Buhay at pakikibaka ng Morong 43 sa loob ng piitan

August 20, 2010

Si Jane Balleta, anak ng awtor, sa unang pagdinig ng Court of Appeals sa petisyong writ of amparo ng Morong 43, noong Pebrero. (Kuha ni Cris Balleta)

Si Jane Balleta, anak ng awtor, sa unang pagdinig ng Court of Appeals sa petisyong writ of amparo ng Morong 43, noong Pebrero. (Kuha ni Cris Balleta)

Anim na buwan na ngayong Agosto 2010 mula nang ilegal na arestuhin at ipiit ang ating dakilang mga manggagawang pangkalusugan sa Camp Capinpin na ngayo’y nasa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig. Mahigpit nilang nilalabanan ang pagkainip sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad at pagtanggap ng mga dalaw araw-araw, maliban tuwing Lunes.

Halos isang linggo ring naospital sa Philippine General Hospital ang aking anak na si Jane Balleta noong Hunyo 11 hanggang 17, dahil sa sunud-sunod na seizure. Noong July 22, nanganak sa pamamagitan ng ceasarian operation sa kanyang panganay si Judyilyn Oliveros ng isang sanggol na lalaki. Sa pamamagitan ng pakikipagdiyalogo kay Justice Secretary Leila de Lima nuong Agosto 6 (eksaktong ikaanim na buwan ng pagkakapiit sa Morong 43), iginiit natin sa kanya na huwag paghiwalayin ang mag-ina sa loob ng anim na buwan. Hihintayin na lamang kung saan maaaring itira sina Judilyn at ang kanyang sanggol sa labas ng ospital. Sa darating na Oktubre, Mercy Castro ay manganganak sa kanyang pangalawang anak. Sana naman, malaya na silang lahat bago siya magsilang.

July 28, 2010, alas-10 ng umaga, sama-sama kaming mga kaanak at mga kinatawan ng Council for Health and Development (CHD) at Karapatan na tumungo sa tanggapan ng  Joint Monitoring Committee on Human Rights ng National Democratic Front of the Philippines at Government of the Republic of the Philippines (NDFP-GRP) upang magsampa ng kaso ng ilegal na pag-aresto at pagkulong ng mga manggagawang pangkalusugan. Nakausap namin ang isang abogado sa GRP Panel at hiniling na mabigyang pansin ang kalagayan ng aming mga kaanak na ilegal na inaresto at ikinulong at sana’y mapalaya agad sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Ang paglapit namin sa JMC ay bahagi ng pagnanais naming mapakinggan ng lahat ng mga institusyon sa kagustuhan naming makalaya na ang aming mga kaanak.

Naniniwala kami sa kawastuhan ng paglapit namin sa JMC dahil ang ating gobyerno ay obligadong tumupad sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl). Malinaw na lumabag ito sa sa mga probisyon ng Cahrhihl. Hiningi na rin natin ang tulong ng United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland habang hinihintay ang magiging rekomendasyon ng Commision on Human Rights (sa ilalim pa nuon ni Chairperson Leila de Lima) sa mga pagdinig nito noong Abril hanggang Mayo.

Gayundin, umaasa kami na magiging pabor sa kagyat na pagpapalaya ang magiging desisyon ng 3rd Division ng Korte Suprema kaugnay ng Habeas Corpus na inapela naming nuong Marso 2010. Nakaamba pa rin ang arraignment sa ating mga manggagawang pangkalusugan sa kasong isinampa ng state prosecutor na illegal possession of firearms at explosive materials sa Morong Trial Court,  na lagi nating iniaatras sa katuwirang naghihintay tayo sa desisyon ng Korte Suprema.

Kahit usad-pagong ang galaw ng hustisya para sa ating mga manggagawang pangkalusugan, hindi kayang sagkaan ang mataas na moral at kahandaan nilang harapin ang pagsubok at sakripisyo na ginawa sa kanila ng nakalipas na gobyernong Arroyo. Sa loob ng piitan, hinasa nila ang kanilang galing sa pagkatha at pagbigkas ng tula. Isinasadula nila ang kanilang karanasan sa saliw ng makabayang mga awitin. Mababakas sa kanilang mga mukha ang hirap na dinanas sa kamay ng mga militar, subalit nananaig ang  tapang at tatag ng  kanilang paninindigan sa bawat palabas at pag-awit. Ang  awa at habag na nararamdaman ng  bawat nagnanais dumalaw sa kanila na mga kaibigan mula sa loob at labas ng bansa ay napapalitan ng mataas na pagkilala at paghanga, taglay ng bawat dalaw ang aral at inspirasyon sa paglabas ng Bicutan. Ang mga gawang bracelets, kuwintas na may panawagang “Free the 43” ay nagsisilbing alaala at tulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga dakilang manggagawang pangkalusugan. At ang natutunan nilang “Apat na Palakpak, Tatlong Padyak, Free the 43!” ay ahitasyong gumuguhit sa isip ng bawat dalaw, handang ibahagi at isigaw hangga’t ang 43 manggagawang pangkalusugan ay patuloy na napipiit.