ng 16 katao ang bawat hongos. “Napapagaan ang trabaho namin, at hindi na kailangang magbayad pa ng manggagawang bukid,” ani Obbus.

Ayon kay Madlos, malaking bilang umano ng mga magsasaka ang nabiyayaan ng repormang agraryo na inilulunsad ng NPA sa pamumuno ng CPP.

“Dati, ang hatian sa pagsasaka ay 50/50 (bayad ng mga magsasaka sa may-ari ng lupa bilang upa). Ngayon, nabawasan ng 30 porsiyento ang kanilang upa. Sa ibang usapin tulad sa sahod ng manggagawang bukid, P80 lang ang sahod. Ngayon, maraming lugar dito sa buong Mindanao ang sumasahod ng P250 hanggang P300,” paliwanag ni Madlos.

Jorge "Ka Oris" Madlos ng NDF-Mindanao. (Macky Macaspac)

Jorge “Ka Oris” Madlos ng NDF-Mindanao. (Macky Macaspac)

Ipinaglalaban ang magsasaka

Diumano, sa loob lamang ng dalawang magkasunod na taon (2009 at 2010), aabot sa 89,531 pamilya ang nabiyayaan ng repormang agraryo ng rebolusyonaryong kilusan sa eryang saklaw ng rehiyong Northeastern Mindanao. Nagkaroon din umano ang 18,000 pamilya ng sariling lupa mula sa mga konsesyon ng logging companies na umano’y napatigil o nanyutralisa ng tinagurian nilang rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan.

“Matagal nang ipinaglalaban ng mga organisasyong masa kasama na ang hukbo (NPA), na makapagtanim ang mga magsasaka sa mga lupaing saklaw ng malalaking logging companies. Ngayon, daang libo na ang nabiyayaan nang pagtatanim sa mga konsesyon sa,” ani Madlos.

Ibinigay na halimbawa ni Madlos ang kompanyang Paper Industries Corporation of the Philippines o Picop Resources Inc.

Ayon kay Madlos, hinaharas ng armadong mga guwardiya ng kompanya ang mga magsasakang nais magtanim sa libong ektaryang lupang saklaw nito. Dahil sa umano’y paglaban ng mga magsasaka at sa tulong umano ng NPA, napilitan ang mga guwardiyang makipag-kaibigan at hayaang magtanim ang mga magsasaka. “Ito ang klase ng repormang agraryong hindi gaanong napapansin. Daanlibong magsasaka na sa buong Mindanao ang nabiyayaan nito,” aniya.

Sa pamamagitan ng organisasyong masa, naitaas din umano ang presyo ng mga produkto ng mga magsasaka. Ikinuwento ni Juliebeh, 21-taong-gulang na kasapi ng NPA, kung paano nila isinasagawa ang kampanyang pagpapataas sa presyo ng mga produkto ng mga magsasaka.

“Dati dinadaya ng traders ang mga magsasaka sa timbang. Hindi nila binabayaran ang sobrang kilo ng abaka at kopra, bukod pa sa mababang presyo,” aniya.

Ayon kay Juliebeh, sa presyong P37 kada kilo ng kopra at abaka, hindi umano binabayaran ng traders ang sobrang kilo sa produkto.  Sa pakikipagdayalogo ng mga organisasyong masa, matagumpay nilang naitaas ang presyo ng  kopra at abaka sa P47 at binabayaran na rin ang sobrang kilo.

Maliban pa rito, diumano’y tinuturuan din ng NPA ang mga magsasaka na magtayo ng mga kooperatiba, naglulunsad din sila ng kampanyang literacy sa mga Lumad.

Hindi nakakapagtakang maraming magsasaka ang naniniwala sa ipinaglalaban ng rebolusyonaryong grupo. Sila raw ang talagang nagpapakasakit para sa interes ng mga masa.

“Kung wala ang rebolusyonaryong kilusan, hindi makapagpundar  ng ganitong kaunlad na ekonomiya ang mga tao sa baryong ito.  Dahil na din sa reboluyonaryong kilusan, hindi nagawa ng mga panginoong maylupa ang makapasok dito at mag-angkin ng kahit kapirasong lupa,” paliwanag ni Obbus.

“Ito (rebolusyon) ang tamang daan sa pagbabago ng lipunan,” dagdag ni Obbus.

Jihad Al Kursi, tagapagsalita ng Moro Resistance Liberation Organizatio o MRLO. (Macky Macaspac)

Jihad Al Kursi, tagapagsalita ng Moro Resistance Liberation Organizatio o MRLO. (Macky Macaspac)

Kawalan ng hustisya, pagsasamantala

Ipinakita rin sa nasabing pagtitipon ang suporta ng iba’t ibang sektor at grupong umangkin sa rebolusyonaryong kilusan na tila isang mamahaling hiyas na hahango sa kanilang kahirapan, kawalan ng hustisya at matinding pagsasamantala.

Kasama rito ang mga Moro na mga kasapi sa rebolusyonaryong grupong Moro Resistance Liberation Organization (MRLO), isang lihim na organisasyon ng mga mamamayang Moro na kaanib sa NDF.

“Isang malaking opurtunidad ang makasama sa pagtitipon, dahil nabigyan kami ng pagkakataon na mapakinggan ang pakikibaka ng Bangsa Moro (bansang Moro) para sa karapatan sa tunay na pagpapasya,” pahayag ni Jihad Al Kursi, tagapagsalita ng MRLO sa panayam ng Pinoy Weekly.

Dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) si Al Kursi, at ngayo’y kasapi na ng CPP.  Kasama ni Al Kursi ang delegasyon ng mga Moro mula sa bayan ng Basilan, Marawi, Zamboanga, Zamboanga Sibugay at Tawi-Tawi. Ayon sa kanya, hindi nila naramdaman ang diskriminasyon sa rebolusyonaryong kilusan, kahit minorya sa pagtitipon at sa organisasyon. Kahit umano ang kanilang pagkain ay tiniyak ng NPA na hindi taliwas sa kanilang paniniwala.

Lubos din ang  pagsang-ayon ng mga ito sa inilulunsad na usapang pangkapayapaan ng NDF sa GRP.  “Naniniwala ang mga mamamayang Moro sa pamamagitan ng MRLO sa kumprehensibong programa ng CPP-NPA-NDF sa usapang pangkapayaan,” ani Al Kursi.

Sinabi din ni Al Kursi na kanilang iginagalang ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP, bagamat diumano’y napatunayan sa ilang pagkakataon na may halong panlilinlang ang mga usapang ito, tulad ng nangyari sa Memorandum of Agreemend on Ancestral Domain (MOA-AD) na walang pinatunguhan.

Nilagdaan ng MILF at gobyerno ng Pilipinas ang MOA-AD noong 2008 matapos ang matagal na negosasyon sa pagitan ng dalawang panig. Ngunit hinarang sa loob ng gobyerno ang MOA-AD, at kalauna’y ibinasura ng Korte Suprema. Lalong sumiklab ang mga digmaan sa Muslim Mindanao matapos ito.

Ikinuwento din ni Al Kursi na diumano’y may mga Morong sumapi na sa NPA at may nagbuwis na rin ng buhay. “Pangunahing porma pa rin ang armadong pakikibaka upang makamit ng Bangsa Moro ang karapatan sa sariling pagpapasya,” aniya.

Katulad ng mga magsasaka, Moro, Lumad na matagal nang nalugmok sa kahirapan at kawalan ng hustisya, hindi rin ligtas sa panggigipit  ng militar ang iba pang mga kritiko  ng gobyerno.

Unti-unting pagyakap

Samantala, simpleng aktibista na mahilig lamang sa adventure si Alvin Luque, noong dekada ’80.

Ikinuwento  ni Luque na lumahok umano siya sa aktibismo sa loob ng eskuwelahan na hindi seryoso. “ Sumama-sama ako sa NUSP, sa mga aktibista sa eskuwelahan, nang hindi talaga seryoso hinggil sa ideolohikal, pulitikal at kahit organisasyonal na mga usapin,” kuwento niya. Matapos umano siyang maka-gradweyt sa kolehiyo, nagpasya siyang tumigil na sa pagiging aktibista.

Diumano, sa loob ng limang taong pagtuturo sa Assumption School of Davao, muling nanumbalik ang kanyang sigla sa aktibismo. Dito umano lumalim ang kanyang  pag-unawa sa  pakikibakang masa. “Wala talaga akong intensiyon noon na ipagpatuloy ang aktibismo ko noong kolehiyo, pero sa pagtuturo ko sa Catholic school, bumalik ako sa aktibismo dahil naorganisa ako sa (hanay ng sektor ng) mga guro,” ani Luque.

Matapos  ang limang taong pagtuturo ni Luque, naging fulltime na organisador siya sa mga manggagawa hanggang sa maging tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan sa Northern Mindanao.

Taong 2002, kinasuhan si Alvin Luque, kasama ni dating Bayan Muna Rep. Joel Virador at iba pa ng rebelyon at insureksiyon. Diumano, mga kasapi sila ng New People’s Army.  Kinasuhan din si Luque ng arson, kasama umano siya sa pagsunog sa dalawang bus, robbery in band. Inutusan daw ni Luque ang mga NPA na kunin ang isang baka sa isang farm sa Marilog District sa Davao at  siya umano ang finance officer ng NPA.

“Sinampahan ako nang kaso ng militar at gumamit sila ng fake witnesses,” ani Luque at sinabing mga surrenderee ang mga testigo at diumano’y may masamang rekord sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa kabila ng maraming opsiyon na pagpipilian ni Luque sa pagharap sa isinampang kaso laban sa kanya, tulad ng paglikas sa ibang bansa, pagsuko at pagharap ang mahinang kaso laban sa kanya.  Pinili ni Luque ang kumanlong sa silong ng rebolusyonaryong kilusan, dahil na rin umano sa laganap na  extrajudicial killings.

“Hindi ko inaasahan ang ganito (gawa-gawang kaso). Huli na ito sa mga prayoridad ko,” aniya.  Ayon pa kay Luque, “pinakamagandang opsiyon” ang kanyang pinili.

No regrets, ’yung fulfillment na nararanasan ko ngayon sa hanay ng pulang hukbo ay hindi ko naranasan noon sa burges na buhay,” ani Luque.

Sinadya man o hindi patuloy na mag-aalsa ang mga katulad nina Al Kursi at Luque, dahil sa kawalan ng hustisya at patuloy na pagsasamantala.

Balon

Samantala, sa isa pang lugar sa Surigao del Sur, malayo sa galamay ng militar, nagtipun ang mahigit isandaang kabataan mula sa iba’t ibang eskuwelahan, kolehiyo, komunidad at kanayunan sa Mindanao. Mga miyembro sila ng grupong underground ng mga kabataan na Kabataang Makabayan (KM). At isang “Mindanao-Wide Conference” ang inilunsad nila noon.

Inanyayahan nila ang Pinoy Weekly na mag-oberba sa kanilang kumperensiya, kung saan tinalakay ang iba’t ibang isyung pambansa. Kabilang sa mga tinalakay ang usapang pangkapayapaan, at ang sinasabing US Counterinsurgency Guide, na giya diumano sa paglulunsad ng Armed Forces of the Philippines ng kampanyang kontra-insurhensiya.

Maliban sa talakayan, nais umanong makita ng mga kabataan ang mga mandirigma ng NPA na naikukuwento lamang sa kanila at natutunghayan sa telebisyon at pahayagan at naririnig sa radyo.

Marami sa mga dumalong kabataan ang hindi na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral dulot na rin ng mataas na bayarin sa eskwelahan at kahirapan ng kanilang mga magulang.

Isa si Jaz (di tunay na pangalan) sa mga dumalo sa kumperensiya. Labinwalong taong gulang na dating estudyante sa isang unibersidad sa Surigao, diumano’y “namulat” si Jaz sa loob ng kampus, pero mas ramdam niya ang pag-usad ng rebolusyon sa kanayunan.

“Tumigil ako sa pag-aaral dahil  mataas ang bayarin at hindi kaya ng magulang ko. Huminto na rin ang isa kong kapatid para makatulong sa aming pamilya,” ani Jaz. Ang kanyang mga magulang ay tenant sa isang niyugan at maliit ang nakukuha mula sa hatian sa panahon ng anihan.

Ito ang pangalawang pagbisita ni Jaz sa kampo ng NPA, at hindi malayong sumapi din siya sa NPA sa hinaharap. “ Totoong may plano akong sumama, kasi ito lang naman ang paraan para mahango tayo lahat sa kahirapan. Siguro sa mga susunod na taon sasapi na ako sa hukbo,” buong tatag niyang pag-amin.

Kung buo ang paninindigan ni Jaz na lumahok sa armadong pakikibaka, diumano’y nagdadalawang isip naman si Barbie, 20 taong gulang na estudyanteng kumukuha ng kursong BS Biology.  “So far, first time ko ito. Gusto ko lang silang (mga gerilya) makita, makilala at makausap,”  aniya.

Napatunayan umano ni Barbie na hindi nakakatakot ang mga NPA, gaya ng diumano’y ipinagkakalat ng militar. “Nakikita ko sa side nila (NPA) kung ano ang totoo at kung ano ang magandang ipinaglalaban nila,” aniya.  Nais umanong malaman ni Barbie ng mas malalim ang ipinaglalaban ng NPA.

Ayon kay Juliebeh, mainit ang pagtanggap ng mga kabataan sa rebolusyonaryong kilusan sa buong Mindanao. Subalit may pamantayan umano ang NPA sa pagtanggap ng mga bagong rekrut. “Hindi basta-basta ang pagsampa sa Hukbo; kailangan dumaan sa mga rekisitos bago tanggapin ang isang nagnanais sumampa,” paliwanag ni Juliebeh.

Tunay nga sigurong malakas ang rebolusyonaryong kilusan sa buong Pilipinas, dahil sa ipinakitang gilas ng iba’t ibang sektor na makadalo lamang sa anibersaryo ng CPP. At kahit siguro matanda na ang armadong pakikibaka ng mga ito, magpapatuloy ang rebolusyon sa kanayunan dahil may mga bagong dugo mula sa api at pinagsamantalahang uri.

Marahil sa mga susunod na mga taon, sa mga sentrong bayan at kabisera na idadaos ang kanilang anibersaryo, kasama ng mga tulad nina Antonio, Al, Alvin, Jaz at Barbie.