Husgahan Natin

Usapin sa pagreretiro

Ang pagreretiro ay isa sa mga bagay na inaasahan ng isang manggagawa kaugnay ng kanyang trabaho. Ngunit may mga pagkakataon na gusto pang magtrabaho ng manggagawa ngunit pinapagretiro na siya ng kompanya. Sa pagkakataong ito, sino ang dapat na masunod: ang manggagawa o ang kompanya?

Ang pagreretiro ay isa sa mga bagay na inaasahan ng isang manggagawa kaugnay ng kanyang trabaho. Ngunit may mga pagkakataon na gusto pang magtrabaho ng manggagawa ngunit pinapagretiro na siya ng kompanya. Sa pagkakataong ito, sino ang dapat na masunod: ang manggagawa o ang kompanya?

Ito ang naging katanungan sa kasong  “Lourdes A. Cercado  vs. UNIPROM, Inc.” , (G.R. No. 188154) na hinatulan ng Korte Suprema noong Oktobre 13, 2010. Sa nasabing kaso, nagtatrabaho si Lourdes sa kompanya  bilang isang  typist dito. Noong una siyang pumasok sa kompanya, wala pa itong patakaran sa pagreretiro. Noong kalaunan  ay sinimulang ipatupad ng kompanya ang isang Employees-Non Contributory Retirement Plan kung saan ang kanyang mga empleyado ay obligadong magretiro pagkatapos  ng 20 taong pagseserbisyo, basta’t umaayon ang kompanya.

Tumagal si Lourdes sa kompanya at umabot sa 22 ang kanyang pagtatrabaho rito. Pinaalam sa kanya ng kompanya na sang-ayon sa patakaran ng kompanya sa retirement ay dapat magretiro na si Lourdes. Dahil si Lourdes ay 47-taong gulang lamang noong panahon na iyon at gusto pa niyang magtrabaho ay tumanggi itong si Lourdes.

Ayon sa kompanya ay nasa kanyang sariling pagpapasya kung magreretiro ba si Lourdes o hindi sapagkat ito ang nakasaad sa retirement program kung kaya’t itinuring na nito na retirado na si Lourdes kahit labag sa kagustuhan ng huli. Hindi na pinapasok ng kompanya si Lourdes at pinabigay na rin ng tsekeng maging kabayaran niya sa kanyang pagreretiro.

Hindi tinanggap ni Lourdes ang tsekeng binibigay ng kompanya. Bagkus ay nagsampa siya ng demandang illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Pinanalo ng Labor Arbiter si Lourdes. Umapela ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) ngunit ganun din ang desisyon ng huli. Napilitang iakyat ng kompanya ang kaso sa Court of Appeals. Binaliktad ng Court of Appeals ang dating desisyon at pinanalo ang kompanya. Ayon sa Court of Appeals, maliwanag sa patakaran ng kompanya na dapat nang magretiro si Lourdes at bilang manggagawa ng kompanya, dapat lamang sumunod si Lourdes sa mga patakaran nito.

Dinala ni Lourdes sa Korte Suprema ang kaso. Ayon sa kanya, sa ilalim ng batas ay 65 ang compulsory retirement. Dahil sa siya ay 47 pa lamang, hindi siya maaaring ipagreretiro ng kompanya. Ayon naman sa kompanya, bagama’t ganun nga ang sinasabi ng batas, kung merong collective bargaining agreement (CBA) o company policy na nagsasaad ng mas mababang retirement age, dapat itong sundin ng mga manggagawa. Dahil ayon sa retirement program ng kompanya ay dapat nang magretiro si Lourdes, tama lang na sumunod si Lourdes dito.

Tama si Lourdes, sabi ng Korte Suprema. Totoong ayon sa batas ay 65 ang compulsory retirement age maliban lamang kung may CBA o patakaran sa kompanya na nagsasaad ng mas mababang edad sa pagreretiro. Walang dudang walang CBA ang kompanya ngunit may retirement program siya tungkol dito.  Ang tanong ngayon: May pagsang-ayon ba sa retirement program o patakaran ng kompanya itong si Lourdes para sabihin nating obligado siyang sumunod sa patakarang ito?

Ang sabi ng Korte Suprema ay wala. Nang ipairal ng kompanya ang kanyang Employees Non-Contributory Retirement Plan nito, matagal nang nagtatrabaho na si Lourdes sa kompanya. Hindi man lang tinanong ng kompanya sa kanyang mga empleyado kung bukal sa loob nilang tinatanggap ang patakarang ito na magbababa ng edad ng pagreretiro kaysa edad na sinasabi ng batas. Walang maipakitang anumang papel ang kompanya na pinirmahan ni Lourdes na sumasang-ayon siya sa pagpababa ng retirement age sa edad na sinasabi ng batas. Basta na lamg pinairal ng kompanya  ang patakarang ito.

Oo nga at hindi kumibo si Lourdes laban sa retirement program ng kompanya ngunit ang hindi pagkibo na ito ay hindi tanda ng pagsang-ayon, sabi ng Korte Suprema. Ang hinihingi ng batas na pagsang-ayon ay mahigit pa sa hindi pagkibo. Kailangang mapatunayan ng kompanya ang  maliwanag at malayang  pagtanggap ni Lourdes sa retirement program nito. Dahil sa wala ni katiting na pruweba o dokumento na sumang-ayon dito si Lourdes, dapat na sundin natin ang nakalagay sa batas.

Walang duda kung ganun na mali ang desisyon ng kompanya na pagreretiruhin na si Lourdes. Pinanalo ng Korte Suprema si Lourdes at inutusan ang kompanya na ibalik siya sa kanyang trabaho at bayaran ng kanyang backwages dahil hindi pa ito dapat magretiro.