Husgahan Natin

Usapin sa service charge

Nasubukan na ba ninyong kumain sa isang hotel o malaking restawran? Marahil napuna ninyo na kasama sa kanilang sinisingil ang tinatawag na service charge. Ang service charge ay parang tip para sa mahusay na serbisyo. ’Yun nga lang, kusang-loob o boluntaryong binibigay ang tip. Ang service charge naman, sapilitang pinapataw ng hotel o restawran at obligadong bayaran ng mga kustomer ito.

Nasubukan  na ba ninyong kumain sa isang hotel o malaking restawran? Marahil napuna  ninyo na kasama sa kanilang sinisingil ang tinatawag na service charge. Ang service charge ay parang tip para sa mahusay na serbisyo. ’Yun nga lang, kusang-loob o boluntaryong binibigay ang tip. Ang service charge naman, sapilitang pinapataw ng hotel o restawran at obligadong bayaran ng mga kustomer  ito.

Walang sinasabi ang batas kung magkano ang dapat singilin na service charge. Bahala na ang restawran o hotel na magpasya rito. Merong mga restawran na umaabot hanggang 10%  ng buong chit ang babayaran para sa service charge. Ngunit may sinasabi ang Labor Code kung paano hahatiin ang service charge. Ayon sa Art. 96 ng  Labor Code, 85% ng service charge ang dapat mapunta sa  mga manggagawa samantalang 15% naman ang mapupunta sa manedsment.

Ibig sabihin, kung halimbawa ay P50 ang singil sa isang kustomer bilang service charge, kailangang 85%  o P42.50 nito ang mapupunta sa mga waiter, cook, at iba pang empleyado ng hotel o restawran. Paghahatian nila ito.  Samantalang 15% o P 7.50 naman ng service charge ang mapupunta sa manedsment.

Nasusunod ba ang hatiang ito? Ayon sa iba, nasusunod. Ayon naman sa iba, hindi. Ngunit ang maliwanag ay may mga kustomer na nagrereklamo dahil sa taas ng service charge na ipinapataw ng ilang hotel o restawran. Sabi nila, minsan nabibigla na lamang sila pagtanggap nila ng bill o chit dahil sa taas ng service charge. Bukod sa value-added tax kasi, dagdag pa ito sa bayarin ng kustomer.

Dahil dito, naglabas ng panukalang batas si Rep. Magtanggol Gunigundo, ang House Bill 216, na  kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Labor. Ayon sa batas na ito, dapat hindi lalampas sa 2% ang maaaring isingil na service charge ng isang hotel, restawran o service establishment. At kailangang magpaskel ng sign ang manedsment kung magkano ang sinisingil nito na service charge. Kailangan ding ibigay agad  ng manedsment sa mga manggagawa ang tamang parte nila rito. Ang paglabag sa mga alintuntuning ito ay may kaparusahang anim (6) na buwan hanggang anim (6) na taong pagkakulong o multang P50,000 hanggang P100,000.

Okey na ba sa inyo, mga mambabasa, ang panukalang batas na ito ni Rep. Gunigundo?  Aba, may pagtutol dito ang Hotel and Restaurant Association of the Philippines. Kasama nila rito ang Alliance of  Independent Unions in the Hotel and Restaurant Sector. Ayon sa kanila, hindi dapat limitahan sa 2% lamang ang service charge dahil labis itong magpapahina sa kita ng hotel at  ng mga manggagawa na nagtratrabaho rito. Sa panig ng hotel at mga restawran, kailangan daw ang 15% na bahagi nito upang matugunan ang mga breakage o nabasag na mga gamit. Sa panig ng mga manggagawa, ang 85% daw na bahagi nila sa service charge ay malaking tulong upang madagdagan  naman ang kanilang mga katiting  na kinikita. Kaya bakit daw  ito lilimitahan ng batas?

Matagal na raw na walang limitasyon sa service charge na maaring isingil sa mga kustomer. Simula pa ito noong panahon ng Martial Law,  mga 35 taon na ang nakaraan. Wala naman daw silang naging problema sa kasalukuyang sistema. Ngayon, kung kung sakaling maaprubahan ang House Bill 216, lalagyan  natin ito ng cap o limit ang service charge. Ngunit di kaya ang mga manggagawa ang unang maapektuhan nito na nakikinabang sa 85% kapag pinaliit natin ang service charge?

Ayon sa  Art. 96 ng Labor Code,  kapag tinanggal ang service charge, ang bahagi na laging napupunta sa mga manggagawa ay awtomatikong masasali sa kanilang sahod. Awtomatikong idadagdag sa kanilang suweldo ang average share na napupunta sa mga manggagawa sa nakalipas na 12 buwan  bago matanggal ang service charge. Kaya kahit  paano, may proteksiyon din ang mga empleyado.

Sino ngayon ang sasagot sa karagdagang gastos bunga ng pagkawala ng service charge kung ipapasok na ito sa sahod ng mga manggagawa? Natural na ang manesdment. Kaya’t lumalabas na ang talagang apektado sa nawala o nabawasang kita  dahil sa pagbawas sa  service charge ay ang manedsment. Ngunit maari namang itaas ng manedsment ang halaga ng kanilang presyo upang mahabol ang bahagi ng nawalang service charge. Kaya nasa publiko din ang epekto nito na madalas kumain sa mga hotel at restawrang mahilig maningil ng service charge.

Dinidinig pa ngayon ang House Bill 216  ni Rep. Gunigundo at inasahan natin na maging mas madugo ang darating na mga talakayan tungkol dito. Ganun pa man, naalala natin ang isang kuwento tungkol kay Pang. Erap nang kumain ito sa mamahaling hotel. “Bakit may dagdag na 10 %? ” tanong daw ni Erap. “Dahil sa service charge, sir,” sagot daw ng waiter. Binagsak ni Erap ang menu. “Tiningnan ko na ang menu ninyo, wala kayong ulam na service charge. Tapos ngayon, maniningil kayo,” sigaw ni Erap. “Ano tingin ninyo sa amin, bobo?”

Nakabobo nga ang usaping ito. Subalit, suportado ng Department of Labor and Employment ang panukalang batas ni Rep. Gunigundo. Kayo mga mambabasa, ano pong  tingin ninyo?