Husgahan Natin

Sa paglipas ng apat na taon


Hanggang kailan ba maaaring magsampa ng kaso sa kanyang kompanya ang isang tinanggal na manggagawa? Maaari bang huwag muna siyang kumibo at pakuyakuyakoy muna sa tabi at kung kailan siya sisipagin ay saka na lamang magsampa ng kaso laban sa kompanya?

Hanggang kailan ba maaaring magsampa ng kaso sa kanyang kompanya ang isang tinanggal na manggagawa? Maaari bang huwag muna siyang kumibo at pakuyakuyakoy muna sa tabi at kung kailan siya sisipagin ay saka na lamang magsampa ng kaso laban sa kompanya?

Hindi, mahal naming mga mambabasa. Ayon sa Korte Suprema, ang isang manggagawa ay dapat magsampa ng kaso sa kompanyang nagtanggal sa kanya sa loob ng apat (4) na taon mula nang siya ay tanggalin sa kanyang trabaho. Ang anumang kasong isinampa pagkalipas ng panahong ito ay idi-dismiss o ipapawalang-bisa ng husgado. Kaya kapag ikaw ay tinanggal sa iyong trabaho, tiyaking sa loob ng apat (4) na taon ay naisampa mo na  ang iyong  kaso.

Ang nangyari kay Roberto sa kasong Philippine Long Distance Telephone National Company (PLDT) vs. Robero Pingol (G.R. No. 182622) na dinesisyunan ng Korte Suprema nitong Setyembre 8, 2010 ay nawa’y huwag mangyari sa inyo.

Sa nasabing kaso, nagsimulang magtrabaho si Roberto sa PLDT bilang maintenance technician noon pang 1979.

Pagkatapos ng halos dalawampung taon na pagtatrabaho, nagkaroon ng sakit sa utak itong si Roberto na naging dahilan ng kanyang pag-absent sa trabaho. Nakalabas na siya sa ospital pero tuloy pa rin siya sa kanyang pag-absent. Dahil dito, sinulatan siya ng kompanya na kapag tinuloy pa niya ang pag-a-absent, mapipilitan itong tanggalin siya sa trabaho.

Sa kabila ng lahat, tinuloy pa rin Roberto ang pag-a-absent. Napilitan ang kompanyang tanggalin sa kanyang trabaho si Roberto. Nangyari ito noong Enero 1, 2000.

Hindi muna nagdemanda laban sa PLDT si Roberto. Noong Marso 29, 2004 o apat na taon at tatlong  buwan matapos siyang tanggalin, ay saka pa lamang siya nagdemanda.

Pina-dismiss ng PLDT ang kaso sa katuwirang paso na ang demanda ni Roberto. Kinatuwiran naman ni  Roberto na totoong hindi siya nakapagdemanda agad sa loob ng apat na taon. Subalit ikinatuwiran niya na  halos dalawang taon siyang sumulat sa kompanya para hingin ang kanyang pagbabalik sa trabaho bago siya magdemanda. Ayon sa kanya, dapat lamang iawas ang dalawang taong ito sa apat na taon. Kaya, hindi pa paso ang kanyang demanda.

Ibinasura ng Labor Arbiter ang demanda ni Roberto. Tama raw ang katuwiran ng kompanya. Inapela naman ni Roberto sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kaso. Dito, binaliktad naman ng NLRC ang desisyon at sinabing hindi pa paso ang demanda ni Roberto. Dinala ng kompanya sa Court of Appeals ang kaso ngunit talo pa rin ito. Napilitan ang kompanyang dalhin sa Korte Suprema ang kaso.

Sinabi ng Korte  Suprema na ang isang manggagawa ay may apat na taon lamang mula sa kanyang pagkatanggal para magsampa ng kasong illegal dismissal laban sa kanyang kompanya.

Sa kaso ni Roberto, Enero 1, 2000 siya tinanggal ng kompanya ayon sa kanyang demanda. Marso 2004 na siya nagapagdemanda. Malinaw na mahigit apat na taon na ito mula nang siya ay tinanggal.

Sinasabi ni Roberto na mga halos dalawang taon siyang sulat ng sulat sa kompanya para hingin na siya ay makabalik,  kaya hindi dapat isali ang dalawang taon na ito sa pagkuwenta sa mga taong lumipas. Ganun pa man, walang maipakitang ebidensiya si Roberto na ginawa nga niya ito. Ni isang sulat man lang ay wala siyang maipakita. Dahil dito, hindi dapat paniwalaan ang sinasabi tungkol dito ni Roberto at walang sapat na dahilan para maantala ang apat na taon.

Kung tutuusin, walang ibang may kasalanan sa nangyari sa kanyang kaso kundi si Roberto, paliwanag ng Korte Suprema. Hindi siya dapat natulog sa kanyang karapatan. Dapat ay sinampa niya ang kanyang kaso laban sa kompanya nang nasa tamang panahon. Dahil sa kanyang kapabayaan, tumakbo na ang tamang panahon at ito ay hindi maibabalik pa.

Binaliktad ng Korte Suprema ang mga naunang hatol at ipinawalang-bisa ang kaso ni Roberto.