Husgahan Natin

No strike, no lock-out provision’ sa CBA

Sa mga unyonistang pamilyar sa collective bargaining agreement (CBA, hindi na bago ang salitang “no strike, no lock-out provision.” Ang ibig sabihin ng salitang ito ay pinagkakasunduan ng kompanya at ng unyon na samantalang buhay ang kanilang CBA ay hindi maaaring magwelga ang mga manggagawa at hindi maaaring mag-lock-out ang manedsment. Paano ngayon kung nagwelga ang mga manggagawa sa kabila ng “no-strike-no lock-out provision” sa CBA?

Sa mga unyonistang pamilyar sa collective bargaining agreement (CBA), hindi na bago ang salitang “no strike, no lock-out provision.” Ibig sabihin ng salitang ito na pinagkakasunduan ng kompanya at ng unyon na samantalang buhay ang kanilang CBA ay hindi maaaring magwelga ang mga manggagawa at hindi maaaring mag-lock-out ang manedsment.

Paano ngayon kung nagwelga ang mga manggagawa sa kabila ng “no-strike-no lock-out provision” sa CBA?

Ayon sa Korte Suprema, maaaring matanggal ang mga manggagawa.

Ang kasong “C. Alcantara and Sons, Inc. vs. Court of Appeals, et. al. (G.R. No. 155109)” na hinatulan ng Korte Suprema noong Septyembre 29, 2010 ay makukunan natin ng aral sa bagay na ito.

Sa nasabing kaso, ang kompanya at unyon ay nagkaroon ng CBA na nagsasaad na bawal sa kompanya ang mag-lock-out at bawal naman sa unyon ang magwelga samantalang buhay ang kanilang CBA.

Nang sumunod na negosasyon ng kanilang CBA ay hindi nagkasundo ang dalawang panig. Naghain ng “notice of strike” sa dahilan ng CBA deadlock ang unyon. Matapos sumunod sa iba pang hinihingi ng batas ay tuluyan nang nagwelga ang mga manggagawa.

Humingi naman ng temporary restraining order (TRO) sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kompanya at ito ay binigyan. Sa pamamagitan ng TRO, pinagbawal sa mga manggagawa ang pagharang o pagbarikada sa pintuan ng kompanya. Ganun pa man, hindi ito sinunod ng mga manggagawa, kaya nagsampa ng kasong “illegal strike” sa tanggapan ng Labor Arbiter ang kompanya.

Sa naging desisyon ng Labor Arbiter ay sinabi nitong lumabag ang mga manggagawa sa “no strike, no lock-out provision” ng CBA kung kaya’t ilegal ang kanilang welga. Inutos din ng Labor Arbiter na dapat matanggal ang mga opisyal ng unyon sa kanilang mga trabaho at magbayad ng danyos sa kompanya. Pagdating naman sa ordinaryong mga kasapi ng unyon, sinabi ng Labor Arbiter na maari silang makabalik sa kanilang mga trabaho ngunit hindi sila dapat bayaran ng backwages ng kompanya.

Nag-apela sa NLRC ang bawa’t panig. Hiniling naman ng ordinaryong mga kasapi ng unyon ang agarang pagtupad ng kompanya sa desisyon ng Labor Arbiter na sila ay pabalikin na sa trabaho, ngunit hindi ito sinunod ng kompanya.

Sa desisyong inilabas ng NLRC, sinabi nitong tama ang naging hatol ng Labor Arbiter subalit may mga kasapi pa ng unyon na dapat tanggalin. Iyon ay ang mga kasapi ng unyon na napatunayang nagharang sa pintuan ng kompanya o gumawa ng ilegal na bagay sa panahon ng welga.

Inakyat ng unyon sa Court of Appeals ang kaso ngunit hindi pa rin tuluyang nabago ang desisyon. Iniutos lamang ng Court of Appeals na ibalik ang desisyon ng Labor Arbiter kung saan ang mga lider ng unyon lamang ang matatanggal sa trabaho at hindi ang ordinaryong kasapi ng unyon.

Parehong hindi nasiyahan sa desisyon ng Court of Appeals ang bawa’t panig kaya’t lahat sila ay dumulog sa Korte Suprema.

Nilinaw ng Korte Suprema na bagamat nasunod ng unyon ang lahat na rekisitos na hinihiling ng batas tungkol sa welga, kailangan pa ring sumunod ang unyon sa sinasabi ng CBA. Sa naturang CBA, malinaw na sumang-ayon ang unyon na hindi ito maglulunsad ng welga samantalang buhay ang CBA . Ito ang nilalaman ng “no strike, no lock-out clause” sa CBA. Hindi pinagbabawal ng batas ang magkaroon ng ganitong kasunduan sa isang CBA. Kung ganun, dahil sa nilabag ito ng unyon, malinaw na labag sa batas ang isinagawa nitong welga. Tama ang Labor Arbiter kung ganun, pahayag ng Korte Suprerma, sa pagdeklarang ilegal o labag sa batas ang nasabing welga.

Dahil nga sa ilegal ang welga, tama lang na matanggal sa kanilang mga trabaho ang mga pinuno ng unyon pati na ang shop stewards nito, sabi ng Korte Suprema. Tama rin na tanggalin yung mga kasapi ng unyon na nangharang o nanakot sa kanilang kapwa manggagawa sa panahon ng welga.

Pagdating naman sa ibang kasapi ng unyon, iniutos ng Korte Suprema ang pagbayad sa kanila ng separation pay sa halagang kalahating buwang sahod sa bawat taon na kanilang inilagi sa kompanya. Idinagdag rin dito ang pagbayad sa kanilang backwages sa panahong hindi sila pinapasok sa trabaho ng kompanya bagamat iniutos na ito ng Labor Arbiter.

Kaya mga kasama, hanggat maari, huwag pumasok sa “no strike, no lock-out provision” sa inyong mga CBA. Dagdag itong sagka sa karapatang magwelga ng mga manggagawa. Kung sakaling mayroon ng ganitong probisyon sa inyong CBA, tiyaking may sapat na lakas ang unyon para mapangibabawan ito. Ito lamang ang tanging paraan para makawala sa kumunoy na gawa ng teknikalidad ng maka-kapitalistang batas na umiiral sa lipunang ito.