Analysis Istorya ng Linggo

Walang kamatayang undas


Hindi pagluluksa kundi mistulang pagdiriwang ang Undas para sa maraming Pinoy. Pinagkakagastusan, pinagkakaabalahan, pinagkakapaguran. Pero, sa mga sementeryo, nahahati pa rin ang mga tao sa iilang mayayaman karamihang mahihirap.

Apa-apartment na puntod sa mga sementeryo. (Darius Galang)
Apa-apartment na puntod sa mga sementeryo. (Darius Galang)

Kumusta ang Undas ninyo?

Noong hapon ng Nobyembre 1, tila buong Kamaynilaan ang dumaan sa mga kalsadang patungong North Cemetery. Bata, matanda, babae, lalaki, kulot, tuwid, pangit, pogi. Naglakad sila para mabisita ang mga namaalam nilang mahal sa buhay. Taun-taong ritwal ito, pero tila, taun-taon ding naninibago ang bawat isa. Nagugulat sa kapal ng tao. Nasisindak sa putikang daan, sa usok, alikabok, ulan, sa katawan ng dalawang anghiting mama na nakasuksok sa magkabilang braso mo. Nagugulat ka’t di ka pala nakapagdala ng sapat na pagkain, aabutin ka pala ng gabi sa daan. Mababasa ka sa pawis at ulan. Halos hihimatayin ka bago makarating sa puntod ng kaanak mo sa looban ng sementeryo.

Ito ang naabutan namin sa North Cemetery. Ang mistulang pistang taun-taon ipinagdiriwang, at di pinagsasawaan. Hindi na dapat nakapagtataka. Labis pa rin ang pagpapahalaga natin sa ating namatay na mga mahal sa buhay. Labis pa rin ang paniniwala nating kailangan silang alalahanin sa araw na ito, kung ayaw nating multuhin nila tayo, abutin ng malas, o konsensiyahin. Pagdadalhan natin ng pagkain. May nag-alay ng pansit, ispageti. May full meal, isang beses sa isang taon lang kasi sila siguro makakakain. May nag-alay din ng softdrink, at ng mineral water. Baka kasi masama ang tubig sa sementeryo.

Sabi nila, “great equalizer” daw ang kamatayan. Ibig sabihin, mayaman o mahirap, pantay-pantay pagdating ni Kamatayan. Pero sa sementeryo, may mayaman at mahirap pa rin. Hayun nga, sa bungad ng North Cementery, nakahanay ang mga musoleo na tila wala nang bumibisita. May malalaking istruktura, tulad ng bubong at bahay, ang ilan. Malalaki ang mga lote, maganda ang landscape design, pero iisa lang ang nakalibing. Makikita, halimbawa, sa bungad ng sementeryong ito ang libingan nina dating presidente Sergio Osmena. Malawak ang lote. Sa labas nito, siksikan ang mga tao, halos magkapalitan na ng mukha.

Daan-daang libo, kundi man milyun-milyon, ang tumutungo ng Manila North Cemetery tuwing Undas. Sa ibang mga sementeryo, ganoon din. (Darius Galang)
Daan-daang libo, kundi man milyun-milyon, ang tumutungo ng Manila North Cemetery tuwing Undas. Sa ibang mga sementeryo, ganoon din. (Darius Galang)

Kung sana nabuksan ang mga musoleo, kahit para man lang makadaan ang mga tao. Pero bawal, kasi may bantay. Sa una-unahan, nandun na ang mga apa-apartment na mga puntod. Kasinlaki na siguro ng buong lote ni Osmena ang sumunod na lote, na daan-daan ang nakalibing.

Hindi naman bago sa atin ang pagdiriwang na ito, ang mga pamahiing ito. Hindi rin ito kakaiba sa atin. Sa Latin America, lalo, buhay na buhay din ang pagdiriwang ng Dia delos Muertos, o araw ng mga patay. Hindi katoliko, kundi paganong praktika ang pag-alay ng mga pagkain sa patay. Pamahiin ito, na sabi ng marami’y wala naman mawawala sa atin kung susundin. Pero sa totoo lang, mayroon. Mawawalan tayo ng pagkain.

Sa mga probinsiya, mas malupit ang Undas. May mga nagbibidyoke, may nagmamahjong, nagbabaraha. Pero sa maraming malalaking sementeryo, ipinagbawal na raw ito. Gayunman, parang pista pa rin ang Undas sa North Cemetery. Pagsapit ng hapon, namamaho na ang napapanis na pagkain na itinapon sa mga suluk-sulok ng sementeryo. Pagdating ng gabi, uwian na sila. Sa susunod na taon uli, gugunitain ang mga yumao. Sa ngayon, abala muli sa mga buhay. Abala muli sa hanapbuhay. Abala muli sa pakikibaka ng buhay.

Mga larawan nina Macky Macaspac, Darius Galang at KR Guda | Audio recording at audio slideshow ni KR Guda